top of page

Dear Charo, tanda pa kaya nila ako?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 47 minutes ago
  • 3 min read

Sa loob ng tatlong dekada, naging laman na ng tahanan ng bawat Pilipino ang Maalaala Mo Kaya (MMK) tuwing sasapit ang Sabado ng gabi. Ngunit sa nakalipas na dalawang taon, ang mga kuwento ng bawat pamilyang Pilipino, puno ng aral at mula sa puso ay natuldukan.


Sa pangunguna ng host nito na si Ms. Charo Santos-Concio, ang MMK ay ang longest-running drama anthology series sa Asya, mula sa kauna unahang episodo nito na pinamagatang “Rubber Shoes” noong 1991 hanggang sa huling pag-ere nito noong 2022 tampok ang istoryang “Scarlet Woman” na isang three-part anniversary special ng programa bago magtapos.


Ngayong taon, sa pamamagitan ng ABS-CBN online digital platform na iWantTFC, muli nang mapapanood ang mga istoryang minsang nagparamdam sa atin ng iba’t ibang emosyon. Sa pagbabalik nito ngayong Abril 24, tampok dito ang mga istoryang pasok rin sa bagong henerasyon.


Ang mahiwagang paper clip


Hindi kapani-paniwala na ang programang MMK ay isinilang dahil sa iisang paper clip. Nabuhay ang isa sa pinakamatagumpay na programa sa telebisyon sa bansa dahil lamang sa hindi kapansin-pansing bagay na makikita sa mesa, sa aparador, o sa mga sulok ng bawat tahanan ng pamilyang Pilipino.


Ayon sa TikTok video ni Ms. Charo, naisip niya ang konsepto ng MMK dahil sa nakita niyang paperclip habang sila ay nagmi-meeting patungkol sa pagbuo ng bagong programa para sa ABS-CBN. Mula sa kaniyang malawak na imahinasyon, ang isang bagay, gaya ng paperclip, ay may taglay na istorya sa likod nito. Maiisip mo kaya na ang bagay na ito ay ang susi na ginamit ng lalaki sa bahay upang mabuksan ang pinto at maitanan ang kaniyang nobya?


Paano naman ang titulo ng programa? “Among my souvenirs,” suhestyon ni Ms. Charo—ngunit hindi ito babagay. “Kailangan tagalog at mala-kundiman,” sagot ng bossing. Mula rito, naging pamagat at pangunahing musika ng programa ang “Maalaala Mo Kaya” ni Carol Banawa.


Huling liham?


Alam na ng lahat na kilala ang MMK sa paghahatid ng kwentong-buhay ni “letter sender” sa manonood, pero hindi lang ito ang tanging nagpapatagumpay rito—may iba pang mga sangkap na bumubuo sa tatlong dekadang programa.


Ang sikreto sa likod nito ay “good storytelling.” Ang pagkukuwentong isinasangkot ang manonood sa pamamagitan ng emosyon, naratibo ng naging buhay ng bawat karakter, at bagong perspektibo. Ito ang mga dahilan kung bakit minahal at patuloy na minamahal ng mga manonood ang MMK.


Ngunit nawala sa ere ng dalawang taon ang mga istoryang ito. Nabura ang mga salita sa bawat kuwento ng mamamayang Pilipino. Matatandaang noong 2020, pumasok ang isang pandemyang nagpatigil hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kasabay nito ang pagpapasara sa hanapbuhay ng maraming alagad ng midya matapos tanggalin at pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN na siyang tahanan ng programang MMK.


Sa muling pagsulat…


Sa pagpasok ng bagong henerasyon, umusbong din ang mga sariwang kwento. Muling magbabalik sa ere ang tagapagsalaysay sa bawat gabi ng pamilyang Pilipino. Upang makasabay, ihahatid nito ang mga paksa at suliranin sa buhay ng bagong henerasyon, partikular na ng ‘Gen Z.’


Mapapanood nang mas maaga ang MMK sa panibago nitong tahanan, ang online streaming platform iWantTFC simula ngayong Abril 24. Handog nito sa mga unang episode ang istorya ng unang Asian at Pilipinong The Voice Season 26 winner na si Sofronio Vasquez III. Susundan ito ng naratibo ng isa sa mga miyembro ng Nation’s Girl Group na BINI.


Dagdag pa rito, magbabalik-telebisyon din ito dahil mapapanood pa rin ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z simula Abril 26 sa ganap na 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.


Mula sa sariling istorya ng MMK, masasalamin ang kwento ng taong nagsimula sa maliit, humarap sa gabundok na problema ngunit bumangon pa rin at handang harapin ang bagong yugto ng kanyang buhay.


Artikulo: Tim Lozano

Grapiks: Marc Nathaniel Servo

ความคิดเห็น


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page