top of page
Writer's pictureThe Communicator

Minsan Sa Mendiola: Tinig ng Karahasan, Tinig ng Pagsilang

May isang minsan sa kalye ng Mendiola na naglalakbay sa mga alaala ng kahapon na sa diwa ng kasaysayan, kahit masakit, ay hindi dapat kalimutan. Ito ang siyang nagbukas ng pinto tungo sa isang madilim na bahagi ng ating kasaysayan—isang kahindik-hindik na yugto—ang ngayo’y kinikilalang “Mendiola Massacre.”

Noong ika-22 ng Enero 1987, sa pangunguna ng Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP), libo-libong mga magsasakang may malayang isip at nagtataglay ng pangarap para sa lipunan ang nagtipon sa Mendiola bitbit ang panawagan para sa tunay at makatarungang reporma sa lupa.


Ngunit ang inaasahang isang mapayapang protesta—ay nauwi sa isang madugong trahedya—ang mga nagmamartsa para sa kanilang mga karapatan ay pinaulanan ng bala, at naging martir ng isang ‘di makatarungan at mapang-aping sistema. Ayon sa ulat, tinatayang 13 ang nasawi habang 39 naman ang sugatan.


Sa paglipas ng mga dekada, ang mga sugat na iniwan nito ay hindi pa rin naghihilom magpahanggang ngayon.


Nalalasahan pa rin ng kanilang mga pamilya ang pait ng kanilang pagkawala. Ang kanilang laban at sigaw para sa katarungan ay patuloy na nadarama sa hangin ng Mendiola. Ang mga buhay na inagaw, pangarap na binasag, at pag-asa na naglaho ay patuloy na naglalakbay kasabay ng mga bawat hakbang sa kalsadang ito.


Sa kabila ng masamang pangyayari, maraming organisasyon ang bumangon at sumibol upang ipagtanggol at ipaglaban ang mga biktima.


Ang KMP ay isa sa mga pangunahing grupo na patuloy na naglalakas-loob na ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawang bukid. Itinatag din ang Task Force Mapalad, isang pambansang koalisyon ng mga organisasyon na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka. Ang mga grupo ay masigasig na nagtatanggol sa mga magsasaka at kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Nagpapatuloy sila sa pagbibigay ng tinig sa mga patuloy na inaapi ng sistema.


Sa kabila ng madilim na pahina ng kasaysayan, may lihim na papel na ginagampanan ang Mendiola sa paghubog ng matatalim at mapanuring isipan ng mga kabataan.


Ang pag-aalsa ng mga nagtitipon sa Mendiola ay nagbubukas mata sa nakararami patungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng makatawid-kahirapan at makatarungang sistema. Dahil dito, naging tulay ang kahabaan ng Mendiola para sa pagtindig ng sambayanan laban sa pang-aapi at pang-aabuso.


Hindi lamang ito isang kalsada, kundi isang paaralan kung saan ang mga malayang ideya ay bumabalot sa hangin. Ito ang lugar kung saan nagsisimula ang paglalakbay tungo sa pag-unawa at pagkilala sa sarili at sa lipunan.


Ang Mendiola, sa kabila ng mga nakaraang karahasan, ay nagiging tagpo ng pagpapalaya ng kaisipan. Ang mga naglalakad dito ay hindi lang nagdadala ng mga pancartang pininturahan ng mga panawagan ng pagkamuhi sa mapang-aping sistema. Ito ang lugar kung saan nagiging buhay ang diwa ng aktibismo—sa pakikibaka sa kalsada at sa pag-aaral at pag-unawa sa lipunan.


Ang Mendiola, sa kaharian ng mga malulupit na pangyayari, ay nagiging sugatang pook ng mga bagong saloobin at pangarap. Ito ang nagiging inspirasyon ng mga kabataang handang lumaban para sa katarungang panlipunan.


Minsan sa Mendiola, ang mga sigaw ng katarungan ay naglalakbay mula sa kahapon patungo sa hinaharap. Ang mga pangarap na naglaho ay nagiging inspirasyon para sa mga kabataang patuloy na nangangarap at lumalaban.


Sa bawat hakbang ng oras na wala pa ring hustisya para sa mga biktima, ang Mendiola ay patuloy na magsisilbing alaala ng mga hindi malilimutang bayani—ng mga nagbuwis ng buhay para sa layunin na mas mataas kaysa sa sarili.


Artikulo: Andrea Cherryl L. Bautista

Grapiks: Cathlyn De Raya


Comentarios


bottom of page