Mga Pusong Nagsusumamo sa Tahimik na Siyam na Gabi
- The Communicator
- 8 minutes ago
- 5 min read
Nakagawian na ng mga Pilipino ang paggising nang madaling araw para sa kapana-panabik na tradisyong kanilang hinintay. Tuwing papatak na ang ika-16 ng Disyembre, tila ba nagbabago ang simoy ng hangin na nagpapaalalang malapit na muling magsimula ang panibagong taon… at panibagong determinasyon ding tapusin ang siyam na Simbang Gabi habang bitbit ang pasasalamat sa buong taon na lumipas at mga panalangin para sa parating na bagong kabanata.

Ngunit… hindi lahat ng bukang-liwayway ay nagsisimula sa loob ng simbahan.
Dahil, marahil para sa iba, hindi nasusukat sa bilang ng misa ang pagdinig ng Diyos sa ating mga hiling. Dahil maaari rin namang ibulong ang mga panalangin sa gitna ng gabing tahimik at kalmadong paligid—walang ritwal, walang kasama, ngunit puno ng pagsusumamo’t pagnanais.
Mga Kahilingang Naipon sa Buong Taon
Tiyak ay galak na galak dumalo ang mga tao sa unang araw ng Simbang Gabi. Dito nagsisimula ang mga taong nangangako sa sarili na tatapusin ang siyam na misa. Karamihan sa kanila’y kasama ang pamilya, mga kaibigan, o kasintahan; kaya naman, talagang ginaganahan silang tapusin ito hanggang sa huling araw.
Bukod sa mga bitbit na kahilingan, may bitbit din silang perang pambili sa mga nagliliwanag na tindahan na nakahilera sa tabi ng simbahan. Simula sa mga pailaw na laruang pambata hanggang sa mga nagsasarapang pagkain, tunay nga naman na nakagagalak ang ganitong uri ng gabi.
Maingay, magulo, mausok ang kapaligiran. Ngunit hindi lahat ng naroon ay galing sa loob ng simbahan—mayroon ding mga taong galing pa sa kani-kanilang mga bahay para lamang bumili ng masarap na puto bumbong at bibingka. Habang palihim nilang dinarama ang kakaibang simoy ng kapaligiran habang naglalakad. Na tila ba’y hindi lamang hangin ang malamig, kundi pati na rin ang utak at kaluluwang tahimik na nagmumuni-muni.
Totoo ngang hindi lang sa misa mahahanap ang kapayapaan… mararamdaman mo rin ito kahit pa palihim ka lang na nakikipag-usap sa sarili at sa kung sino man ang gusto mong kausapin sa isipan.
Baka rin ang pagsi-“simbang tabi”—kung saan gumagala lamang sa labas ng simbahan at kung ano-anong ginagawa—ay hindi puro kalokohan lamang. Baka para rin ito sa mga taong tahimik na sumusunod sa tradisyon sa labas ng misa.
Kaya naman, ang tanging hiling ko para sa unang gabi ay ang manatili ang kasiyahan at determinasyon hindi lamang sa pagdalo sa simbahan, ngunit pati rin sa lahat ng kanilang mga kinakaharap sa buhay.
Mga Bituing Nagniningning sa Lupa
Sa dinami-rami ng mga taong nasa labas ng simbahan, mas kapansin-pansin pa rin ang mga nagtitindang mataas pa rin ang enerhiya kahit madaling araw na. Kadalasan pa’y may makikita kang mga batang nagtitinda ng sampaguita sa bukana ng simbahan—madungis, walang sapin sa paa. Mapapaisip ka na lamang, tila ba wala ang mga bituin sa kalangitan, dahil sila’y nagniningning dito sa lupa—nagbibigay pag-asa sa kabila ng kanilang paghihirap.
Tiyak ay mayroon din silang napakaraming kahilingan na gustong matupad, ngunit mas kinakailangan nilang unahin ang pagbebenta bago sila makaluhod at humingi ng mga nais nilang makuha.
Ang hiling ko para sa pangalawa at pangatlong gabi ay sana, ang mga batang tulad nila ay payapang dumalangin ng mga ninananais nila bilang bata… hindi bilang isang batang pinagkaitang humiling ng regalong laruan na gusto nilang matanggap pagkatapos ng Noche Buena.
Mga Tala Para sa mga Panalanging Naantala
Kasabay ng nakabinbin na panalangin ng mga taong nag-aalinlangang gumising nang maaga para sa misa ay ang mga pangarap na hindi pa natutupad ng mga taong nasa gilid ng kalsada, nakahiga sa bangketa—walang unan, walang kumot, tanging ang hawak lamang ay lalagyan ng barya kung sakali’y may mag-abot sa kanila. Mga pangarap na sana, dumating ang araw na may maayos na silang masisilungan, may sapat na pagkaing kakainin, at may maayos na mga kagamitang kailangan sa pang araw-araw.
Bukod sa kanila, hindi rin maitatangging napakaraming pamilyang hirap pagkasyahin ang isang araw na sahod para sa isang araw na pangangailangan. Ang tanging gusto lamang ng mga magulang ay magkaroon na ng kasagutan ang kanilang hiling, na kahit butas ng karayom ay papasukin magkaroon lamang ng pantustos sa pamilya. Nais rin sanang matupad ang mga pangarap ng mga anak na hindi natutong magreklamo sa kanin at asin na kinakain kapag wala ng maihain. Sana ay gumaan ang pamumuhay ng bawat Pilipinong kayang gumawa ng paraan para maitawid ang isang buong araw na puno ng pagod at hirap.
Kahanga-hangang kahit pa naantala ang kanilang mga kahilingan, patuloy pa rin nilang pinipiling bumangon, naghihintay ng tamang oras na sila naman ang mananalo sa buhay.
Sa ikaapat at ikalimang hiling ko ay ang magandang kinabukasan para sa mga taong lumalaban nang patas sa buhay.
Tanging Hiling ng Pusong Nagpapasan
Hindi ibig-sabihin na wala ka sa simbahan ay wala ka na ring kahilingang nais iparating sa Maykapal. Dahil may mga taong tila ba ginawang simbahan ang kanilang silid dahil sa pagod dala ng kanilang trabaho mula umaga hanggang gabi. Sa sobrang bigat ng pasan nila, pati ang sarili ay napagkakaitan ng pahinga.
Sa halip na bumangon, gumayak, at maglakad patungong simbahan, mas pinipili nilang magdasal nang taimtim sa kanilang tirahan. Sa gitna ng nakabibinging katahimikan ay humihiling silang masaksihan pa ang pagliwanag ng araw kinabukasan.
Para sa ika-anim at ika-pito kong hiling ay lakas at saya para sa breadwinners na kailangang mag-doble kayod para sa pamilya. Sana ay hindi kayo maubos kabibigay. Sana’y nakakatanggap din kayo ng pagmamahal na dapat para sainyo.
Mga Bulong ng Payapang Pag-iisa
Habang ang lahat ay nagsasaya, naghihirap, o nalulungkot nang magkakasama, may mga taong mag-isang umiiyak, nananalangin, at mag-isang magdiriwang ng pasko—walang kahit na sinong kausap, walang kahit na anong matatanggap.
Ngunit sa kabila ng pag-iisa’y nahahanap pa rin nila ang kapayapaan. Dahil siguro nga, mas maigi nang maging mag-isa kaysa may kasama kang hindi masaya sa iyong presensya. At dahil sa mga pagkakataong iyon, kumukupas paunti-unti ang takot na maging mag-isa dahil napananatili nito ang pagpapahalaga sa sarili at kapayapaan.
Ang ikawalo kong hiling ay masaya at payapang buhay para sa mga taong piniling harapin ang mga hamon ng buhay nang mag-isa. Sana ay patuloy silang makaramdam ng ginhawa sa pag-iisa.
Paalis na Hakbang Patungo sa Simula
Ang huling bukang-liwayway ay ang panalangin ko para sa lahat ng mga taong hindi makabubuo ng siyam na misa ng simbang gabi. Para ito sa mga pinagkaitan ng panahon, oras, at pagkakataong magpaabot ng kanilang mga hinaing. Para ito sa mga taong mas pinipiling magmakaawa na lamang sa hangin, humihingi na lamang ng mga liwanag sa gitna ng dilim, at pilit na pinatatahan sa gitna ng tahimik na silid ang kanilang maiingay na utak. At ang siyam na gabi bago ang kapaskuhan ay hindi lamang para sa mga kahilingan.
Tungkol din ito sa mga pangako sa sarili.
Sa pagpapatawad.
At sa pagpapatuloy sa buhay.
Ang siyam na gabi rin ang siyang pamamaalam sa lahat ng mga nangyari sa buong taong pinagdaanan at pagtanggap sa panibagong mga araw na liliwanag sa susunod na taong haharapin.
At sa huling araw nito, malinaw na hindi lahat ng bukang-liwayway ay nagsisimula sa loob ng simbahan—ang iba’y tahimik na sumasambit ng panalangin.
Sa pagitan ng pagod,
Pag-asa,
At patuloy na pagbangon.
Sapagkat ang Simbang Gabi ay hindi lamang kuwento ng mga nakakakumpleto nito—kuwento rin ito ng mga taong patuloy na nananampalataya sa kabila ng malupit at hindi pag-ayon ng mundo para sa kanila.
Artikulo: Ma. Deborah Chelsey C. Bautista
Grapiks: Jan Mike Cabangin







Comments