top of page

Mga Mukha ng EDSA

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

EDSA.


Masikip, maingay, at piping saksi sa kung paano hindi magkamayaw ang mga Pilipino araw-araw. Ito ay nagsilbing tahanan ng maraming Pilipino; saksi sa mga manggagawang nagtutulakan makasakay lamang sa mga pampublikong sasakyan; sa mga butil-butil na pawis habang binabaybay ang kahabaan nito sa pagsubok na humanap ng trabaho; at minsan na ring sumubaybay sa isang pangyayaring bumago sa kasaysayan ng Pilipinas. 



Isa sa pinakamahalagang yugto sa kasaysayan ng bansa, ang EDSA People Power Revolution noong 1986. Dito, naghari ang kolektibong lakas ng sambayanan laban sa mapanupil na diktaduryang pamahalaan ni Ferdinand Marcos Sr.. Ito ang bumuo ng pundasyon para sa isang malayang bansa; isang makasaysayang pagtindig at pagkilos para sa masang pinagkaitan ng karapatan at kalayaan.


Ngunit sa kabila ng tagumpay nito sa kasaysayan, muling nabuhay ang nakaririmarim na mga anino nang muling mailuklok sa Malacañang ang isang Marcos—isa na namang banta sa mga panawagang ipinaglaban sa kahabaan ng EDSA. 


Muling nagbadya ang dilim, ang mapang-api at mapanirang anyo nito mula nang magdesisyon ang Malacañang na hindi isama ang anibersaryo ng rebolusyon sa mga special non-working holidays ngayong taon.


Sa paggunita sa ika-38 anibersaryo ng EDSA, kabi-kabila at iba’t ibang hanay ng sektor ng lipunan ang muling nagkakaisa upang ipahayag ang pagtutol sa mga pwersang bumabaliktad sa mahahalagang bahagi ng kasaysayan. Tumitindig para sa tunay na pagbabago, katarungan, at malayang lipunan na muling bubuhayin para sa susunod na henerasyon.


Sa dinami-rami ng bumabaybay sa EDSA, sino nga ba ang tunay na mukha nito? 


Ang Lakas ng EDSA


“Bago nagsimula ang pag-aalsang EDSA, laganap ang kahirapan at kagutuman sa buong bansa—mataas ang presyo ng mga bilihin, mababa ang sahod ng mga manggagawa, mataas ang presyo ng langis, mataas ang mga kaso ng harassment, disappearances, at pagpatay sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan, lumobo ang utang panlabas, malala ang korapsyon, at may matinding discontentment sa pamumuno ng halos lahat ng nakaupo sa lahat ng sangay ng gobyerno. Sa kabila ito ng mahabang panahong pagpapailalim ng buong bansa sa Batas Militar. Ikinukulong at sinusupil ang sinumang kumontra sa nakaupong diktador. Binusalan, maging ang midya,” ani Benjamin “Banjo” Cordero Jr., ang kasalukuyang Campaign Director ng Defend Jobs Philippines (DJP).


Tunay na naging mapaniil at madugo ang mga panahong iyon para sa mga Pilipinong nagdusa sa pangil at kamao ng isang diktador at pasista. Hindi nabibilang sa daliri ang mga dahilan kung bakit sumiklab ang galit ng masang nilunod sa pambubusabos at kasinungalingan.


Ayon sa Amnesty International, mahigit 50,000 katao ang naaresto at ikinulong sa ilalim ng batas militar mula 1972 hanggang 1975. Hindi rin dapat ibaon sa limot ang 34,000 na mga pinahirapan, 70,000 na mga ilegal na inaresto, 3,240 na mga pinatay, at higit-kumulang 1,000 na nawala. Karamihan sa mga ito ay mga manggagawa ng simbahan, tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga aktibista, at mga mamamahayag. 


Ang paggunita sa EDSA ay hindi lamang simpleng pag-alala sa pagpapatalsik sa rehimeng Marcos. Para kay Cordero, inaalala ang makasaysayang ambag ng mga Pilipino sa mundo. Sa katunayan, ginawa itong halimbawa ng ibang mga bansa na nagnanais din ng makabuluhang pagbabago sa lipunan. 


Dagdag pa niya, nagtagumpay ito dahil sa mahabang panahong paglaban ng taumbayan bago pa man ideklara ang Batas Militar. Ipinanganak ito mula sa papalaking pagkilos ng taumbayan sa iba’t ibang dako ng bansa na humantong sa kolektibong galit ng mamamayan bitbit ang panawagang ‘Tama Na, Sobra Na, Palitan Na!’


Matapos ang 15 taon, naulit pa ang pag-aalsa sa EDSA na nagpatalsik naman sa dating Pangulong Estrada. Sa pahayag nga ni Cordero, “hindi nangingimi o magdadalawang isip ang mga Pilipino na ulitin ang kasaysayan kung patuloy na dinadahas at niyuyurakan ang karapatan ng mamamayan.”


Ipinapakita ng mga pag-aalsang ito na kahit gaano kalaki o makapangyarihan ang mga namumuno, kapag nagkaisa ang sambayanan ay kaya nitong gumawa ng mga makasaysayang hakbang. Dagdag pa ni Cordero, malaki ang naging ambag ng pag-aalsang EDSA sa pagmumulat sa taumbayan subalit ito’y hindi naging sapat upang lubusang makamit ang pambansang soberanya at kalayaan sa usaping pang ekonomiya at pampulitika. 


“Dapat ay tuloy-tuloy ang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa malawak na bilang ng masa at ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos at pagtitiyak ng laban para sa demokratikong interes at kagalingan ng mamamayan. Hinding-hindi ito kusang ipagkakaloob o ibibigay ng mga nasa estado-poder kung hindi igigiit at ipaglalaban,” aniya.


Hindi lumayo ang pananaw ni Ian Angeles, Regional Coordinator ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY-NCR), isang militanteng sentro ng maralitang lungsod na isinusulong ang ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at tunay na kalayaan na papawi sa kahirapan. 


Maganda umano ang mga naging aral ng EDSA na siya ring dahilan kung bakit patuloy siyang  sumasandig sa lakas ng masa at kakayahan nitong baguhin ang sistema. Naging inspirasyon niya ito upang tumindig sa KADAMAY. Ginagamit niya ang karanasan at mga aral ng EDSA para sa pagtatagumpay at pagtatama ng mga kamalian sa kasalukuyang pakikibaka.


“Isa sa aking mga responsibilidad ay ang pag-aralan ang kasalukuyang lipunan maging ang kasaysayan at lapatan ito ng mga aksyon para sa pambansang demokratikong pagbabago. Responsibilidad ko ang pukawin, organisahin, at pakilusin ang malawak na hanay ng masa para labanan ang mga anti-mamamayan at mga makadayuhang polisiya na lalong nagpapalala sa kalagayan ng ating bansa,” ani Angeles. 


Ipinaliwanag din niya na ang rebolusyon ay nagtagumpay dahil nagpakita ng lakas ang sambayanan upang kamtin ang kanilang demokratikong karapatan at patalsikin sa pwesto si Marcos.


Bilang mga lider, ang bawat pakikibaka at malawakang kilos-protesta sa lansangan ay hindi matatapos hangga’t hindi nauubos ang dahilan upang ipanawagan ang pagpapanagot sa mga pang-aabuso at pambubusabos sa karapatang pantao. Anila, marami pang pag-aalsa ang magaganap at ang EDSA ay mananatiling isang makapangyarihang sandata at ehemplo na ang sambayanan ay patuloy na lalaban kung patuloy din ang paninikil sa mamamayang Pilipino.


Muling Pagkabuhay ng EDSA 


Para kay UP Diliman College of Mass Communication Student Council Chairperson Kiara Gorrospe, higit pa ito sa pagkilos ng maraming tao at pag-organisa mula sa paglubog sa mga komunidad na may kagustuhang magkaroon ng panlipunang pagbabago laban sa nagharing pasismo.


“‘Yung mga problema naman na hinarap ng mga tao noon ay hindi rin naman nawala. Sa lahat, nandyan pa rin ang Marcos sa Malacañang. Hindi pa rin nawala ang mga naghaharing uri. Lalo itong nagbigay ng pagkakataon sa mga katulad nila na ipagpatuloy ang pananamantala. Nariyan pa rin ang kahirapan, nariyan pa rin ang iba’t ibang problema na maihuhugot natin sa pagiging semi-kolonyal. Kailangan natin alalahanin ang people power bilang tanda na kailangan pa rin natin makibaka. Kailangan pa rin natin tugunan ang pinakaproblema ng iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino patungo sa isang lipunan na tunay na malaya,” ani Gorrospe. 


Ang madugong kasaysayang itinala ng Batas Militar sa mga peryodista ay tanda na malala ang propaganda ng rehimen sa pamamagitan ng pagkontrol sa midya na hawak ng mga alipores ng diktador. Nariyan ang walang habas na pambubusal sa mga mamamahayag lalo na sa mga tapat sa kanilang tungkuling ihatid ang katotohanan sa masa. 


Ipinasara ng rehimen ang maraming ahensya ng midya sa layuning pahinain ang kalayaan sa pamamahayag at demokrasya. Karamihan dito ay mga privately-owned mass media sa dahilang posible umanong maabuso ng mga pribadong sektor ang midyang ito laban sa pamahalaan. Ito ang nagtulak sa pagsasara ng 392 ahensya—kabilang ang 82 na pahayagan, 11 na lingguhang magasin, pitong istasyon ng telebisyon, at 292 na istasyon ng radyo. Kabilang dito ang ABS-CBN Broadcasting Corporation at mga Associated Broadcasting Corporation (ABC) nito gaya ng DZMT, DZTM, at DZWS.


“Kaya para sa akin, lalo kong pinahahalagahan ang kahalagahan ng malayang pamamahayag.   Bagama’t hindi pa natin ito tunay na nakakamit sa ngayon, hindi rin natin maikakaila ang naging papel ng mga peryodista pati na rin ng mga aktibista noong panahon ng martial law sa pagkamit natin ng partial press freedom sa ngayon. Kaya sa pag-alala ng people power movement, humuhugot din ako ng lakas sa mga nakaraang peryodista at lider-estudyante sa pagpapatuloy sa laban ng malayang pamamahayag,” saad pa ni Gorrospe. 


Binigyang-diin niya na bilang mga peryodista, ang pinakamagagawa ay ang pagkapit sa katotohanan. Mahalagang sumali sa iba’t ibang grupo at kilusang nagsusulong ng karapatang pantao bilang pagtugon sa historical distortion ng kasalukuyang administrasyon. Kailangan palakasin ang pwersa at tumungo sa mga komunidad upang kalabanin ang disimpormasyon  mula sa kontrol ng kasalukuyang administrasyon.


Sa kabilang dako, batay naman sa pahayag ni College Representative ng College of Mass Communication Freshies, Shiftees, and Transferees (FST) Counci Guia Marie Mistadesl, ang EDSA ay isang patunay na maaaring umalingawngaw ang boses ng bawat Pilipino kapag nagsama-sama.


“Kadalasan ay iniisip ng mga kabataan na kailangan nilang gumawa ng magarbong solusyon upang bigyang-lunas ang mga isyung panlipunan ngunit para sa akin, ang pinakamabisang paraan upang makaambag sa kasalukuyang lipunan ay magkwento,” saad niya. 


Mataas ang pagpapahalaga niya sa mga organisasyon na nagpapaskil ng mga datos at wastong impormasyon sa social media. Binigyang diin niya na sa pagkukwento nagsisimula ang kamalayan at interes ng mga tao sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa. Ito ay  lalo na kung mapagtanto nila na sila rin pala ay labis na naapektuhan ng mga ito.


“Kaya’t isantabi natin ang ating mga pagkakaiba at makilahok sa kolektibong aksyon patungo sa iisang hangarin,” payo niya sa mga kapwa kabataan. 


Naniniwala si Mistades na hindi malabong maulit muli ang EDSA kung patuloy na maging bingi ang pamahalaan sa hinaing ng mga Pilipino. 


Ilang dekada na rin ang nakalipas mula nang patahimikin ng Batas MIlitar ang pamamahayag. Ilang taon na rin mula nang magtagumpay ang pwersa ng masang Pilipino sa pagwawakas dito. Subalit dalawa lamang si Gorrospe at Mistades sa mga lider-estudyante at mga alagad ng midya na patuloy pang naninindigan sa ngalan ng malayang pamamahayag para sa mamamayan. Ilan lamang sila sa mga iskolar ng bayan na, sa kabila ng tila walang katapusang banta, ay lagi't lagi mananatili sa hanay ng masa at katotohanan.


Ang Bagong Mukha ng EDSA


Ang rebolusyon ay patuloy nabubuhay at nananahan maging sa loob ng mga unibersidad. Ang mga aral mula sa diktaduryang Marcos ay naging gabay ng mga estudyante sa pang araw-araw na pamumuhay. Maging ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ay patuloy na pinag aalab ang diwa ng EDSA. 


Isa ang Sandigan ng Mag-Aaral para sa Sambayanan (SAMASA) bilang pangunahing alyansa na patuloy na pinag-aalab ang rebolusyong EDSA.


Ayon sa kasalukuyang Chairperson ng SAMASA Ronjay-C Mendiola, sa kabila ng tagumpay sa pagpapatalsik sa diktador, buhay pa rin ang katanungang “Matagumpay at tuluyan nga bang nabago ng EDSA People Power Revolution ang sistema ng lipunan?” 


Ang tuluyang pagpapabago sa lipunan ang isinusulong ng SAMASA kasama ang mga organisasyon sa loob ng pamantasan. Sa kabila ng pagtanggal ng komemorasyon nito ngayong taon, binigyang diin ni Mendiola na bilang mga kabataan ay dapat na ipagpatuloy ang diwa nito upang patuloy na ipaalala sa pamilyang Marcos na minsan na silang napatalsik sa palasyo ng mga nagkakaisang Pilipino.


“Tingin ko, dapat pa rin natin siyang i-commemorate dahil una, paglaban siya. Tipo siya ng isang paglaban na kahit tanggalin pa ng administrasyon ito bilang isang holiday, at magkaroon siya ng effort na tanggalin siya sa isip ng mga mamamayan, kailangan natin siyang taunang i-commemorate dahil ayun [ang] magsisilbi nating panlaban sa mga ginagawa ni Marcos Jr.. So, kapag nag commemorate tayo taon-taon, may magpapaalala pa rin sa mga mamamayan na may People Power Revolution pa rin pala. Ito pala yung ginawa ng mga mamamayan noon para patalsikin si Marcos Sr. at tingin ko hindi lang tuwing people power revolution natin dapat siyang ginagawa, sa pang araw-araw na buhay din natin kailangan pinapaalala sa mga kapa natin Iskolar ng Bayan na ito yung ginawa ng mga mamamayan at kailangan nating ipagpatuloy,” salaysay ni Mendiola. 


Kung kaya’t kung mauulit  muli ang People Power Revolution, kinakailangan munang abutin ang mga taong nasa laylayan, at makipag-usap—tao sa tao, puso sa puso upang maging matagumpay ang mga susunod pang pag-aaklas. 


Bilang karagdagan, kilala rin ang Kolehiyo ng Komunikasyon sa mga estudyanteng progresibo at sumusulong sa paglaban sa mga isyung panlipunan. 


Para sa kasalukuyang Chairperson ng SAMASA PUP-COC Kimberly Torralba, isang matagumpay na rebolusyon sa kasaysayan ng Pilipinas ang EDSA dahil nagsanib-pwersa ang kalakhan ng lipunan mula sa mga uring manggagawa hanggang sa mga kabataan.




Mula sa malalawak na siyudad, mga uring manggagawa, mga lider-estudyante, mga lider ng lipunan, at maging sa loob ng mga pamantasan, patuloy na nag-aalab ang aral ng nagdaang rebolusyon. Nagsisilbi itong gabay at inspirasyon sa mga kabataan kung bakit kinakailangang patuloy na lumaban.  


Sa ugong ng mga  panawagan laban sa balintataw ng panganib at paglabag sa prinsipyo ng katarungan at karapatang pantao, nariyan ang patuloy na paghari ng mga Marcos sa Malacañang na noon nang pinatalsik ng makasaysayang pag-aalsa. 


Tangan ng mga panawagang ito ang determinasyon ng mamamayan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at mapanatiling buhay ang diwa ng EDSA, kung saan ang mga aral ng nakaraan ay hindi lamang simpleng mga alaala kundi tanglaw at balangkas ng masang gutom at uhaw sa pagbabago.


Sa loob ng 38 taon matapos ang makasaysayang pag-aaklas, maraming mukha na ang dumaan sa EDSA. May banyaga, mga katutubo, mga kabataan, at mga manggagawa. Isang piping saksi ito kung paano makipaglaban sa buhay ang mga Pilipino. Patuloy pa rin ang pagdagdag ng mukha ng EDSA simula sa mga nasaksihan nito noong 1986. 


Masyado nang marami ang mukha ng EDSA, maaaring ang lalaking kasabay mo sa pagpila sa pagbili ng ticket sa LRT, ang babaeng kasabay mong tumawid ng footbridge, o maging ang matanda na nakasalubong mo lang sa daan ay minsan na rin naging mukha ng EDSA. 


Sino-sino nga ba ang mga mukha ng EDSA? Subukin mo rin tumingin sa salamin, baka isa ka rin pala sa mga ito o sa posibleng maging mukha ng rebolusyon at mitsa sa tuluyang paglaya ng bayan sa mapanakal na kamay ng mga naghaharing uri sa lipunan. 


Artikulo: Gerie Consolacion & George Ryan Tabada

Grapiks: Aldreich Pascual


Comments


bottom of page