top of page

Mga Fashionista ng Simbang Gabi

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Ang Pilipinas ang may pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa mundo. Pagsapit pa lamang ng Setyembre ay nagsisimula na ang mga Pilipino na damhin ang mga tradisyong kalakip nito. Isa na rito ang simbang gabi. Hinding-hindi ito mawawala sa mga Pilipino, partikular sa mga Katoliko, sa tuwing papalapit na ang araw ng Pasko.


Ang simbang gabi o Misa de Gallo ay ang debosyonal na pagdalo sa simbahan sa loob ng siyam na magkakasunod na gabi bilang paghahanda sa kapanganakan ni Hesus, at pagbibigay papuri sa Birheng Maria. Ito ay nakagawiang ipagdaos mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre. Pinaniniwalaan ng mga Pilipino na kapag nakumpleto ang simbang gabi ay matutupad ang kanilang kahilingan o panalangin.


Ito ay nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng mga Kastila; sa pagpapalaganap nila ng Katolisismo. Orihinal itong idinaraos bago tuluyang sumikat ang araw o tuwing bukang-liwayway upang ang mga mangingisda at magsasaka na maagang nagsisimula sa kanilang trabaho ay makasama sa banal na pagtitipon.


Sa modernong panahon, bukod sa madaling araw, idinaraos na rin ito sa gabi upang makadalo rin ang mga mag-aaral at manggagawa na gabi na natatapos ang klase at trabaho.


Kakaibang Larawan ng Simbang Gabi


Hindi lamang puto bumbong, bibingka, replika ng belen o nativity, at mga naglalakihang parol ang itinuturing na mga karaniwang tagpo ng mga Pilipino tuwing simbang gabi. Maging ang mga kinikilalang "jejemon” ay kabilang din dito.


Sa pagpapakahulugan, ang jejemon ay nagmula sa salitang Latin na "jeje" na nagsasaad ng pagtawa o mas kilala natin na "hehe.” Ito ay isang uri ng kulturang popular na karaniwang tinatangkilik ng mga kabataan.


Ang kanilang mga gawi tulad ng pananalita, pagsusulat at kabuuang disenyo o ayos ng pananamit ay hindi tumatalima sa nakasanayan ng lipunan. Tulad na lamang ng mala-gangster nilang kasuotan na madalas ay ikinakabit sa pamumuhay ng mga mababang uri o mga nasa laylayan ng lipunan.


Ang mga patok na meme sa internet na tumutukoy sa kanila tuwing dumadalo sa simbang gabi ay patunay ng pagturing sa kanila bilang mga nakasanayang tagpo tuwing sasapit ang okasyon.


Sa kasamaang palad, ang mga ito rin ay madalas nagiging punto ng katatawanan. Sa unang tingin, ito ay maaaring nakatutuwa dahil ito ay sumasalamin sa mga naging karanasan ng maraming kabataang Pilipino na dumaan din sa kanilang “jeje days.” Ngunit, kung susuriin nang mabuti, ito ay patuloy na nagsisilbing lundayan ng diskriminasyon na nag-uugat sa malalim na tunggalian ng estado o katayuan sa lipunan.


Gitnang-uring Pantasya


Isa si Gabrielle, 15 taong gulang mula sa lungsod ng Navotas, sa mga tumatangkilik sa kulturang jejemon. Ibinahagi niya rin na nakaranas siya ng diskriminasyon dahil dito. Kapag nagsusuot daw siya ng mga ganitong istilo ng pananamit—tulad ng maluluwag na pantalon, sumbrero, baller bracelet, at makukulay na sapatos—ay madalas siyang hinuhusgahan at ginagawang katatawanan ng ibang tao na hindi umano nakauunawa sa ganitong uri ng pamumuhay.


Nagiging katawa-tawa lamang para sa ibang tao, partikular na sa mga gitna at naghaharing uri, ang ganitong kasuotan dahil sa pagpapalaganap nila ng marahas na kaisipang kapitalismo at klasismo. Ang pagtingin sa kulturang ito na ginagawang "kakaibang" tampok ng simbang gabi ay nagmumula sa elitismo na silang lumilikha ng paniniwala na ang ganitong estilo ng pananamit at pamumuhay ay pumapasailalim sa mga mabababang kalidad at halaga.


Ayon sa sanaysay ni Rolando Tolentino na pinamagatang “Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang Uri,” pansamantala umanong nagiging lehitimong gitnang uri ang ating pagkatao sa tuwing kumokonsumo tayo ng kulturang popular tulad na lamang ng mga kasuotang jejemon. Dahil saglitang pinaparanas nito sa atin ang abot-tanaw at abot-kayang magarbong estilo ng pamumuhay na tanging ang mga nakaaangat lamang sa lipunan ang nakakaranas.


Gayundin, pinaparamdam nito na may kakayahan tayong kontrolin ang nasabing katotohanang inilalako ng kulturang popular kahit na malayo o higit ito sa pangkasalukuyang antas ng buhay. Samakatuwid, ang mga jejemon ay isang uri rin ng pakiwaring gitnang-uri na nagnanais lamang makaangat sa buhay.


Tulad ni Gabrielle. Isa sa mga dahilan kaya siya nagsusuot ng mga estilong jejemon ay hindi lamang dahil ito ay nauuso kundi dahil kahit papaano ay nagmumukha rin umano siyang mayaman o nakakaangat sa buhay. Sinasabihan din umano siya ng mga kaibigan at kapitbahay niya na maangas, astig, at mukhang mayaman sa tuwing nagsusuot siya nito. Ang mga ito ang nagpapalehitimo sa kaniyang pag-aasta bilang isang representasyon ng magara at komportableng pamumuhay.


Sa katunayan, binibili niya lamang ito sa palengke nang sa gayon ay makatipid dahil hindi naman umano nagkakalayo ang disenyo nito sa mga nasa mall.


Ang mga kaugaliang ito ay isang malinaw na halimbawa ng kagustuhan ng publiko na umangkop sa panuntunang itinakda ng gitnang-uring pantasya na kinokondisyon ng mga nasa likod ng namumuhunan sa ating kahinaan at kakapusan. Dahil ang presensya ng kapitalismo at elitismo, kahit sa simpleng pananamit ng mga jejemon, ay nakaiimpluwensiya sa publiko upang gawin silang mga perpektong larawan ng tagumpay at sibilisado.


Simbang Gabi Para sa Lahat


Sa punto de bista ng simbahan, wala naman umanong kinakailangang suotin tuwing nagsisimbang gabi o kahit sa mga ordinaryong araw man ng pagsisimba. Ngunit, mayroon umanong ilang pananamit ang mahigpit nilang ipinagbabawal tuwing nagsisimba o habang nasa misa. Ang ilan sa mga ito ay ang pagsusuot ng sumbrero, sando, sleeveless, spaghetti straps, at maikling palda. Ito ay ayon kay Fr. Roy Caguiron Guarin—isang paring misyonaryo ng Franciscan Friars of the Immaculate.


Bagaman may ilan sa mga kasuotan ng mga jejemon ang ipinagbabawal tuwing nagsisimba, hindi ito sapat na dahilan upang sila ay husgahan at gawing katatawanan batay lamang sa kanilang pananamit—sa loob o labas man ng simbahan.


Ayon din kay Fr. Roy, bukas ang pinto ng simbahan upang ipagdiwang ang simbang gabi para sa lahat ng taong nananampalataya sa Diyos, kahit ano pa man ang kanilang estado sa buhay. Naniniwala siya na ang simbang gabi ay hindi lamang isang paalala ng paghahanda sa kapanganakan ni Hesus, kundi isang simbolo rin ng nagkakaisang diwa ng komunidad.


Binigyang-diin din niya na ang pagdiriwang ng simbang gabi ay nakaugat sa mismong banal na misa o eukaristiya na siyang nagbubuklod sa bawat isang bahagi ng simbahan.


Sa huli, ang iba't-ibang kulturang popular na lumilitaw tuwing simbang gabi, tulad ng puto bumbong at bibingka, pangangaroling, pagbili ng mga regalo, maging ang pananamit ng mga jejemon—ay naglalarawan at kumakatawan sa sosyo-politikal na pagkakakilanlan ng lipunang Pilipino.


Magkakaiba man ang pagtanaw sa kanila; iba-iba man ang mga naging katawagan sa kanila—jologs, jejemon, hypebeast, at iba pa; iba-iba man ang konotasyon tungkol sa kanilang komunidad—iisa lamang ang pinupunto ng mga ito: isang komunidad na naghahangad ng pagtanggap, pagkilala at pagpapahalaga hindi bilang isang "karaniwang tagpo" sa mga espesyal na okasyon tulad ng simbang gabi kundi bilang isang ganap na pagkakakilanlan ng mga Pilipino.



Artikulo: Noreil Jay I. Serrano

Grapiks: Rhea Dianne Macasieb


Comments


bottom of page