top of page

LIFESTYLE AND CULTURE | Wikang Mapagbago, Instrumento ng Pagbabago

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa hayop at malansang isda."



Iyan ang klasikong kasabihan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Unang baitang pa lang ay itinuturo at maririnig na ang pahayag na ito sa loob ng silid-aralan.


Sa kasalukuyan, marami pa ring hindi alam ang kaibahan ng Filipino, Pilipino, at Tagalog. Madalas ding nalilito ang publiko sa paggamit ng mga salitang "wika" at "diyalekto." Tuwirin natin ito. Ang Tagalog at Cebuano ay mga wika. Ang mga panlalawigang baryasyon nito tulad ng Quezon Tagalog at Davao Cebuano ay mga halimbawa ng diyalekto.


Noong 1935, ang wikang Tagalog ang inirekomenda ng komiteng nagbalangkas ng 1935 na Konstitusyon bilang batayan ng maging pambansang wika. Makalipas ang dalawang taon, naging opisyal ito nang iproklama ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.


Taong 1959, unang tinawag ang "Pilipino" bilang pambansang wika. Nang mabuo ang 1987 na Konstitusyon, “Filipino” na ang naging tawag dito. Ito na ngayon ang ating gamit na wika sa araw-araw na pakikipagtalastasan, maging sa pagsulat, sa pakikipag-usap sa mga mahal mo sa buhay, o pati sa bardagulan sa mga kaibigan mo.


Sa dami ng wika at diyalekto sa Pilipinas, binuo ang pambansang wika nang may layunin at hangarin na kalaunan, ay nagbibigkis sa lahat ng kultura at mahigit pitong libong pulo ng bansa.


Ngunit, nagmamanipesta na ba ngayon ang minithi nilang pagsasama-sama?


Tuwing Agosto, may espesyal na pokus sa pambansang wikang Filipino. Isang buong buwan ang mayroon tayo para ipagdiwang ang sariling atin. Subalit, sa tinatawag na "Buwan ng Wika", malimit na nabibigyang atensyon ang iba pang mga wika ng Pilipinas—na sa sobrang dami ay walang siguradong bilang ang mga eksperto. At sa katotohanan, hindi lahat ng Pilipino ay matatas sa pagsasalita ng ating pambansang wika.


Ihambing natin ang wikang Filipino sa isang palayok. Naglalaman ito ng hindi mabilang na mga salitang orihinal at hiram mula sa iba't ibang kultura, pangkat, at sektor sa loob ng bansa maging sa labas nito. Malinaw ang kontribusyon ng ibang mga wikang panlalawigan ng Pilipinas sa wikang pambansa. Ganyan ang Filipino — likas na dinamiko at pabago-bago.


Simula 2019, hindi na nawala ang mga katagang "katutubong wika" sa mga tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.. Isa itong magandang hakbang sa pagpapayaman ng mga wikang panlalawigan ng Pilipinas.


Hindi rin naman masasabing natatabunan ang mga rehiyonal na wika ng bansa. Sa midya, lumalawak ang representasyon ng ibang lalawigan dahil dumarami rin ang mga palabas na gumagamit ng lokal na wika. Halimbawa na lang ang pelikulang "Iti Mapukpukaw" na nasa wikang Iloko, na siya ring nanalong Best Film sa katatanghal lamang na ika-19 na edisyon ng Cinemalaya.

Ito rin ang lumabas na may pinakamalaking kinita sa sampung pelikula na itinampok ng paligsahan. Patunay na dumarami rin ang mga manonood na bukas sa pagkonsumo ng midyang gumagamit ng wikang panlalawigan.


Sa akademya, partikular sa kolehiyo, may mga pamantasan sa probinsya na gumagamit ng sarili nilang wika sa pagtuturo. Sa mga unibersidad ng Kamaynilaan, ginagamit din ang wikang Filipino sa pagtuturo ng mga lokal na paksa gaya ng kulturang popular ng Pilipinas. Bagaman mas pinapaburan pa rin ang Ingles bilang wikang panturo, ito ay nag-uugat naman sa mababang pagtingin natin sa sariling atin.


Kung kaya ay  dito na ulit papasok ang intelektuwalisasyon ng wika. Ang ideya na ang Filipino at ang mga wikang panlalawigan ng Pilipinas ay mababa ay isang kolonyal na kaisipan. Kung nagagamit natin ang mga ito sa pang-araw-araw na komunikasyon halimbawa sa asaran, sa biruan, sa pakikipagtalo, at sa pakikipagbati, bakit hindi natin mas pagtibayin ang paggamit nito sa mga paaralan, sa diskurso, sa talakayan ng mga pambansa at global na suliranin?


Ngayong taon, ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay, "Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan." Ito ay taon upang kilalanin ang kapangyarihan ng ating wika upang magbunsod ng pagbabago. Ngunit ang pagdiriwang ng sarili nating wika ay hindi lamang magsisimula at magtatapos sa buwan ng Agosto; ang pagdiriwang nito ay dapat isinasagawa sa bawat pagpatak at paglubog ng araw.


Hindi corny ang mga Tagalog-dubbed na palabas. Hindi pang-kalye ang ating mga salita. Hindi mababa ang wikang Filipino. Tandaan: Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda.


Artikulo: Jennel Christopher Mariano

Dibuho: Jacques Jacobsen Aquino

Comments


bottom of page