Sa hinaba-haba ng parada, may hangganan pa rin talaga…
Maraming okasyon ang lumipas at hindi nagunita nitong mga nakaraang taon dahil sa pandemya.
Ang Flores de Mayo ay hindi nabigyan ng pagkakataong maipakitang mamukadkad ang makukulay at mahahalimuyak na mga bulaklak.
Maging ang nakasanayang tradisyon tuwing buwan ng Mayo— ang Santacruzan ay hindi nabigyan ng pagkakataong ipagbunyi ang mga naggagandahang kababaihan at sumama sa prusisyon.
Ngunit lumipas man ang ilang taon, hindi maitatangging marami pa rin ang sabik sa Santacruzan, kasali man sa prusisyon o hindi. Ito ay kilala bilang sagala at pagdiriwang ng kapistahan ng bulaklak at parangal kay Birheng Maria. Ang ganitong tradisyon ay binibigyang halaga ng bawat Pilipino bilang parte ng Simbahang Katoliko.
Kaya isa sa mga mahalagang tanong sa atin bilang Pilipino— angkop pa bang ipagpatuloy ang ganitong kapistahan sa paglipas ng ilang taon na natigil ito?
Dahil sa matagal na pagiging parte nito ng kultura ng bansa, maging mga kabataan ay maalam dito. Talagang laganap ang Santacruzan, na kahit ang ilang maliliit na bayan ay ipinagdiriwang ito.
Maraming mga lugar pa sa Pilipinas ang kabilang sa nagdaraos ng prusisyon, tulad ng Tacloban na siyang nagsagawa ng “Grand Santacruzan” noong 2022.
Ito ay masinsinang pinaghandaan upang maging matagumpay ang selebrasyon ng Santacruzan. Kaya naman, magagarbo at makukulay ang mga arkong makikita gayundin ang mga kagamitang may kaugnayan sa relihiyon.
Isa pa sa maraming lugar na nagdiriwang ng Flores de Mayo ay ang bayan ng Bugasong, Antique, na matatagpuan sa pulo ng Visayas. Ang kanilang tradisyon ay paghahatid ng iisang imahe o lente na kanilang taguriang nilikha.
Sa Bugasong, tradisyon na ginagawa tuwing Mayo ang pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria. Parte rin ng kanilang tradisyon ang pagmimisa, at pagsapit ng gabi, magsisimula ang taunang prusisyon ng mga reyna at kanilang katambal sa Santacruzan mula sa kapilya ng kanilang simbahan pababa sa hangganan ng mga barangay.
Pinakatampok na ginugunita sa bawat barangay ang mga Reyna at kaakibat na mga titulo nito. Ang bilang ng mga Reyna na lumalahok ay depende sa laki ng komunidad na kabahagi nito.
Gayunpaman, may mga titulong hindi mawawala sa sagala dahil malaki ang gampanin nito at itinuturing na importante tulad nina:
Si Reyna Esperanza bilang simbolo ng pag-asa, na siyang pangalawang teolohikal na birtud.
Samantala, si Reyna Emperatriz naman ang representasyon ng titulo ni Reyna Helena na natanggap niya mula sa Constantinople. Ito ang nagpapahiwatig ng kanyang tungkulin bilang Empress o Inang Reyna.
At higit sa lahat, si Reyna Elena ang pinakamaganda at iginagalang sa prusisyon. Siya ang maituturing na “highlight” at huling miyembro na pumaparada sa Santacruzan.
Hindi maikakaila na ang tradisyong nakasanayan ay patuloy pa ring isinasagawa dahil sa kahulugan na nakatatak sa puso ng bawat Pilipino at sa mga kasapi ng Simbahang Katoliko. Ito ay nagbibigay saya, ningning sa mga mata at ngiti sa mga labi ng bawat Pilipino na patuloy pa rin idinaraos ang Santacruzan.
Pagandahan, pabonggahan, at pasabog ang mga binibini at ginoo kasama ang kanilang mga arko na pumaparada sa gitna ng kalsada.
Palamuti sa damit, kolorete sa mukha, mataas na takong, at mahabang prusisyon, ang nararanasan ng mga Reynang kasapi sa Santacruzan.
Pinaglalaanan ito ng mahabang oras at puspusang pagpaplano.
Kung kaya’t masasabing kahit maging balakid ang pandemya, ang nakasanayang Santacruzan ay nananatiling may koneksyon sa atin bilang mga Pilipino. Ito ay patuloy na maipapasa sa mga susunod na henerasyon bilang parte ng kultura at tradisyon.
Kaya’t sa hinaba-haba ng parada, ang hangganan ay hindi tukoy sapagkat ang paradang ito na naging parte ng kultura ng mga Pilipino ay tuluyang hahaba sa patuloy na pagpapabuhay nito maging sa mga susunod na mga henerasyon.
Artikulo: Franchesca Grace Adriano at Elaiza Nery
Dibuho: Rick Andrei Carigma
Comments