top of page
Writer's pictureMaxine Jade Pangan

LIFESTYLE AND CULTURE | Paano ba maging babae?

Ako si Mayka. Bago lang ako rito, labing-tatlong taon pa lang. ‘Yong iba kong mga nakakasama, 20 taon o 'di kaya’y 60 taon na rito. Sabi nila, mahirap daw mapabilang sa ganito. Nakakakaba pala—13 taon pa nga lang ako pero ang dami ko na ring napagdaanan, paano pa kaya sila? Napakarami kong tanong, pero una sa lahat, paano ba maging babae?



Tuwing aalis ako para makipaglaro kina Gabriela, ang bungad sa akin palagi nina Lolo, “Ayusin mo ang kilos mo, ha? Kababae mong tao.” Hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako: Ano ba ang kahulugan no'n? Paano ba ang kilos-babae? May kasarian pala ang bawat galaw? Masyado naman palang komplikado ang buhay. Ganito ba talaga dapat?


Paminsan pa’y daragdagan pa ng komentong, “Ang ikli na naman ng shorts mo! ‘Pag ikaw nabastos d'yan sa labas…” Hindi ko naman sinasagot sina Lolo, bawal daw kasi maging palasagot sa nakatatanda dahil lalabas na walang respeto.


Pero sa tingin niyo, kasalanan ko ba talaga kung mababastos ako sa labas dahil sa suot kong damit? Ako ba talaga ang dapat magbago o ‘yong mga nambabastos sa isang labing-tatlong taong gulang na nagsuot ng shorts dahil ito ang kumportable para sa kanya?


Ito ‘yong mga palaisipan na bumabagabag sa akin habang malungkot na sumusunod at nagpapalit ng mainit at masikip na jogging pants. Bakit parang hindi yata makatarungan ang sistema? Ganito ba talaga dapat?


Kahapon pala, nagkita-kita kaming magkakamag-anak para sa reunion. Sobrang nasabik ako dahil makikita at makakalaro ko na naman ang mga pinsan ko. Nagulat nga lang ako dahil bungad sa akin ng tito ko nang magmano ako ay, “Dalaga ka na, ah? Baka may nanliligaw na sa’yo sa school. Dapat pogi ‘yan, ha!”


Gusto ko pa naman sana ibida kay Tito ang nakuha kong perfect score sa Math, kaso hindi niya naman ako kinumusta; inuna niya pa ang pagbibigay ng komento sa manliligaw kong hindi naman umiiral. May pamantayan pa nga na dapat pogi, ano? Paano pala kung babae ang gusto ko? Baka bawal na naman, baka may komento na naman sila.


Nakaririndi pala, ano?


Ganito ba talaga dapat?


Noong isang linggo naman, buhay ko ang naging paksa sa hapag-kainan. Ang sabi nila, hindi raw ako dapat masyadong kumain at magpataba kasi walang magkakagusto sa akin at mahihirapan pa ako manganak sa hinaharap.


Dagdag pa nila, dapat daw matuto akong magluto at maglinis para naman daw hindi kawawa ang magiging asawa at mga anak ko. Si Mama, tahimik lang, pero binulungan niya ako habang nagliligpit na hayaan ko na lamang daw at masyado lang talaga silang nag-aalala para sa akin.


Habang naghuhugas ako, naramdaman kong unti-unti nang tumulo ang bulto-bultong luha ng hinanakit na kanina ko pa pinipigilan. Sa ilang minuto lamang naming pag-upo sa hapag, nadiktahan at napagpasyahan na agad ang magiging buhay ko sa mga magiging susunod na taon.


Paano kung ayaw kong bumuo ng pamilya? Paano kung gusto kong magtrabaho o ‘di kaya’y mangibang-bansa? Wala bang karapatan ang mga babae na magpasya para sa mga sarili nila?


Pagkapanganak pa lang ba at pagkakitang babae ka, may buhay na ba agad na nakaplano para sa’yo? Normal pa rin bang maging palaisipan ito ng isang 13-taong gulang na batang katulad ko?


Sa murang edad, ganito na ba talaga dapat?


Pero alam niyo, sabi ng ate Ella ko, mahirap talaga maging babae dahil sa mga pamantayan na ipinapataw ng lipunan sa mga kababaihan. Nakaririndi man ang sistemang kinalakihan, natuto pa rin si ate Ella at ang sangkababaihan na bumalikwas mula rito at ilaban ang kanilang mga nais maabot at marating.


Dahil sa mga sinabi ni ate Ella, nabuhayan ako at sa tingin ko, ito ang simula ng pagtanggap ko sa aking indibidwalidad. Mahaba at malayo pa ang laban, pero isa lang ang sigurado—muli't muling aabante si ate Ella, ako, at ang bawat babae sa mundo.


Ako si Mayka. Babaeng may karapatan na mangarap. Babaeng may karapatan na mamili. Babaeng may karapatan na manindigan. Ganito pala ang tunay na pakiramdam ng pagiging babae—malaya, matapang, makapangyarihan.



Graphics: Alyssa San Diego


Comments


bottom of page