top of page
Writer's pictureThe Communicator

LIFESTYLE AND CULTURE | Oras Tungo sa Walang Hanggan

“Sa pagdaloy ng panahon, oras, oras, patuloy lang, patuloy lang ang lahat.”



Naranasan mo na bang kainisan ang oras dahil sa tingin mo ay napakabilis ng pagtakbo nito? Sinabi mo ba sa sarili mo na gusto mo munang itigil ang panahon dahil may importante ka pang kailangang gawin kasama ang taong mahalaga sa’yo? Kung naranasan mo na ang lahat ng ito, mahalaga sa iyo ang bawat pagkakataon.


Ang pag-ibig, minsan ay hindi natin namamalayan na dumarating na pala sa ating buhay. Bawat kilig, saya, at bagay na hindi masabi sa mga salita ay nararamdaman natin sa isang iglap lamang. Lahat ng sayang ito ay bumabalot sa ating kalooban at nagbibigay ng enerhiya sa araw-araw nating ginagawa. Kahit sa pagsandok ng kanin mula sa kaldero ay nagpapangiti na lamang sa atin. Iba ang pakiramdam ng isang umiibig. Subalit bawat oras ay hindi puro saya at kilig lang ang mararamdaman, may pagkakataon na mararanasan din ang lungkot, galit, takot at iba pa. Sa paglipas ng oras, haharapin mo pa kaya ito?


Tik-tok!


Tik-tok!


Kung ang kamay ng orasan ay tatapat sa:


Ikatlong numero, alalahanin mo ang katagang, “Mahal kita, palagi." Tatlong salita subalit malalim ang kahulugan. Mahirap man sabihin ito nang masinsinan ngunit naghahatid ito ng matinding damdamin na nagpapasaya sa isang tao lalo na sa iyong iniibig. Ito ang hudyat ng pagbuo mo ng isang oras. Ang palagiang pagpapaalala na ika’y tinatangi hindi lang sa isang beses kundi sa maraming pagkakataon.


Kung ang kamay ng orasan ay tatapat sa:


Ika-anim na numero, ang oras na ito’y magpapakahulugan sa pagsikat at paglubog ng araw. Sa pagsikat ng araw ay haharapin ang panibagong pagkakataon upang gawin ang mga pangarap sa isa’t isa at ang paglubog naman nito ay magbibigay ng pag-asa upang tanawin na may magandang bukas na hinihintay kapiling ang iyong minamahal.


Kung ang kamay ng orasan ay tatapat sa:


Ika-siyam na numero, ang isa’t isa ang magsisilbing kapahingahan. Kahit sandali ay tuturuan ang mga sarili na tumahan at huminga panandalian. Ang isa’t isa’y nagsisilbing ligtas na espasyo kung saan walang takot sa paglalahad ng mga damdamin. Ang bawat pagsubok ng buhay ay patuloy na dumarating subalit hindi madaling harapin. Kailangan ng sandalan, kailangan ng hantungan. Hindi kasalanan ang magpahinga.


Kung ang kamay ng orasan ay tatapat sa:


Ika-12 numero. Sinasabi nila na ang numerong ito ay tumutukoy sa pagiging perpekto. Subalit sa mundong ito, tandaan mo na ang pag-ibig ay hindi isang perpektong aspeto ng pamumuhay. May pagkakamali, kasalanan at hindi pagkakaintindihan. Subalit hindi dito nagtatapos ang lahat. Kailangan mong mag-isip nang higit pa sa labindalawang beses upang sumuko sa lahat. May pagkakataon upang magbago.


Ang bawat oras ay nagsisilbing gabay natin upang patuloy na harapin ang kahulugan ng pag-ibig. Ikatlo, ika-anim, ika-siyam, at ika-12 numero ay apat na oras na kung saan makikita natin na mayroong panibagong siklo. Ang pag-ibig na Pragma ay hindi tumutukoy sa pag-ibig sa kung saan nahuhulog kayo sa isa’t isa. Ang pag-ibig na ito ay nagbibigay sa atin ng paalala kung paano tumaya sa pag-ibig. Kailangan nating pagsikapan ang lahat ng bagay kaysa tanggapin lang ito.


Tik-tok!


Tik-tok!


Ang oras ay patuloy na tumatakbo. Minsan man ay mabilis ito, subalit ito ang magbibigay sa atin ng pagkakataon upang pahalagahan ang bawat segundo at minuto lalo na kapag kapiling ang ating taong iniibig.


Artikulo: Juan Fernandez

Grapiks: Yuko Shimomura


Comments


bottom of page