top of page
Writer's pictureThe Communicator

LIFESTYLE AND CULTURE | Kaibigan at Ka-Ibigan: Mga Pagkakataon sa Pagitan

Sabi nila, kaya raw may espasyo sa pagitan ng salitang best friend ay para sa nagbabadyang friendzone—ang pagkakaroon ng pagtingin sa kaibigan na hindi masusuklian.



Hindi nga naman lahat ng nagmamahal ng kaibigan ay kagaya ni Jason Mraz, sinuswerte. Maraming pagkakataon na katulad nina Carson ng pelikulang “I’m Drunk, I Love You” at Jung-hwan ng hit Korean Drama na “Reply 1988” ang nangyayari. Parehong nagmahal ng kaibigan; parehong nakulong sa pagitan ng pagkakaibigan at ka-ibigan. Sa kabilang banda, bukod sa sakit, pagkadismaya, at panghihinayang, ang friendzone ay may bitbit ding iba’t-ibang mga pagkakataon.


Pagkakataon para timbangin ang mga pinahahalagahan sa buhay. Sa mga tulad ni Jung-hwan na walang habas ang katorpehan, maaari naman munang timbangin kung ano ang mas higit na pinahahalagahan—ang pagkakaibigan o ang pagtinging nararamdaman? Simula sa pagsagot dito, maaari nang pagnilayan ang mga susunod na desisyon at aksyon.


Pagkakataon para paikuting muli ang mundo sa sarili. Sa mga gaya naman ni Carson na tumigil ang mundo dahil sa pag-ibig, maaaring paikutin itong muli—ngayon, para naman sa sarili. Balikan ang mga bagay na isinantabi; mga prayoridad na ipinagpaliban; at mga oras na naaksaya lamang. Subukang muli ang mga ito, at siguraduhing para na ito sa sariling mga ngiti.


Pagkakataon para paunlarin pa ang sarili. Imbis na hintaying dumating si Mx. Right, piliin na lang maging si Mx. Right! Tuklasin ang mga bagay na maaari pang paunlarin sa sarili—ang personalidad at ugali; usisain din ang ilang mga libangan at mga bisyo. Siguraduhin lamang na ang pagbabago ay para sa ikaaayos at ikabubuti.


Bagaman maraming mundo ang tumigil dahil sa pag-ibig, at maraming pag-ibig ang ‘di nasuklian dahil sa pagpapahalaga sa pagkakaibigan, hindi naman natatapos ang pag-ibig sa pagkakaroon ng romantikong relasyon. Walang masama sa pag-ibig na hindi humihingi ng sukli at kapalit. Kaya naman, imbis na balutin ang sarili sa lungkot, pagkadismaya, at panghihinayang na dulot ng friendzone, samantalahin na lamang ang mga pagkakataong bitbit nito.


Artikulo: Charles Vincent Nagaño

Graphics: Yuko Shimomura


Comments


bottom of page