top of page

LIFESTYLE AND CULTURE | Ikaw, Ako, at ang Wikang Filipino

Writer's picture: Yzabelle Jasmine LiwagYzabelle Jasmine Liwag

Kumusta ka na?



Tiyak sa unang baitang sa kolehiyo ay nag-uumapaw ang sigla at gigil sa pag-aaral. Marahil sa panibagong yugto ng buhay-estudyante ay bitbit ang mga pangarap para sa sarili, sa pamilya, at sa bayan.


Uhaw sa bagong kaalaman at sabik sa paglinang ng abilidad—ang bawat pagkakataon ng pagkatuto sa loob ng silid-aralan ay parang mga espesyal na sandali na hindi papalampasin. Dito sa bahaging ito mo rin unti-unting makikilala at makikita ang sarili sa landas na tinatahak — sa kursong pinili.


“Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya pala”


Sa pagtuklas ng sarili sa kursong kinabibilangan ay masisilayan ang mga sitwasyon na maaaring magdulot ng samu't-saring emosyon. Tuwa—dahil sa pagnanais na pagyamanin ang karunungan sa wika, panitikan, kultura at lipunang Pilipino. Lungkot—dahil sa mga negatibong pagtingin na nakadikit sa kursong ito dahilan kung bakit sa pananaw ng ilan ay limitado ang propesyon na mayroon dito. Panlulumo—dahil sa kasalukuyan ay tila hindi pinapahalagahan ang natatanging wika ng bansa.


Maaaring may pagkakataon na naglalaho ang tamis ng pag-aaral dahil sa mapait na kalagayan ng wika sa bansa. Ang pagtatangka na pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo noon ay ilan lang sa manipestasyon kung bakit may kahirapan sa pagkamit ng isang intelektwalisadong wika. Kung bakit hanggang ngayon ay mababa ang tingin sa wikang Filipino at mas pinipili ang Ingles bilang midyum sa matalinong talakayan sa paaralan.


Ang pagbubukas din ng mga programa o asignaturang nakatuon sa foreign language sa akademya ay masasabing hamon sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Ang pagsusulong ng mga dayuhang wika tulad ng Mandarin, Spanish, Korean, at Nihongo ay mas nabibigyan ng puwang sa loob ng paaralan dahil sa kaisipang—kailangang ihanda at sanayin ang mga mag-aaral sa mga wikang ito upang maging “globally competitive.’ Nang sa gayon may kakayahan ang bawat mag-aaral na makipagtalastasan gamit ang ibang wika.  


“Iho, ineng, ano nga ulit ang kurso niyo?” 


Minsan, darating sa punto na mapapagod ka na lang. Hindi dahil sa bigat ng mga gawain sa unibersidad, bagkus sa kawalan ng pagpapahalaga sa kursong akala ng iba ay walang kasiguraduhan sa hinaharap.


Mga komento na sinusukat ang kakayahan na makipagsabayan sa iba’t ibang larangan tulad ng edukasyon at pananaliksik. Mga opinyon na patuloy na kinukulong ang husay ng wikang Filipino sa loob at labas ng institusyon.


Maaaring sa pagkakataong ito ay nag-iisip ka, tinatanong kung ano pang saysay ng pagpapakadalubhasa sa wikang Filipino gayon ang mismong bayan ang unang hindi kayang  magmahal sa natatanging wika.


Para saan pa kung ang mga mamamayan nito ang nagiging dayuhan sa sariling wika dahil sa pagyakap sa impluwensya ng mga banyagang bansa. Saan dadalhin ng mithiin na paunlarin ang bansa kung ang pag-unlad ay hindi nagsisimula sa sarili—sa wika.


Sa kasalukuyan, maaaring mahaba pa ang panahong ilalaan upang kilalanin ng bawat isa ang ABF bilang mayaman at makulay na kurso sa kolehiyo at mahaba pa ang panahong gugugulin upang ganap na maunawaan ang mahalagang papel ng wika sa buhay at sa bayan.


Maaaring mahaba ang paghihintay upang mapagtanto na ang wikang Filipino ay susi sa pambansang pag-unlad.


“Kumusta? Malayo pa ang tunguhin”


Sa pagkakataong ito, siguro ay maraming pagdududa o agam-agam ang gumugulo sa isipan. Nag-aalala na kung pagkatapos ng apat na taong pag-aaral ay may naghihintay na magandang kinabukasan.


Kung tutuusin, mayaman sa propesyon at marami ang oportunidad na naghihintay sa hinaharap. Ngunit dahil mas umaangat ang ibang wika tulad ng Ingles lumiliit ang bilang ng mga pumipili—ang umiibig sa sariling wika.


Hindi lamang tulay tungo sa pagbubuklod ang wika ito rin ay pundasyon ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Ngayon na ipinagdiriwang ang buwan ng wika, muling pag-aalabin ang pagmamahal sa panitikan, ang kasabikan na kilalanin ang kultura at ang pag-aasam na pagyamanin ang wika. Lalong paigtingin ang pagpapalawak sa pambansang wika kasabay ng panghihikayat na suportahan ang kursong humuhubog sa pagkatao ng isang Pilipino.


 Ika nga nila ang wika ay kaluluwa ng bansa. Kaya't marapat na panatilihing buhay at ginagamit sa anumang larangan, mula sa loob ng tahanan hanggang sa labas ng bansa. Dahil ikaw, ako, at ang wikang Filipino ang susi sa tunay na pag-unlad ng ating lipunan.


Artikulo: Yzabelle Jasmine Liwag


Grapiks: Jacques Jacobsen Aquino

Comments


bottom of page