Sa kabila ng iba't ibang ingay sa lansangan na maririnig ng mga tainga, mas nangingibabaw pa rin ang tinig ng iba't ibang indibidwal.
Minsa’y mga salitang hindi madaling maunawaan ng karamihan o minsa’y mga sinasambit na iilan lang ang nakakaintindi ng mga salitang ito.
Sa paglipas ng panahon, samu’t saring lenggwahe na ang maririnig mo kahit saan ka man magpunta. Malay mo, kabilang ka sa kanila.
Habang ginugunita natin ang Buwan ng Wikang Pambansa, inaalala lang ba natin ito dahil taun-taon itong ipinagdiriwang o nakakabit na sa ating puso’t isipan na ang wikang ating kinagisnan ay dapat na patuloy na mahalin at pagyamanin?
Subalit bakit habang nagbabago ang takbo ng panahon, nabibigyan natin ng pansin ang kung anong uso o 'di kaya’y kabilang tayo sa pagpapalaganap upang makalimutan na ng iba ang wikang pinagmulan natin?
Kaya naman ngayon, kilalanin natin sila. Kabilang ka kaya rito?
The Starbs
Kasabay ng pagbabago ng panahon ay ang pagsabay din sa uso ng mga kabataan.
Ang iba’y ginagawa itong laman ng kanilang mga artikulo at content na ipinapakita nila sa publiko. Dahil sa laki ng impluwensya nito, mas marami ang nakikigaya nito para makasabay sa daloy ng panahon.
Ngayon, nagiging normal na lang ang pagsasalita ng “conyo” o tinatawag din na urban slang language kung saan ang salitang Ingles at Filipino ay pinagsama upang makabuo ng mga bagong salita.
Kadalasan ang mga nasa mataas na antas ng lipunan ang siyang karaniwang nagsasalita ng ganitong wika. Kung tambay ka sa BGC (Bonifacio Global City sa Taguig) o may mga kilala ka na galing sa mga prestihiyosong unibersidad, tiyak na isa ito sa kanilang wika na ginagamit dahil mas sanay sila na gumamit ng wikang Ingles.
Bukod sa mga indibidwal na ito, nagiging normal na lang para sa karamihan at ginagamit na rin bilang pang-araw-araw na wika at minsan ri’y nagiging biruan ng mga barkada.
Dude pareh, are you with us na ba?
Wikang Gets ni Chikana
Bukod sa pagiging conyo, may mga lenggwaheng patuloy na ginagamit ngayon dahil mas nabibigyang-boses na ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
May sarili silang lenggwaheng ginagamit sa pag-uusap upang maintindihan nila ang kanilang mga sarili at mas maihayag nila ang kanilang mga saloobin sa ganitong klase ng pananalita.
Everyday itong chikabels nila mader ert upang mas magkaintindihan ang mga gae at minsan nama'y ginagamit nila itong paraan kapag nagto-talk ng mga tea.
Pero hindi lang tismisan ang laman nito dahil pwede rin na normal nila itong sinasalita kapag may mga importanteng pag-uusap. Pwede ka pang makisali sa kanilang chika kung getsung mo sila. Zereeew!
Minsan baka hindi mo napapansin na ginagamit mo na ang ganitong pananalita, dahil sa impluwensya ng social media o ng iyong mga kaibigan.
Gew! D’on sa malayo!
Omsim Lang
Tulad nga ng pag-unlad ng iba’t ibang mga kagamitan, ngayon ay nagkakaroon na rin ng pag-unlad sa mga salitang binabanggit ng kabataan.
Bukod sa pagiging conyo, isa pa na nakakagawian nila ay ang pagbabaliktad, pagpapaikli o pagpapabago sa estilo nito upang makabuo ng bagong mukha sa masa. Hindi naman sa pagiging ‘delulu,’ subalit mas gusto ng mga kabataan na sumabay sa alam nilang maganda sa kanilang pandinig at alam nilang nakasunod sila sa kung ano ang uso.
Minsan sa pagiging masaya nila sa paggamit ng mga ito, may ibang tao ang hindi nakasasabay sa agos ng kanilang mga usapan dahil sa ganitong klase ng pananalita.
Paalal sa mga Gen Z out there, hindi lahat ay pare-pareho ng mga kinasanayan.
Sa kabila ng mga umuusbong sa lenggwahe ngayon, natatapakan na kung ano nga ba ang pinagmulan ng isang salita na masasabi nating sariling atin o hindi kaya’y pinagmamalaki natin na tayo ay parte ng bansang ating sinilangan.
Maganda na patuloy pa rin nating alalahanin na ang mga wikang ito ay may malalim na pagpapakahulugan at nagbibigay-buhay sa ating pagiging Pilipino. Patuloy na natatambakan ng mga bagong lenggwahe ang wikang ating pinagmulan dahil halos lahat ay sumasabay sa takbo ng panahon.
Sa mga paaralan, mahalagang maturuan ang mga mag-aaral ng importansya ng paggamit ng mga salitang ginagamit natin sa araw-araw na pakikipagtalastasan upang makihalubilo sa ibang tao.
Kung nagiging normal sa ibang tao ang pagsasalita ng mga sumusulpot na lenggwahe, magsilbi tayong gabay sa kanila upang maturuan at mabigyan sila ng karampatang kaalaman na patuloy pa ring gamitin ang kinagisnan nating wika.
Ang wikang hindi pambansa ay nagsisilbing buhay lalo na sa mga kabataan ngayon lalo na’t kung hindi mabibigyang aksyon na pagyamanin ang kinamulatan nating wika.
Mapilipit man ang ating mga dila, subalit ang puso at alaala ng nakaraan na ating sinilangan ay hindi mapapaikot ng landas.
Artikulo: Juan Fernandez
Dibuho: Jacques Jacobsen Aquino
תגובות