Narating mo na naman ang hangganan ng kalendaryong pang-akademiko. Marami na naman sa mga “ate” at “kuya” ang lilisanin ang apat na sulok ng silid na nagsilbing kanilang tahanan sa loob ng apat na taon.
Kaya para sa mga Iskolar ng Bayan na narating na at matutupad na ang kanilang tinatanging hiling na maisuot ang itim na toga at mapasakamay ang minimithing diploma, mayroon lamang po akong munting mensahe para sa inyo.
Isang bagong mundo na naman ang nag-aabang at naghihintay sa iyo. Ngunit ang mundong ito, mas malaki at mas nakalilito. Wala nang mga propesor na matiyagang gagabay sa iyo, wala nang mga organisasyon ang aakayin ka patungo sa Mendiola upang sumama sa pagsigaw at paglaban.
Bagong mundo na hindi lamang grado ang nakasalalay, dahil pasan mo na ang bigat ng bawat araw. Dala mo na ang problema ng pamilya at ito na, kakayod ka na upang unti-unting buuin ang iyong mga pangarap para sa sarili at para sa pamilya.
Ilang araw mula ngayon, sasapit ang araw ng pagtatapos. Sa wakas, nagbunga rin ang bawat pagpupuyat matapos lamang ang mga takdang gawain. At oo, hindi nga naging madali ang pagbagtas sa daan tungo sa tagumpay. Kung tutuusin, mas madali nga ang sumuko na lang kaysa magpatuloy.
Sa tuwing dadamputin mo ang sariling nagpira-piraso para muling ipagpatuloy ang paghakbang, sino nga ba ang mag-aakalang mararating mo rin pala ang hangganan?
Maraming bagay ang itinuro sa iyo ng Sintang Paaralan. Mapateknikal man o teoretikal, sinanay ka nitong maging malikhain, mahusay, at mapamaraan. Ngunit ang pinakamahalagang aral na napulot mo rito nawa ang siyang baunin mo sa paglabas mo sa unibersidad - ang pagbibigay ng buong sarili para sa bayan.
Ito ang kaukulan ng isang iskolar, ang magsumikap para sa sarili, para sa pamilya, at lalong higit - para sa sambayanan. Gawin mo sanang saligan ang prinsipyong ipinunla sa iyo ng pamantasan. Hindi madali ang industriya ng pabatirang pangmadla. Ngunit bilang isang iskolar ng bayan, banat na ang buto mo, sanay ka nang mahirapan.
Saan ka man dalhin ng mga paa at pangarap mo sa paglabas mo sa Sintang Paaralan, lagi mo sanang tandaan na laging bukas ang mga pinto nito para sa iyo. Lagi kang may mauuwian dito.
Kaya sa inyo, mga "Ate" at "Kuya" namin, isang taos-pusong pagbati. Kinaya mo. At kahit pa mas malaki at mas nakalilito ang industriyang naghihintay sa iyo, walang pagdududa, batid kong makakaya mo. Walang hindi kinakaya ang isang iskolar, lahat sasalungain, lahat kakayanin.
Kaya't madali ka, sulong mga iskolar, naghihintay sa atin ang bayan!
Artikulo: Robin Caragay
Dibuho: Patricia Mhae Santos
Comments