top of page
Writer's pictureThe Communicator

LIFESTYLE AND CULTURE: DEAR ISKO | Bakit maingay ang beshy ko?: Why COC is the best college


Masigla. Makulay. Maingay. Mermaid. Mga extrovert.



Ilan lamang ito sa mga paglalarawan o unang impresyon ng ibang departamento sa  Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas  tungkol sa Kolehiyo ng Komunikasyon o College of Communication.


Ngunit sa lahat ng mga komentong ito, isa ang natitiyak kong nakaaangat na katangian ng mga COCianang pagiging maingay at madaldal.


Kung susumahin, baka una na sa  listahan ng noisy ang rurok ng kaingayan ng mga COCian. Hindi man kasiya-siya ang mapasama sa nasabing listahan, ngunit sa pagkakataong ito, may kakaibang sinisigaw ang kaingayan ng mga taga-COC.


Ingay na isa sa mga mahahalagang dahilan kung bakit ang Kolehiyo ng Komunikasyon ayisa sa mga pinakamahusay at ipinagmamalaking departamento ng PUP.


Totoo beshy, ang ingay ng mga COCian na magiging alagad ng midya. Umaalingangaw sa paligid ng institusyon ang kanilang panawagan sa iba’t ibang sosyo-politikal na isyu tungkol sa midya. Maging sa labas ng institusyon ay maririnig mo ang kanilang kolektibong pahayag upang tumindig para sa mas malayang pamamahayag.


Minsan na rin silang napatahimik, hindi dahil sa pagod kasisigaw, kundi dahil sa pakikidalamhati sa tuluyang pagpapatahimik at tahasang pagpapatumba sa kapwa nilang mamamahayag.


Buhat ng sapilitang pagpapatahimik sa kanila, mas lalo silang umiingay upang ipagpatuloy ang pagwaksi at pagtuwid sa mga mali at mapanlinlang na impormasyon na lumalason sa kamalayan ng bansa at ng taumbayan.


Ang ingay din ng kanilang pangamba noong biglang nawala ang ABS-CBN sa himpapawid, ay unti-unting napapalitan ng ingay ng pagkasabik dahil sa paglawak ng impluwensya ng midya—bilang tagapagbantay ng demokrasya—sa tulong ng mga bagong teknolohiya at ng internet.


Totoo beshy, ang ingay ng mga COCian na miyembro ng bahaghari. Sa kabila nang pagiging bukas na tahanan ng Kolehiyo ng Komunikasyon sa malayang pagpapahayag ng sarili, bumubulyaw pa rin ang ingay ng mga miyembro ng bahaghari para sa pantay na karapatan para sa kanilang komunidad.


Araw-araw maririnig ang ingay ng kanilang mga yapak sa bawat pasilyo ng kolehiyo na itinuturing nilang runway; upang kahit man lang sa gusaling ito ay malayang nilang maipahayag ang kanilang pagkakakilanlan. Dahil sa labas ng marahas na lipunan, patuloy pa rin ang ingay ng kanilang pakikibaka hinggil sa maling konsepsyon sa kanilang komunidad, sa pagtanggap sa kanilang identidad, sa mga diskriminasyon, at karahasan na kanilang nararanasan.


“Makibeki, wag mashokot!” paulit-ulit ang panawagang ito sa loob atlabas ng kanilang kolehiyo. Umaasa na darating ang  bukas na tuluyan silang tanggapin ng lipunan at maging inklusibo ito tulad ng kanilang tahanan, ang College of Communication.


Totoo beshy, ang ingay ng mga COCian na woking student. Buong lakas kasi nilang pinagsisigawan ang nararanasan nilang labis na kahirapan at salat na oportunidad sa buhay.


Kasabay ng kanilang pagpasok sa pintuan ng kinabukasan ay ang pagpasok din nila sa pintuang sinasabi ng matatanda na “tunay na mundo” ngunit sa halip na ingay ng silid-aralan, mababang sahod, mapang-abusong sistema ng kontraktwalisasyon, at hindi matapos-tapos na pagbibiktima ng mapang-aliping sistema ng kapitalismo ang kaingayang pilit na bumabagabag sa kanila.


Sa halip na kwaderno at mga libro ang kanilang hawak, mahabang listahan ng bayarin ang kanilang binabasa. Sa halip na lagayan ng mga gamit sa eskwelehan, mga gastusin sa bahay ang kanilang pasan-pasan. Kaya naman ang ingay na kanilang ibinabahagi sa paaralan ay isang malinaw na representasyon ng mensaheng ipinapabatid nila bilang kasapi ng mga uring manggagawa.


Totoo beshy, ang ingay ng mga COCian na kasapi ng mga organisasyon, sa loob o labas man ng akademikong institusyon. Mayroong manunulat, dokumentarista, atleta, graphic designer, lider-estudyante, lingkod-publiko, at marami pang iba.


Ito ang kaingayang yumayakap sa kanila pagkatapos ng mga klase. Kaingayang nagpapagaan ng kanilang loob malayo sa mga alalahanin na takdang-aralin  at term papers. Ngunit ang tunay na ingay ay mula sa angking adhikain ng kanilang mga organisasyon. Mga aktibidad na hindi lang nagsisilbing “extra curricular” kundi mga inisyatibong humuhubog sa kanila bilang aktibong miyembro ng komunidad.


Magkaiba man ang sistema, anyo, at pangunahing tunguhin ng kanilang mga organisasyon, nagkakaisa naman sila sa layunin na bigyan ng oportunidad ang bawat sektor ng lipunan na isiwalat ang kanilang mga panawagan. Dahil ang pinakamahalagang aspeto ng isang organisasyon ay ang pagtugon nila sa kanilang adikain—layuning lagi’t lagi para sa Bayan.


Iba-iba man ang pinanggalingan. Iba-iba man ang hangarin ng mga Iskolar ng Bayan. Ang ingay ang nagsisilbing tulay na nagbubuklodsa bawat isa. Ingay na may mahalaga, ingay na may pinaglalaban, ingay na dapat pinaparating sa kalsada’t pamahalaan.


Silang maiingay, madaldal, at ‘madali lamang’ ang kurso ay siyang kalasag ng mga indibidwal na sumusulong para sa tuluyang pagbabago sa bayan na hindi lamang ang mga nakaaangat ang makaramdam, ngunit maging ang masang api.

Silang maiingay na hindi natatakot suungin at sumama sa hanay ng masa, silang mga nagsisilbing mata at bibig ng taumbayan na pinagkaitan ng boses upang isigaw ang kanilang mga panawagan, ay hindi napapagod sa pagsulong, sa paghakbang, at sa pagtindig para sa kapakanan ng masang anakpawis.


Hindi alintana kung umulan man o umaraw, ang mahalaga sa kanila ay sumasama sa mga pagkilos upang makibahagi sa ingay sa lansangan, sa ingay ng iba’t ibang unyon, sa ingay ng mga taong ang hangad lamang ay maitawid ang araw-araw na pamumuhay.


Ika nga nila ‘hindi mali ang paglaban, may mali kaya lumalaban.’ Kaya naman buong tapang na ipinagmamalaki ng mga COCian ang kanilang kaingayan na isa sa nagpapatingkad sa nasabing kolehiyo.


Kaya sa mga nagbabasa nito, kung naiingayan ka sa COC, sa mga kapwa mo estudyante, pag-isipan mo muli dahil magkaiba ang abilidad ng nakaririnig sa nakikinig.


Artikulo: Noreil Jay Serrano

Dibuho: Patricia Mhae Santos

Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.
bottom of page