top of page
Writer's pictureThe Communicator

LIFESTYLE AND CULTURE | Baka masyado pang maAGA PEra umibig?

Sa mundong ibabaw, napakaraming depinisyon ng pag-ibig na lumilitaw. May pag-ibig na hindi mo mawari kung tiyak, pag-ibig na mahal ka kasi ikaw ang nandiyan, at pag-ibig na hindi ka kayang panindigan.



May pag-ibig namang handa kang hintayin at ipaglaban, pero ang masakit sa lahat akala mo walang hangganan na ang pagmamahal pero magigising ka na lang tanging kayakap mo na lang ang unan.


Sa kabila ng mga banta ng ganitong uri ng huwad at hindi siguradong pag-ibig, marami pa ring mga tao sa mundo ang patuloy na nagtatanong sa kung ano nga ba ang kulang. Mga taong nanabik pa ring makahanap at umaasa sa isang pag-ibig na kanilang nais maramdaman.


“Lord, bakit ako single?


“May favorites ka ba?”


Mga tanong na umabot na sa puntong kinukuwestyon nila ang Diyos kung bakit hanggang ngayon sila ay mag-isa pa rin. Kung bakit nga ba sa paglalim ng kanilang pagnanais na maranasan din ang mahalin at magmahal ay tila mas lalo pang lumalabo ang pag-asang masumpungan ito. Mga pagkakataong tila mas naging mailap ang pag-ibig kahit na ipagdasal at hilingin na sana ay may dumating.


Bakit nga ba may ibang maswerteng minamahal na? Habang ang ilan ay tila kahit sabihing bilyong tao ang namumuhay sa mundo ay wala pa ring maipagsigawang "the one" ko. Hindi nga ba talaga para sa kanila ang pag-ibig o sadyang kailangan tanggapin na malas sa pag-ibig? Kung ganoon ang nais ipahiwatig, ibig-sabihin ba’y swerte ngang maituturing silang mga may karelasyon? Silang tila mahal na mahal at paborito ni Lord?


AGA PEg-isipan muna kaya?


Tagos hanggang langit na ang mga katanungang bumabagabag sa isipan. Sa isa pang katanunga’y amoy puno na ng panibugho sa kalangitan. Sandali’t manahimik upang ang lahat ay pag-isipan, “May favorites ka nga ba, Lord?” o baka naman may ibang pagmamahal na sa atin ay nakalaang maramdaman?


Isang pagmamahal na hindi ang hanap ng lahat pero maluwag na darating upang iparamdam ang tunay na depinisyon ng pagmamahal. Ang pag-ibig na pinakahigit sa lahat ng uri ng pagmamahal na hindi mahahanap sa sangkatauhan kundi tanging sa Diyos lang matatagpuan. Ang pag-ibig na pinakatiyak, pinakadakila, at hinding-hindi magwawakas. Ito ay ang tinatawag na “Agape”—ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ang pag-ibig na nariyan lang ngunit nakakalimutan na bigyang pansin dahil ang pokus ng karamihan ay kalinga at pagmamahal mula sa tao na maipagsisigawang, “Akin siya lang."


Ang pag-ibig na ito ay pag-ibig na hindi kawangis ng pagmamahal na maipararamdam ng mga tao rito sa mundong ibabaw sapagka't ang kanilang pag-ibig ay batid nating may hindi tiyak, hindi tapat, nagbabago at nagwawakas. Ngunit, ang pag-ibig ng Diyos na Agape, ito ang pag-ibig na sasamahan ka sa araw-araw at hinding-hindi lilisan.


AGAPEdeng standard!

Marahil ito ang kasagutan kung bakit may ilang hindi pa nabibiyayaan ng karelasyon. Baka masyado pang maAGA PEra sa pagmamahal? Walang malas, walang paborito sadyang may dahilan ang Diyos kung bakit may nag-iisa. May nais muna siyang matutunan natin at iyon ay ang maramdaman ang Agape na pagmamahal upang hindi malabuan sa panahong darating na ang taong nakalaan. Kinakailangan muna nating malaman at malasap ang dalisay na pag-ibig ng Diyos upang maiwasan natin bumagsak sa bingit ng mga huwad na pag-ibig na handog ng ilang tao sa mundong ibabaw.


Marahil inihahanda muna ang ating sarili na maunawaan na ang pag-ibig ay hindi basta pag-ibig lang. Sa panahong natutunan at naramdaman mo ito, sa pag-ibig hindi ka na basta mabubulag. Sapagkat ang pag ibig ng tao'y may hangganan, madaling unawain na hangga't may kilig at parehas na pagkakaintindihan matatawag nang pagmamahalan, ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan hanggang sa ating kamatayan. Ang pag-ibig na ito ay hindi nagwawakas (1 Corinto 13:8).


Ika nga, “'Yan ang standard!"


Palagi nating hangad ang pagmamahal ng ibang tao kahit wala namang kasiguraduhan. Hindi na natin napapansin may isang Agape na uri ng pagmamahal mula sa Diyos na handang ibigay ang pagmamahal na hindi natin mahahanap sa iba at hinding-hindi pa tayo sasaktan. Marahil single ka ngayon, sapagka't masyado pang maaga para sa pag-ibig ng tao na wala pang katikayan.


"Baby," "mahal," "asawa ko," mga call sign na nakakikilig pakinggan ngunit siya ring dahilan kung bakit masasaktan. Baby pero hindi lang ikaw ang kinakalong sa bisig ng kaniyang pagmamahal. Mahal, pero kung makamura sayo wagas hanggang talampakan. Asawa ko, na asawa niya at asawa nating lahat. Sa Panginoon tayo'y may pare parehong call sign, "anak". May anak bang hahayaan ng kanyang mga magulang na masaktan? Dito muna sa pag-ibig ng Diyos na dakila’t higit, may kasiguraduhan at hinding-hindi ka iiwan. Ang pag-ibig na gagabay sa’yo hangga't hindi pa dumarating ang sayo ay nakalaan.


Hindi kailangan magmadali at mainggit kung sa tingin ay napag-iiwanan. Kapag si Lord, pinigilan ka sa bagay na nais mo, gusto ka lang Niyang protektahan. Kung ngayon, ikaw ay nasasaktan dahil pakiramdam mo ikaw ay napag-iiwanan, gusto ka lang Niyang may matutunan. Kaya’t palitan na ang linyang, “Lord, bakit ako single? May favorites ka ba?” bilang, “Lord, salamat ako ay single! Favorite Mo talaga akong alagaan. Ayaw Mong ang puso ko’y basta lang masugatan.”


Artikulo: Krissalyn Espiritu

Grapiks: Yuko Shimomura


Kommentare


bottom of page