Paano kung bumalik na tayo sa Sinta? Anong gagawin mo?
Will you be excited? Or will it worry you?
Ilang taon na ang lumipas nang magsimula ang pandemya at dito nagsimulang umikot pabaligtad ang buhay ng bawat isa, kasama ka na. Sa gitna ng panahong ito, kapansin-pansin na maraming nagbago sa sistema ng edukasyon–mula sa pagtuturo, pagbibigay ng mga module at activity, at pagsasagawa ng group at performance tasks. Tunay ngang ibang-iba kumpara sa nakasanayan natin sa face-to-face classes.
Ilang taon na ang lumipas nang magsimula ang pandemya at hanggang ngayon, halos lahat ay nakakulong pa rin sa ating mga bahay. Kaya hindi rin maitatanggi na binago nito ang sistema nating mga estudyante–mula sa magulong sleep schedule, limitadong espasyo para sa pag-aaral, paggawa ng mga gawaing pang-eskwelahan kasabay na ng mga gawaing bahay, at biktima ng “Panay ka cellphone r’yan” sa gitna ng online class.
Kaya ang tanong ng lahat, kailan ba tayo babalik sa Sinta?
Kumusta ka, Sinta?
Maraming eskuwelahan at unibersidad na ang nagbukas ng pinto para sa kanilang full at limited face-to-face classes. Gaya ng dati, nagagawa na nila nang maigi ang mga activity at programa ngunit mayroon pa ring limitasyon dulot ng pandemya.
Samantala, inanunsyo ng PUP na magkakaroon ng tatlong moda para sa pag-aaral ngayong taon–ang hybrid, online, at correspondence mode. Para sa face-to-face classes, limitado lamang ito para sa graduate school, college of law, laboratory high school, senior high school, undergraduate courses, at ITECH students. Ngunit ang modang ito ay nakaayon pa rin sa departamento na kinabibilangan kaya hindi ito angkop para sa lahat.
Nakalulungkot isipin na hindi kayang i-akomoda ng PUP ang bawat isko at iska para sa unang semestre. Mayroon pa ring nalulugmok sa kani-kanilang bahay, at pinoproblema kung paano na naman tatapusin ang semestreng ito lalo na at napakahirap mag-aral sa ganitong sistema. Lahat ay limitado at hindi lahat ay mayroong kakayahan na punan ang puwang na kung tutuusin, ang PUP mismo dapat ang nagpupuno nito.
Gayunpaman, nagkaroon ng progreso para sa pagkakaroon ng mga face-to-face activities na noon ay hindi naipapatupad dahil sa mga limitasyon. Kung ating babalikan ang nakaraang dalawang buwan, unti-unting binigyan ng ingay at saya ang Sinta ng iba’t ibang kaganapan kahalintulad ng: #BalikSinta2022 para sa mga estudyante, organisasyon, kasama na rin ang mga university staff, Seremonya ng Pagtatapos 2022, at ang mga patuloy na mobilisasyon upang maipaabot ang panawagan at pakikiisa para sa paglaban ng mga estudyante, partikular na sa mainit na usapin sa Mandatory ROTC at Budget Cut para sa PUP. Kamakailan, ipinagdiwang din ng mga Iskolar ng Bayan ang International Students’ Day 2022.
Kumpara sa mga nakaraang taon, mas maraming estudyante na ang nakiisa at nakikisama para itulak ang pagbabalik sa Sinta. Pero ang tanong ng lahat, hanggang dito na lang ba? Ganito na nga lang ba?
Kailan babalik sa silid-aralan?
Sa bawat pagkakataon, lagi’t laging papasok sa ating isipan bilang PUPians, kung kailan nga ba tayo ulit makatatapak sa Sintang Paaralan, lalo na sa mga silid-aralan–ang pag-upo ng ilang oras sa mabibigat at matitigas na upuan, ang paghiyaw sa isa’t isa, pagka-cram nang sabay-sabay, ang pag-demand ng plus points, at siyempre, pati na rin ang mga on-the-spot na role playing. Hindi ba’t nakaka-miss talaga?
Nakababagot man isipin pero totoong nililimitahan tayo ng ganitong sistema–sa pagkakaroon ng high school at college life, pagkakaroon ng kaibigan at pati na rin ang nakaka-#SanaAll na ka-ibigan, paghahasa ng ating skills at talent, pagiging tunay na isko o iska sa Sinta, at ang paglaban sa tunay na mga hamon ng buhay.
Oo, maaari pa rin naman nating gawin ang mga ito at maging masaya sa gitna ng pandemya, pero kailan nga ba natin ulit mararananasan ang makipagsalamuha sa iba? Kailan nga ba natin ulit mararanasan ang magkabaon, ang bumiyahe ng ilang oras, ang ma-late, ang ma-stress sa hindi matapos-tapos na mga gawain, ang maging masaya kasama ng iba kahit na nahihirapan, ang maging tunay na estudyante. Tunay nga, when kaya?
Paano kung ang “greatest” what if mo ay nasa harap mo na?
Isa sa mga nagbigay ng dahilan para patuloy na umasa sa pagkakaroon ng full face-to-face classes ay ang inilabas na memorandum ng Commission on Higher Education (CHED). Isinasaad dito na wala nang full online classes para sa susunod na semestre at magkakaroon na ng opsyon ang mga unibersidad, kung hybrid o full onsite learning ang ipatutupad na moda ng pag-aaral para sa mga estudyante. Subalit nasa unibersidad pa rin ang huling desisyon.
Kahit papaano, mayroon ng liwanag na matatanaw. Kahit papaano, may panghahawakan na tayong pag-asa. Kaya what if matuloy na nga ang full face-to-face classes para sa lahat? What if magkaroon na tayo ng kalayaan para sa college life na matagal nating hinintay? What if ma-enjoy na natin nang buong-buo ang pagiging PUPian? What if ‘diba?
Ikaw, bilang estudyante, ano ang greatest what if mo?
Grapiks: Rick Andrei Carigma
Comments