top of page
Writer's pictureShaeka Madel Pardines

LATHALAIN | Tara, Simbang Gabi!

“Tara, simbang gabi!”


Parehong petsa noong nakaraang taon, naaalala ko pa ang mga linyang iyon mula sa kaniyang mapusyaw na labi kasunod ng maliwanag na ngiti.


May kakaibang simoy sa hangin tuwing simbang gabi, hindi ko tiyak kung dahil ba sa homiliya ng pari, o dahil hindi ako nag-iisa sa malawak na upuan ng simbahan. Habang diretsong nakatingin sa altar, batid ko ang mga nakaw mong tingin na tila may nais ipahiwatig.



Sa taas ng kisame, laki ng mga bentilador, at dami ng mga tao—bakit pakiramdam ko ay tayong dalawa lang ang nandito? Pasado ala-una na noong matapos ang misa, ngunit hanggang sa mga oras na iyon ay nagkakapaan pa kahit matagal nang magkakilala.


“Tara, simbang gabi!”


Ilang simbang gabi pa ang lumipas na ikaw ang aking kasama, at kagaya ng inaasahan, walang dudang naging komportable na nga sa isa’t isa. Magkasama nating dinaraanan ang mga petsa sa kalendaryo, dahil dito, batid kong ang huling buwan ng taon ang magpapatunay na may ligaya sa mga pagtatapos.


Bukod sa maliwanag na paligid dahil sa iba’t ibang ilaw ng parol, tila mas maaliwalas ang madaling araw dahil sa palitan ng mga inosenteng linya sa isa’t isa. At habang mahinhin na tumatawa sa mga matamis mong banat, nagdampi ang ating mga kamay, huminto ang paligid, at nangusap ang mga mata.


“Tara, simbang gabi!”


Parehong petsa ngayon noong nakaraang taon nang bitawan mo ang mga linyang palagi kong maaalala sa tuwing sasapit ang simula ng simbang gabi.


Ngayon man ay mag-isa akong nasa tapat ng parehong simbahan, ramdam kong kaisa ng simoy ng hangin ang mainit mong yakap. Kasabay ng aking pangungulila ay ang nangingilid na luha, “Tara, simbang gabi,” bulong ko habang pilit na nakangiti sa langit.


Ngayong paunti-unti nang bumabangon ang bawat isa mula sa pandemya, patuloy pa ring nangungulila ang mga naiwan ng mga biktima nito. Batid kong walang lunas sa sakit, ngunit patuloy kong hihilingin ang lunas sa mga pusong naiwan—mga pusong iniwan.


“Tara, simbang gabi!”


Malungkot man ang simbang gabi ngayong taon, maliwanag pa rin ang paligid dahil sa kumukutitap na mga ilaw. At batid kong hiling mo ring tumila na ang mga luha mula sa namumugto kong mga mata at mapalitan ng ligaya ang mga hikbi.


Wala ka man ngayon at hanggang sa mga susunod na simbang gabi, patuloy ko pa ring maririnig ang mga inosenteng linya, patuloy na magiging sariwa ang mga alaala, at patuloy na papayag sa paanyayang: “Tara, simbang gabi!”.


Grapiks: Patricia Mae Santos


Comments


bottom of page