top of page

LATHALAIN | Swerteng Malas: Back to Work ka na ba?

Writer's picture: Aira PalacioAira Palacio

Nang umulan at umapaw ng swerte sa lupa, nasaan ka?



Marahil ay mahimbing ang tulog mo matapos gawing umaga ang gabi. Siguro ay rinding-rindi na ang mga butiki sa iyong silid dahil sa walang katapusang dahilan mo na sa gabi lamang gumagana ang utak mo kung kaya naman ito lamang ang tanging oras upang tapusin ang iyong mga takdang gawain. Sa ilalim ng bilog na bilog na buwan habang nakapaligid ang mga kuliglig na nag-aawitan.


O ‘di kaya’y nasa lugar kung saan may nakapaligid na kumukundap-kundap na ilaw at nakalulunod na musikang kahit na sukdulan ang lakas ay tila banayad at kay sarap sabayan ng indayog ng katawan. Saksi ang bawat baso at yelo sa kung gaano karaming beses nang tinuran mo ang mga katagang, “Deserve ko ‘to!”.


Nang nagsabog ng biyaya sa lupa, ano’ng dala mo?


Mukhang hindi ka na nakapag-abala pang magdala ng banyera dahil nagkukumahog kang tapusin ang mga gawaing dapat ay matagal mo nang sinimulan. Dahil kung pagkain man ‘yan, paniguradong bulok at panis na ang mga ‘yan dahil matagal na panahon bago ito pagtuunan.


Maaari rin naman na ang bitbit mo ay laptop at sandamukal na mga papel para sa thesis mong hinahabol na tapusin.


Kung minsan, mapapaisip kang tiyak.


Siguro’y nang nagsabog ng kamalasan at katamaran, bakasyon noon kung kaya naman nakapaglaan ka ng oras na kumuha ng banyera’t sinalo mo lahat.


Bilang isang mag-aaral, madalas nating tawagin si Batman upang tayo ay tulungan. Hindi natin maitatanggi na kung minsan ay ipinagkakatiwala pa natin sa kaniya ang mga bagay na siyang nagdudulot sa atin ng kaba at pangamba. Yaong parang may magagawa si Batman kapag nakaapak tayo ng dumi sa daan. Tipong si Batman ang kumakalaban sa mga itim na pusang maaari nating makasalubong sa daan upang pigilan ang kamalasan.


Kung nakapagsasalita lamang si Jose Rizal, marahil ay maririnig mo ang mga daing niya. Matapos mong ilagay ang piso sa ilalim ng iyong paa. Bilang pagsunod sa turan ng iyong lola na maglagay ng barya sa iyong sapatos upang magdulot ng swerte at saya.


Sa pagpasok ng panibagong taon, samu’t saring pamahiin at gawi ang siyang sa bawat pamilya at hapag ay namutawi. Bukod sa lechon at fruit salad ay may espasyong laan din yaong sisidlang lulan ang pinagsama-samang bigas, itlog, at pera na siyang tumabo at nagkalat sa balat ng social media.


Nakatutuwang isipin na pati ang swerte, digital na. Siguro nga’y gano’n na kalawak ang sakop at nagagawa ng teknolohiya.


Sa isang banda, kung ang swerte ay nakukuha sa pamamagitan ng mga pamahiin at kasabihang matanda, bakit kinakailangan pang magtrabaho at magbanat ng buto? Bakit kinakailangan na malunod sa sandamakmak na papel habang nasa apat na taong pag-aaral sa kolehiyo ang mga estudyante kung may naghihintay namang swerte dahil walang palya ang pagsunod nila sa daily horoscope?


Dahil kung ang swerte ay nakabatay sa pagsusuot ng polka sa bawat gabi ng salubong sa panibagong taon, siguro’y wala nang babangon sa mga susunod na araw dala ang kalungkutan dahil pagkatapos ng maikling bakasyon ay balik trabaho na.


Huwag kang mag-alala kung natutulog ka man at nagbabawi ng lakas kung tunay man na nagsasabog ng swerte ang langit.


Dahil kung mas pinipili mo ang kumilos para sa sarili mong pag-unlad, higit sa swerte ang iyong taglay. Bagkus mapalad ka.


Dibuho: Patricia Mhae Santos


Comments


bottom of page