top of page

LATHALAIN | Si Babaylan at si Asog

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 10 minutes ago
  • 3 min read

Layout & Graphic Artist: Kent Bicol
Layout & Graphic Artist: Kent Bicol

Sinong maniniwala na noon pa man, sa dibdib ng ating mga ninuno, ay namumukadkad na ang mga binhi ng pagkakakilanlan at pag-ibig na ngayon ay mas malalim nang nauunawaan sa konteksto ng iba't ibang oryentasyon at pagkakakilanlan ng kasarian? 


Hindi ba’t nakakamangha, o marahil, nakakapukaw ng kuryosidad kung gaano kalalim ang kulturang mayroon tayo? Halika at sabay nating lakbayin ang agos ng panahon at sumisid sa kasaysayan.


Matagal na panahon na ang nakalipas bago pa man tayo sakupin ng mga Espanyol, nariyan na ang mga Babaylan at Asog. 


Ang mga Babaylan


Ang mga Babaylan ay mga katutubong pinuno ng relihiyon noong panahon ng pre-kolonyal sa bansa. Nagsisilbi silang manggagamot ng mga mamamayan—pisikal man o espirituwal. Tungkulin din nilang kumausap sa mga espiritu ng kalikasan at mga yumaong ninuno at maging tagapag-ingat ng kaalaman tungkol sa ating kultura, mga paniniwala, at higit lalo ng ating kasaysayan. 


Maliban sa mga ito, nagsisilbi rin silang tagapayo ng ating mga ninuno maging sa mga Datu sa pagsasagawa ng mahahalagang desisyon bago pa man dumating ang mga Kastila. Binabalanse ng kanilang pagkababae ang pagkalalaki ng Datu na siyang bumubuo ng matatag na balangkas upang magbuklod at maitaguyod ang kanilang pamayanan. Higit pa riyan, nang tayo'y napasailalim sa kamay ng mga Espanyol, naging simbolo sila ng katapangan at paglaban sa mga Kastilang pinipilit ang Kristiyanismo sa ating bansa.


Bagamat ang karamihan sa mga piniling maging babaylan ay kababaihan, hindi ito isang daan na tanging sa kanila lamang nakalaan. May puwang din para sa mga kalalakihang pumipisan sa lambing ng pagkababae o yaong buong pagmamahal na yumakap sa katauhang pambabae. Dito natin masisilayan at makikilala ang mga asog.


Ang mga Asog


Ang mga Asog ay mga kalalakihan sa pre-kolonyal na lipunan na hinamon ang binaryong konsepto ng kasarian at sekswalidad at kinikilala ang mga pambabaeng tungkulin at katangian nila. Kaya't hindi rin natin maikakaila na sila ay madalas maiugnay sa mga Babaylan. 


Makikita ito sa kanilang pananamit gaya na lamang ng pagsusuot ng mahabang palda na kung tawagin ay lambung, pakikilahok sa mga tradisyonal na gawaing pambabae gaya ng pagbuburda, pananahi, at paggawa ng palayok, at sila ay karaniwang hindi kasali sa mga labanan. 


Gaya ng mga babaylan, sila rin ay may tungkuling espirituwal at karamihan sa kanila ay nagsisilbing “shaman” o eksperto sa ritwal. Pinaniniwalaan rin na ang ang kanilang “espirituwal na kakayahan ay nakasalalay sa pagkakakilanlan sa pagkababae”, anuman ang kanilang biyolohikal na kasarian. 


Sa kasalukuyan


Mula pa noon ang pagkakaroon ng Asog at iba pang mga indibidwal na may iba’t ibang kinikilalang kasarian ay buong pusong tinatanggap. Ibang-iba ito sa mga pananaw na ipinakilala sa atin ng mga mananakop na Kastila. Dahilan ito upang magkaroon ng ibang kaisipan ang mga Pilipino tungkol sa kanila habang tumatagal na nasa ilalim tayo ng kanilang pananakop. 


Ngunit kung ating iisipin, hindi nagkakalayo ang mga babaylan at asog sa mga taong nasa komunidad sa panahon ngayon. May mga kababaihan pa rin na gumaganap sa mga panlalaking tungkulin, gayunding may mga kalalakihan ding gumaganap sa mga pambabaeng tungkulin. 


At hindi natin ito masisi dahil noon pa man ganito na ang gawi ng ating mga ninuno, dahil nakatanim na ito sa malalim na kulturang Pilipino.


Kung sa nakaraan, ito ay isang simpleng konsepto lamang at hindi pa isang buong kaisipan tulad sa ngayon, ito pa rin ay nag-ambag ng malalim na pagkakakilanlan at pag-unawa sa ating mga kapatid na kabilang sa komunidad. Kung kaya’t ang paghusga sa kanila ay pagbalewala sa ating malalim na pinagmulan.


Patuloy nating bigyang halaga ang bawat indibidwal, anuman ang kanilang kasarian o pinagmulan. Sa bawat pagkilala at pagtanggap, binibigyan natin ng kulay at buhay ang ating kolektibong identidad. 


Ang bawat isa ay may kakayahang magbigay ng kakaiba at mahalagang ambag sa lipunan. Ipagpatuloy natin ang paglalakbay tungo sa isang mas inklusibo at mapagkalingang hinaharap, kung saan ang pag-ibig, pag-unawa, at paggalang ang siyang nangingibabaw. Ang tunay na lakas ay nasa pagtanggap at pagdiriwang ng ating pagkakaiba-iba.


Writer: Angela Sorsano

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page