top of page
Writer's pictureThe Communicator

LATHALAIN | Sana Ngayong Disyembre…

Malamig na naman ang simoy ng hangin, maliwanag na rin ang mga lansangan dala ng makukulay na christmas lights; natatanaw ko na rin ang naglalakihang mga parol na nakasabit sa mga bintana.



Maririnig na rin ang kalansing ng mga tansan, kalampag ng mga tambol na gawa sa lata at goma, maging ang pagtama ng kutsara sa tinidor kasabay ang mga boses na umaawit—at syempre, hindi mawawala ang katagang, “Patawad!”


Higit sa lahat, nasisilayan na rin ang manong na may bitbit na malaking sako sa kanyang likuran—mahaba ang mga puti nitong balbas, malaki ang tiyan, at nakasuot ng kulay pulang damit na talaga namang agaw-pansin.


Nandito na ulit si Santa! Ano kaya ang maaari kong hilingin sa kanya?


Hindi naman siya genie kaya naniniwala akong kahit humaba ang listahan ng mga kahilingan ko, ayos lang sa kanya. Pwede ko sigurong simulan sa mga hiling kong mababaw lamang—mga hiling na alam kong pinagdadaanan ng lahat.


Sana ngayong Disyembre, hindi na tayo maging si Carson ng “I’m Drunk, I Love You,” si George ng “The Hows of Us,” o si Jung Hwan ng “Reply 1988.”


Sana tuluyan na tayong makalaya sa mga indibidwal na bumibilanggo sa atin. Sana tuluyan na nating mahanap ang daan palabas sa kung anuman ang bumabara sa mga puso natin. Sana hindi na tayo maging alipin ng pag-ibig. Dahil ngayong Disyembre, gusto kong maranasang mahalin at magmahal nang walang alinlangan, walang limitasyon, at malaya.


Sana ngayong Disyembre, ang mga katulad kong Iskolar ng Bayan ay maipanalo ang laban sa NPU Bill.


May banta kasi ng pagkakaroon o pagdaragdag sa mga bayarin sa paaralan kapag naipasa ito. At hindi ito kaya ng mga magulang ko dala ng kakulangan sa badyet. Matagal na kasing state university at libre ang pag-aaral sa PUP; ilang pangarap na ng maliliit na indibidwal gaya ko ang natupad nito, kahit na ang mga pasilidad at kagamitan dito ay may kakulangan.


Hindi ko lubos maintindihan bakit tina-target ng senado ang unibersidad namin—dahil ba kami ay progresibo? Kahit ano pa ang mangyari, ito ang hiling ko bilang isang iskolar. Ngayong Disyembre at sa mga susunod pa, gusto kong makapag-aral nang walang ibang iniisip, gusto ko na ang mga henerasyon na susunod sa akin ay hangarin pa rin na makapag-aral sa institusyong ito.


Sana ngayong Disyembre, hindi matuloy ang plano ng gobyerno na i-phase out ang mga public utility vehicle (PUV) gaya ng mga dyip.


Dumaan ang taong ito na pasan ng mga tsuper ang banta ng pagpapatanggal sa kanilang hanapbuhay dahil nais isulong ng pamahalaan ang makabagong mga dyip at tuluyang palitan ang mga tradisyonal na ating kinasanayan.


May aircon, mas maluwag daw, at hindi masyadong bumubuga ng usok. Kung iisipin, maganda nga naman ang mga ito, ngunit hindi naman kasi kaya ng mga tsuper at operator na bumili at umutang ng malaking pera para rito. Aabutin sila ng ilang taon mabayaran lamang ito nang buo. Mabigat na ngang pasanin ang pag-iisip kung saan kukunin ang pang-boundary nila sa araw-araw, dagdag pa na kailangan may maiuwi silang kita sa kanilang pamilya. Sana ngayong Disyembre, pakinggan ng mga nakaupo ang panawagan ng mga tsuper at komyuter dahil magiging dagdag pasakit ito sa masa.


Masyado na bang mabigat ang mga hiling ko, Santa? Huwag kang mag-alala, huli na ito.


Sana ngayong Disyembre, makamtan na ng Palestina ang inaasam nilang kalayaan.


Bakit nga ba ito nasama sa listahan ng kahilingan ko kung isa akong Pilipino? Iba man ang pagkakakilanlan natin, hindi naman malayo ang puso natin sa mga taong inaagrabyado, sinusubukang agawan ng tahanan, at sa mga buhay na kinitil dahil sa giyera.


Sana magliwanag ang Palestina gaya ng mga lansangan natin dala ng makukulay na Christmas lights. Sana, himig ng Kapaskuhan ang kanilang marinig, hindi ang ingay ng mga bomba, baril at bala. Sana marinig naman natin ang hiyawan ng mga Palestino dala ng labis na saya; masyadong masakit sa puso kung puro hiyaw ng paghihinagpis lang ang tanging maririnig mula sa kanila.


Sana dumating ang araw na ang mga batang Palestino ay maranasang maglaboy sa kalsada, maglaro, at tuluyang bumalik sa mga eskwelahan.


Ngayong Disyembre, nais kong hilingin ang mga bagay na alam kong ikasasaya ng puso ko—mga bagay na hindi kayang mabili ng pera. Kaya’t sa ngayon, ito lang ang tangi kong mga kahilingan, Santa—maipanalo ang laban para sa karapatan at kalayaan—ng sarili, ng masa, at ng bayan.

Comments


bottom of page