top of page

Lathalain | Republikang Mula sa Dugo, Pawis, at Luha

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Dumanak ang dugo.

Tumagaktak ang pawis.

Tumulo ang luha.



Ito na marahil ang pinaka-buod ng naging laban ng Pilipinas sa pagkamit ng kalayaan mula sa kamay ng mga Kastila; kalayaang minsang inakalang sa panaginip na lamang matatamasa.

Kasabay ng kalayaang ito, ang bawat patak ng mga dugo, pawis, at luha, na nagsilbi ring pundasyon ng unang republika ng bansa—ang unang ganap na republika sa Asya.



Taunang ipinagdiriwang ang “First Philippine Republic Day” tuwing ika-23 ng Enero sa bisa na rin ng Republic Act No. 11014. Ngunit ano nga ba ito? Bakit ito ipinagdiriwang? Anu-ano ang mga nag-udyok, pinagdaanan, kinahinatnan, kahalagahan, at sinisimbolo nito?


Sa loob ng mahigit 300 taong paghahari-harian ng mga banyaga, maraming mga laban ang sinubukang simulan ng mga Pilipino sa pagbabaka-sakaling mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa kadenang pilit isinuot ng mga mananakop. Ngunit unti-unti lamang nasilayan ang liwanag ng kalayaan ilang taon bago matapos ang ika-19 na siglo.



Taong 1898, sa gitna ng giyera sa pagitan ng mga Kastila at Amerikano, nakabalik si Emilio Aguinaldo sa Pilipinas mula sa Hong Kong kung saan siya ipinatapon. Pagdating, ipinagpatuloy niya ang paglaban sa mga Espanyol sa pamamagitan ng muling pagbuo ng isang rebolusyonaryong gobyerno, kung saan siya ay kinilalang diktador.



Noong ika-12 ng Hunyo 1898, sa balkonahe ng kaniyang tahanan sa Kawit, Cavite, idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng bansa sa kamay ng mga Espanyol. Ngunit, hindi pa rito natapos ang laban.


Pagtungtong ng ika-15 ng Setyembre, tinipon niya ang kasalukuyang kinikilalang kongreso ng Malolos upang simulan ang pagbuo ng magiging konstitusyon at ligal na basehan ng inihahandang republika. Noong ika-29 ng parehong buwan, pinagtibay ang nauna nang idineklarang kalayaan.


Ngunit, noong Disyembre 12, sa likod ng mga Pilipino, naganap ang Treaty of Paris. Ibinenta ng mga Espanyol ang bansang walang habas nilang nilapastangan sa mga Amerikano sa halagang 20 milyong dolyar. Ito ang tuluyang tumapos sa giyera sa pagitan ng dalawa.

Pagsapit ng ika-23 ng Enero 1899, opisyal nang inilunsad ang unang republika ng Pilipinas sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Noon pa lamang ay ‘tila hindi na talaga kilala ng mga Pilipino ang salitang ‘pagsuko.’


Subalit hindi rin nagtagal, humarap muli ang bansa sa isa na namang digmaan. Sa panahong ito ay laban naman sa minsan nilang kinilalang kakampi sa pagsupil sa mga Espanyol—ang mga Amerikano. Ilan sa mga nagbunsod nito ay ang naganap na Treaty of Paris, at ang pagpaslang ng ilang mga Amerikanong tanod sa apat na Pilipino sa Sta. Mesa, Maynila.


Pagsapit ng unang araw ng Abril 1901, tuluyang nagbago, at naging laman ng mga debate ang imahe ng unang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Matapos mahuli, nanumpa si Aguinaldo ng katapatan sa mga Amerikano na siya ring tuluyang tumuldok sa republikang ipinundar mula sa dugo, pawis, at luha ng mga Pilipino.


Ang pagkauhaw sa kalayaan ang siyang nagsilbing kaluluwa at laman ng unang republika ng Pilipinas; ito rin ang kumitil dito.

Ngunit, maiksi man ang naging buhay, kilalanin mang taksil o traydor ang pasimuno, mananatili pa rin ito bilang isa sa mga humugis sa kasalukuyang mayroon ang kapuluan. Ito ay isang simbolo ng naging laban para sa kasarinlan.


Ngayong ika-124 na anibersaryo ng unang republika ng bansa, balikan ang ipinamalas na lakas, tapang, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino; alalahanin ang mga pusong dumugo, mga katawang pinagpawisan, at mga matang lumuha; at ipagbunyi ang lagi nitong pinapaalala na minsan sa isang tagpo sa nakaraan, ang Pilipinas ang siyang nag-ilaw ng sarili niyang liwanag at nagwagayway ng sarili niyang watawat.


Mga Sanggunian


[1] Ante, N. B., & Edmalin, F. (2022, January 23). Pearl's Pride and Glory: First Philippine Republic Day. The LANCE. Retrieved from https://thelance.letran.edu.ph/Home/ReadMore/1555

[2] Fajardo, F. (2013, June 12). Birth of the First Philippine Republic. Philippine Inquirer. Retrieved from https://newsinfo.inquirer.net/425025/birth-of-the-first-philippine-republic

[3] Manila Bulletin (2022, January 23). Asia’s First Republic. Manila Bulletin. Retrieved from https://mb.com.ph/2022/01/23/asias-first-republic-2/

[4] National Historical Commission of the Philippines (2012, September 7). The First Philippine Republic. National Historical Commission of the Philippines. Retrieved from: https://nhcp.gov.ph/the-first-philippine-republic/

[5] Republic Act No. 11014 (2018). The First Philippine Republic Day Act. Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2018/04apr/20180405-RA-11014-RRD.pdf


Article: Charles Vincent Nagaño

Graphics: Ma. Criselda Z. Lizada

Comments


bottom of page