“Change is coming.”
Ito ang pangunahing litanya ng mga Duterte at kanilang mga taga-suporta noong 2016. Kabi-kabila ang kampanya para sa strongman ng Davao—’di umano’y siya raw ang magbabalik ng kapayapaan sa bansa.

Nagkagulo ang mga Pilipino, itinuring na parang panginoon ang mamang may “kamay na bakal.” Ito na raw ang kailangan ng bansa para sa tunay na pagbabago na matagal nang nakabinbin sa mga pangako ng mga nakalipas na administrasyon.
Matapos ang halalan, libo-libo ang nagtungo sa Grandstand upang panoorin ang anunsyo ng pagkapanalo ng strongman ng Davao. Hindi mahulugan ng karayom ang dami ng mga dumalo, at sa gabing iyon, makikita ang pawis, luha, at halo-halong sentimyento ng mga tagasuporta niya.
Paano manligaw gamit ang kamay na bakal?
Hindi naman mahirap manligaw kung ang gamit mo ay kamay na bakal.
Tiyak na kakayanin mong kalabitin ang bawat kuwerdas ng gitara, gumawa ng bouquet, at iba pang paraan upang makuha ang matamis na oo ng nililigawan. Ganoon din ang mga hakbang na ginawa ng berdugo upang makuha ang matamis na boto ng mga Pilipino.
Naging mabenta sa mga Pilipino si Duterte. Hindi lamang dahil sa pagpapakilala niya bilang strongman, kundi dahil ipinakita rin niyang siya ay isang maralita. Kumalat ang mga litrato sa internet na makikitang madalas siyang natutulog sa ilalim ng kulambo, kumakain nang naka-kamay, nakabuka ang suwelas ng sapatos, at higit sa lahat, ginagamit niya ang wikang Filipino sa bawat kampanya.
At kapag sinabi kong wikang Filipino—pati ang mga salitang balbal, dala niya.
“Putang ina, mumurahin kita dyan sa forum na iyan,” wika ni Duterte kay Barack Obama noong 2016.
Ang itinugon ng dating pangulo sa dati ring Pangulo Benigno Aquino III, “Anong walang nangyari? Gago ka.”
“Pope, putang ina ka, umuwi ka na. Wag ka nang magbisita dito,” pahayag ni Duterte kay Pope Francis nang minsang bumisita sa Pilipinas.
Higit pa sa isa o dalawang mura ang nabanggit ng dating pangulo sa haba ng kanyang panunungkulan. Isa itong epektibong paraan upang mapanatili ang koneksyon niya sa masa, dahil hindi lahat ng tao ay kayang umintindi ng wikang Ingles. Kaya't nagsasalita siya sa kaniyang sariling wika, na kung minsan ay wala na sa lugar.
Si Duterte at ang mga Puta
Hindi na rin bago sa pandinig ng mga Pilipino ang samu’t saring pambabastos ng dating Pangulo sa mga kababaihan—hindi alintana kung marinig ito ni Honeylet, ni Kitty, o ni Sara.
Hindi rin alintana sa kaniya kung ang kaniyang binabastos ay isang ina, bata, dalaga, matanda, madre, o maging ang dating bise-presidente. Ngunit ang hindi malilimutang pahayag niya sa mga kababaihan ay nang tinawag niya itong mga baliw at puta noong 2019 sa isang event ng Outstanding Women in Law Enforcement and National Security of the Philippines.
Isang araw na sana ay para sa mga kababaihan—isang pagkakataon para magdiwang at magsaya. Pero paano ka magdiriwang kung patuloy kang lumalaban para sa isang kinabukasan na walang karahasan sa mga kababaihan, habang ang mismong pangulo ng bansa ay tinatawag kang puta?
Hindi ba't magulo at nakakalito ang mga pahayag ng dating pangulo? Sabi niya, kaya niyang magmahal ng higit pa sa isang babae dahil mahal daw niya ang mga kababaihan. Pero paano nga ba niya ipinapakita ang pagmamahal na ‘yon, kung siya rin naman ang unang tumatawag sa kanila ng mga pangit na salita?
Kung ganoon, baka nga tama siya. Mahal niya ang mga babae—mahal niya pala ang mga “puta.”
Strongman? Hanggang kailan?
Kahapon, muling naging laman ng balita ang dating pangulo dahil sa kumakalat na isyu na malapit na ang araw na pinakahihintay ng mga biktima ng kaniyang Oplan Tokhang.
Noong ika-7 ng Marso, lumipad patungong Hong Kong si Duterte para dumalo sa isang support rally na isinagawa para sa kaniya, kasabay ng lumalakas na usapin ukol sa nalalapit niyang paglilitis sa ilalim ng International Criminal Court (ICC).
Long overdue. Higit pitong taon nang naghihintay ang mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng madugong drug war ni Duterte. Mga indibidwal na walang habas na pinagkaitang mangarap at mamuhay, itinuring na walang halaga dahil sa mga akusasyong gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot.
At ngayong Marso, kung kailan ipinagdiriwang ang mga kababaihan sa buong mundo, ang mga tinatawag niyang puta, ay siya ring panahon ng paghuhubad sa maskara ng dating pangulo. Pagtanggal ng ilusyon, at ang paglalahad ng tunay niyang wangis.
Hubo’t hubad, walang hiya
Tama na ang pagkukunwari, tanggalin na ang maskara, hubarin na ang dapat hubarin—nandito na ang mga “puta.”
Handa na silang maningil, handa na silang tunawin at panagutin ang kamay na bakal na nagpatigil sa libo-libong pangarap ng mga Pilipinong pinagbintangang adik.
Sa buwan ng mga kababaihan, at sa ilalim ng mga kamay ng mga “puta,” nakamit ng Pilipinas ang parsiyal na hustisya na matagal na nilang hinahanap.
Naging posible ang pagkakaaresto sa dating pangulo dahil sa katapangan at pagsusumikap ng tatlong kababaihan.
Si Judge Iulia Antoanella Motoc, presiding judge; Judge Reine Adelaide Sophie Alapini-Gansou; at Judge Maria del Socorro Flores Liera ang pumirma ng warrant of arrest laban kay Duterte dahil sa nakabinbin nitong kaso ng crimes against humanity.
Hubo’t hubad na si Duterte, pero ang hiya? Hindi mahagilap.
Isang matinding sampal sa "strongman" ng Davao, ang nagpatumba sa maraming Pilipino—hindi mabilang na koleksyon ng baril, pasismo, at ang tinaguriang kamay na bakal. Ang magiging hantungan, at babasag ng kaniyang strongman facade, ay walang iba kundi ang mga tinawag niyang mga puta.
Artikulo: Gerie Consolacion
Grapiks: Kent Bicol
Σχόλια