Naniniwala ang marami na ang unang buwan ng bagong taon ay siyang nagtatakda kung ano ang magiging lagay ng ating mga buhay para sa buong taon. Kung paano mo ito salubungin ay siyang magdidikta sa magiging takbo ng mundo na iyong kinikilusan.
Paano nga ba natin sinalubong ang bagong taon? Bago natin iwan ang Enero mula sa kalendaryo, kumusta nga ba ang takbo ng unang buwan ngayong 2023?
Biyaheng NAIA: Pambansang Paliparan sa Unang Araw ng Taon
Habang ang marami ay nagpapahinga pa mula sa pagdiriwang at pagsalubong sa bagong taon, isang malaking aberya ang naging sanhi ng ingay na mula sa mga mamamayan. Ito ang nangyaring technical glitch sa mga paliparan at eroplanong paalis at papunta sa ating bansa.
Ginulantang nito ang marami dahil sinong mag-aakala na gugunitain ng libo-libong tao ang unang araw ng taon na stranded sa mga paliparan. Humigit-kumulang na 600 na mga flights ang nakansela na nakaapekto sa mahigit 70,000 na mga pasahero.
Dahil sa dagsa ng mga pasaherong nakansela ang flight, ang mga ticketing officers sa mga paliparan ay nalula sa dami ng mga pasaherong iindahin. Daing ng maraming pasaherong stranded ay kung saan ang kanilang tutuluyan at ano ang kakainin habang wala pang flight na maari nilang masakyan.
Maraming mga OFW ang na-stranded; sila ay nag-alangan kung sila ba'y masisisante sa kani-kanilang trabaho noong unang araw ng taon. Ayon naman kay Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmelo Arcilla, ay walang natanggal sa trabaho dahil sa pagka-stranded. Maaaring hindi nga ganoon ka-ligaya ang "Maligayang Bagong Taon"?
Usapang Badyet: Presyo ng sibuyas, mas mahal pa sa karne?
Iyan ang isang bagay na gumugulo sa isipan ng mga Pilipino ngayon. Ani ng marami, isa tayong bansa na mayaman sa agrikultura, ngunit bakit tayo naghihikahos sa sibuyas?
Sa kasalukuyan, ang isang kilo ng sibuyas sa mga bilihan ay pumapalo sa ₱600 kada kilo, habang ito ay binibili sa mga magsasaka sa ₱8-₱15 kada kilo.
Marami ang nababahala rito dahil ito ay sumasalamin sa kasalukuyang estado ng ating merkado at ekonomiya. Paano na ang paboritong sisig, pork steak, at iba pa? Higit na matimbang na katanungan ay kung paano na ang buhay ng mga karaniwang magsasaka at konsyumer?
Maraming spekulasyon kung bakit nagkaganito ang sitwasyon sa presyo ng sibuyas. Isa dito ang “onion cartel” na tinuturong dahilan ni Sen. Cynthia Villar. Ani niya, may grupong gumagawa ng “artificial demands” para mamanipula ang supply at presyo ng sibuyas.
Sabi naman ng Kagawarang Pang-agrikultura ay may hinihinala silang sindikato kung saan ay pinag-sususpetyahan na nag-iimbak ng sibuyas. Magkakaroon ng imbestigasyon ang kagawaran ukol dito upang tignan kung mayroon nga bang nagmamanipula sa merkado. Sa pansamantalang panahon, luho pa rin talaga ang sibuyas.
Hulas na Hustisya: Remulla, Hustiya, at Pag-laya?
Na-absuwelto naman ang anak ni Jesus Crispin Remulla sa kasong drug possession noong ika-anim na araw ng taon. Si Juanito Jose Remulla III ay nahuli matapos nitong tumanggap ng parsela na nagkakahalaga ng 1.3 milyon ng illegal na droga.
Isa na namang malaking dagok ito sa mamamayang Pilipino sapagkat tingin ng marami ay kapalpakan na naman ito sa sistema ng hustisya sa bansa. Daing ng marami ang katagang “Kapag mayaman, umaabot sa korte. Kapag mahirap, tinotokhang.”
Kinekuwestyon din ng marami ang bilis ng proseso ng pagkawalang-sala sa anak ng kalihim ng hustisya. Espekula ng marami, imposibleng walang tulong ang pribilehiyo ng pagiging anak ng kalihim sa Department of Justice.
Miss Universe: Mga Bituin sa Palad ni Celeste?
Naunsiyami ang Pilipinas na makapasok sa semi-finals sa nasabing pageant at dahil dito, naputol ang “12-year streak” na pinanghahawakan ng bansa.
Ang pambato ng Pilipinas ay si Celeste Cortesi, isang Italian-Filipina model. Matapos hindi matawag sa semi-finals ang kandidata, may umiikot na istorya na nag-walkout daw ang mga organizer ng Miss Universe Philippines na si Shamcey Supsup at Jonas Gaffud.
May bidyo rin na umikot na umiiyak si Cortesi sa labas ng auditorium. Haka-haka ng marami ay iniwan daw ng organizers si Cortesi sa ere. Nag-sanhi ito ng usapan sa social media na ibalik sa Binibining Pilipinas franchise ang Miss Universe. Mariin naman itong itinanggi ng mga organizers.
Sa gitna ng dismaya at lungkot ng ilan, maaaring pang-hawakan ang motibasyon ni Miss Universe 2018, Catriona Gray na nagsabing: "There is always a next year".
Labing-isang Buwang Naghihintay
Kung susuriin, tila masalimuot ang salubong ng taon. Ngunit, mayroon pang labing-isang buwan para umikot ang takbo ng mga pangyayari. Maaari nating tignan ang bahagi ng taon na ito bilang isang oportunidad na pagsikapan ang mga susunod na buwan na bubuo ng ating taon. Kung pagsisikapan natin ang pagtutol sa inhustisya at mga saliwat na sistema; sa pagiging mulat sa ating tinatakbuhan na mundo; at sa paglaganap ng kamalayan—unti-unti nating makakamit ang mas mabuting kinabukasan.
Ang nagdaan ay itatak natin sa ating kaisipan para paghugutan ng lakas at para lumaban sa susunod na yugto ng taong kasalukuyan.
MGA SANGGUNIAN
[1] Abante News. (2023, January 17). Shamcey, Jonas pinagbibitiw sa Miss U PH org. Abante | Una Sa Balita. https://www.abante.com.ph/2023/01/17/shamcey-jonas-pinagbibitiw-sa-miss-u-ph-org/.
[2] Baclig, C. E. (2023, January 12). What we know so far about ‘out of control’ rise in onion prices. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1715362/what-we-know-so-far-about-out-of-control-rise-in-onion-prices.
[3] Gregorio, X. (2023, January 6). Remulla son walks free after acquittal in P1.3M drug possession case. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2023/01/06/2235728/remulla-son-acquitted-p13m-drug-possession-case.
[4] Ku, R. (2023, January 2). What a New Year’s Day! Passengers recount chaos during NAIA outage. RAPPLER. https://www.rappler.com/nation/passengers-experiences-new-year-glitch-naia-january-2023/.
[5] No OFW fired due to Jan 1 NAIA crisis, CAB tells House panel. (2023, January 18). Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2023/01/18/no-ofw-fired-due-to-jan-1-naia-crisis-cab-tells-house-panel.
[6] Shamcey Supsup reiterates no walkout occurred after Celeste Cortesi’s loss. (2023, January 21). Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2023/01/21/shamcey-supsup-reiterates-no-walkout-ocurred-after-celeste-cortesis-loss/.
[7] Torres, S. A. (2023, January 16). “Pinagsamantalahan”: Farmers forced to sell onions for P8-P15/kilo. https://news.abs-cbn.com/news/01/16/23/pinagsamantalahan-local-farmers-forced-to-sell-onions-for-p8-p15kilo.
Artikulo: Katrina Valerio
Graphics: Rhea Dianne Macasieb
댓글