top of page

Lathalain | Halo-halong Sangkap mula sa Halo-halong Lipi

Writer's picture: Laica MacuhaLaica Macuha

Buwan na naman ng Marso! Tatagaktak na naman ang pawis ng marami dahil sa init ng panahon. Sa tuwing dumarating ang buwan na ito, pati na rin ang hangin na nagmumula sa mga bentilador ay mainit. Ito rin ang buwan kung saan sa bawat kantong madaraanan ay makasusumpong ng tindahan ng haluhalo na siya nang kinalakihan ng bawat Pilipino bilang kanilang pamatid-init.




Sinasabing hindi kumpleto ang tag-init ng mga Pilipino kung walang haluhalo. Bagaman nagkakaroon ng iba-ibang timpla, ito pa rin ang pangkalahatang paboritong panghimagas ng lahat lalo na sa tuwing mainit ang panahon. Ang haluhalo ay hango sa Japanese kakigori na mayroon ring durog na yelo, ngunit mas kaunti ang sangkap kung ikukumpara sa haluhalo.




Ang mga karaniwang sangkap ng haluhalo ay saging, kamote, ube, munggo, sago, gulaman, asukal, at hindi mawawala ang gatas at ang durog na yelo. Kung minsan pa ay may sorbetes at leche flan din ito sa ibabaw. Ang mga sahog na ito ang nagbibigay kahulugan kung bakit ang haluhalo ay tinaguriang pagkaing pang-Pilipino.




Kabilang sa mga sangkap na ito ay ang saging na saba na isa sa mga paboritong prutas ng mga Pilipino. Maaari itong lutuin sa iba’t ibang paraan tulad ng turon, maruya at ang minatamis na saging na kabilang sa sangkap ng haluhalo.




Gaya ng saging, isa rin sa paboritong meryenda ng mga Pilipino ang kamote kung kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit kabilang ito sa mga karaniwang sangkap ng haluhalo. Tulad din ng saging, pinakukuluan ito at ginagawang minatamis bago ilagay sa haluhalo. Samantala, ang ube naman na hindi rin mawawala sa mga sangkap ay gawa rin sa nilagang kamote. Pinipino ito at saka muling isinasalang sa apoy at nilalagyan ng food coloring, asukal at gatas. Bukod pa rito, hindi rin mawawala ang sago at gulaman sa mga karaniwang sangkap ng panghimagas na ito.




Sa kabilang banda, may mga sangkap ding nagmula sa iba’t ibang mga bansa gaya ng munggo, leche flan at ginadgad na yelo.




Ang munggo rin ay isa sa mga sangkap ng Japanese kakigori na naging inspirasyon sa imbensyon ng haluhalo. Sinasabing isa ang kakigori sa naging paraan ng mga Hapones upang ipalaganap ang monopolyo ng munggo sa Pilipinas.




Samantala, ang ideya ng ginadgad na yelo naman ay nagmula sa mga Amerikano at ang leche flan naman ay mula sa mga Espanyol. Batid naman ng lahat na ang tatlong bansang ito ay siyang sumakop sa Pilipinas.




Gaya ng pangalan ng panghimagas na ito, haluhalo rin ang pinagmulan ng mga sangkap na siyang bumubuo rito. Bagaman iba’t iba ang pinagmulan ng mga sangkap ng haluhalo, patuloy pa rin itong kinikilala bilang pagkaing pang-Pilipino.




Marahil sinisimbolo nito ang marami sa ating kultura na buhat din sa mga bansang minsang sumakop sa atin. Sa kabila nito, haluhalo pa rin ang paboritong panghimagas ng mga Pilipino lalo na sa panahon ng tag-init.




Buwan na naman ng Marso, mainit na naman ang panahon. Paniguradong tulad ng nakasanayan, haluhalo na naman ang hanap ng karamihan.




[1] Ocampo, A. R. (2012, August 31). Japanese origins of the Philippine ‘halo-halo.’ INQUIRER.Net. https://opinion.inquirer.net/35790/japanese-origins-of-the-philippine-halo-halo.



Artikulo: Laica I. Macuha

Dibuho ni: Rick Andrei



Comments


bottom of page