top of page
Writer's pictureThe Communicator

LATHALAIN | For Sale: Pasko Para Sa Lahat

"Sa unang araw ng Pasko, binigay sa ‘kin ng nobya ko, isang basketbol na bago."


Hindi maipagkakaila na nakaaaliw at masayang sabayan ang awiting ito ng APO Hiking Society na pinamagatang "12 Days of Pinoy Krismas" na hango sa tradisyonal na awiting Pasko ng mga Ingles na pinamagatang "The Twelve Days of Christmas". Ngunit sa kabila nito, kung ating susuriing mabuti, nakakabit din sa awiting ito ang pagtataguyod ng kulturang konsumerismo higit lalo sa panahon ng kapaskuhan.



Sa panahon ngayon na kaliwa't kanan na naman ang pagdiriwang ng mga Christmas party, pagtitipon ng mga pamilya at kamag-anak, pagsulpot ng mga dambuhalang sale at nagsisigawang "buy one, take one" promos sa mga pamilihan, hindi natin maiiwasan ang paggugol ng ating mga salapi sa pagbili ng mga regalo para sa ating mga mahal sa buhay at maging para sa ating sarili, ngunit sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan bakit tila biglaan at dahasang tinutulak ang mga tao sa rurok ng kulturang konsumerismo?


At kung tunay na ang diwa ng pagbibigayan partikular na pagdating sa mga regalo ay isa lamang sa mga elementong nais iparating ng pasko, bakit tila mas nangingibabaw pa ang kaugaliang ito sa bansang may matibay na pagkiling sa Kristiyanismo?


Hindi naman maikakatwa kung ang tanging nais nating paraan ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay paglutuan ng masarap na pagkain ang ating iniirog, hindi rin naman likas sa lipunang Pilipino na magkaroon ng magagarbong pagtitipon sa tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay. Subalit, sa bansang malaki ang populasyon ng Kristiyanismo at matibay ang konserbatibong paniniwala, mahirap takasan ang panlipunang pwersa hinggil sa nakasanayang paghahanda ng masasaganang salo-salo, mararangyang regalo, at mga magagarang palamuti at pailaw sa panahon ng Kapaskuhan.


Batay sa datos ng WorldRemit na inilabas noong Nobyembre ngayong taon, 156% ng buwanang kita ng mga pamilya sa buong mundo ang inilalaan sa pagdiriwang ng Pasko. Sa Pilipinas, nasa higit kumulang $569 o ₱31,843 ang ginagastos ng kada pamilya sa pagdiriwang ng Pasko. 51% rito (₱16,397) ay inilalaan sa pagbili ng mga pagkain, 40% (₱12,759) naman dito ay napupunta para sa mga regalo at 8% (₱2,686) para sa mga dekorasyon.


Sa hiwalay na pag-aaral naman na inilabas ng kumpanyang Nielsen noong 2020, ang panahon ng Kapaskuhan noong taong 2017 hanggang 2019 ang may pinakamataas na naitalang pagkonsumo ng mga Pilipino na tinatayang nasa ₱96.7 bilyon na kita, sa pagitan ng nasabing mga taon, ang natanggap ng mga kompanyang nagbebenta ng mga produktong agarang kinokonsumo o ang industriya ng fast-moving consumer goods.


Ang labis na pagkiling na ito sa kaugaliang konsumerismo sa panahon ng Kapaskuhan ay hindi nalalayo sa pagkahumaling ng mga bata sa isang personalidad na masidhing bumabalot sa kultura ng pagbibigayan—si Santa Claus.


Nakilala natin si Santa Claus bilang isang indibidwal na may butihing loob na nagbibigay ng mga magagarang regalo sa mga mababait na bata tuwing Kapaskuhan. Kilalang kilala siya para sa kaniyang halakhak, makapal na puting bigote, pulang kasuotan, at malaking hugis ng pangangatawan. Sa kabila nito, ang bantog na tauhang ito ay may malalim na ugnayan sa kulturang konsumerismo.


Kaugnay nito, batid ng karamihan na ang kathang isip na karakter ni Santa Claus ay hango mula sa pagkatao ni San Nicholas, isang mahalagang pigura ng Kristiyanismo na kilala sa pagbibigay ng mga regalo at pagtataguyod ng kapakanan ng mga maralita. Subalit, sa modernong panahon, nag-iba na ang pagpapakahulugan at naging impluwensya nito sa kabuuan ng lipunan. Natatabunan na ang relihiyosong reperensya ni Santa Claus at mas nagsisilbi na siyang isang ganap na pangkultural at panlipunang kaalaman na masidhing nagdidikta sa ating pamumuhay lalo na tuwing sasapit ang Kapaskuhan.


Naging mas malawak pa ang impluwensya ni Santa Claus dahil sa paggamit sa kaniya ng mga advertisers upang mas mahikayat ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga produkto o serbisyo. Nagsimula ito noong 1930s, nang maisipan ng kumpanyang Cola-Cola na gamitin ang sikat na imahen ni Santa Claus upang pataasin ang kita ng kanilang mga produkto sa panahon ng taglamig. Mula noon, iba't ibang mga kumpanya na ang gumagamit ng maimpluwensyang pantasya at bighaning tinataglay ng nasabing mala-alamat na karakter.


Dahil sa kaniyang pagiging omnipresent o ang abilidad na makita at maramdaman ang kaniyang presensya sa lahat ng dako tuwing Pasko, siya ay naging isang palasak na simbolismo na nang pagdiriwang ng Pasko at naging marahas na sagisag ng hindi maiiwasang pagbibigayan at pagbili ng mga regalo—kahit sa kabila ng katotohanang wala siyang direktang kaugnayan sa kapanganakan ni Hesus.


Ang kaniyang pagiging patron ng kapitalismo ay nagbunsod din ng pagtaas ng ating materyalistikong pagpapakahulugan sa Pasko o ang ating direktang pagtumbas sa kaligayahan ng Pasko sa akto ng pagtanggap at pagbibigayan ng mga materyal na regalo. Kaya naman hindi maipagkakailang sa Pilipinas, kung saan talamak at nangingibabaw ang kapitalismo, ay lantaran din ang pagsasamantala sa kaugaliang ito. Higit ngayon na unti-unting muling nagiging maluwag ang paggalaw ng mga tao. Samakatuwid, labis na ang pagiging komersiyalisado ng Pasko sa kahit saang sulok ng lipunan.


Sa pagsasaalang-alang ng reyalidad na ito, ang nakalipas na dalawang taong pasakit ng pandemya kung saan maraming tao ang nawalan ng trabaho, nagsara ang maraming maliliit na negosyo, at nalugmok sa kahirapan ang karamihan ng pamilyang Pilipino—lahat ng ito ay naging isang malinaw na paalala na ang nakagawiang komersyalisasyon ng Pasko ay may kaakibat na puwersang sumasakal sa mga kapos-palad pagsapit ng Pasko at maging dahas na nagpapalawak sa agwat sa pagitan ng mga naghihikahos at nakakaangat sa buhay.


Sa paglilinaw, hindi naman pagtalikod sa tunay na mensahe ng Pasko ang pagbibigayan ng mga regalo o ang pagtanggap nito, ngunit huwag nating hayaan ang ating sarili na mabulag ng labis na pagbili at inklinasyon sa mga ito para matugunan lamang ang konotasyong "pagbibigayan" tuwing pasko at gayundin ang kaakibat nitong responsibilidad na binabato at sinasambulat ng mga mapagsamantalang korporasyon sa publiko. Dahil ayon nga sa awiting "Maligayang Pasko" ng Breezy Boyz & Girlz, "Wala man laman ang bulsa, ang mahalaga'y ayos ka 'pag kinamusta ng mga mahal mo kahit ang handa mo ay kapos pa."


Kaya naman, kasabay ng pagbukas ng ating pintuan para salubungin ang Pasko ay ang pagbubukas at paghasa rin ng ating kamalayan sa tunay na diwa nito.



Sanggunian

[1] Ibañez, J. P. (2020). Nielsen expects FMCG sales growth this holiday season. Hinango mula sa https://bit.ly/3VNTHR3.

[2] Parish, G. (2020). Can We Separate Christmas from Consumerism? Hinango mula sa https://www.mironline.ca/can-we-separate-christmas-from-consumerism/.

[3] World Remit Press Office. (2022). Cost of Christmas around the world in 2020. Hinango mula sa https://www.worldremit.com/en/cost-of-christmas.

[4] WorldRemit Press Office. (2022). Families around the world spend 156% of monthly income on Christmas. Hinango mula sa https://www.worldremit.com/en/news/cost-of-christmas-2022.


Artikulo ni: Noreil Jay Serrano

Grapiko: John Lester Limpin

Комментарии


bottom of page