top of page

LATHALAIN | Filipino sa gitna ng tsismis at katotohanan

Writer's picture: Lovely Camille ArrocenaLovely Camille Arrocena

Ano ang pinagkaiba ng kasaysayan sa tsismis?


Saglit lang, baka naman isa ka sa iilan na hindi pa rin alam ang usaping ito? Kung ganoon, marahil ay alam mo na ang pakiramdam na maging out of place sa isang grupo dahil hindi mo nauunawaan ang kanilang pinag-uusapan.


May mga pagkakataon ba na tumatawa na ang lahat, habang ika'y seryoso pa rin at hindi maintindihan ang dahilan ng tawanan? Tama. Kung ano ang naramdaman mo sa mga pagkakataong iyon, ganoon na ganoon ang pakiramdam ng maging banyaga sa sariling mong bansa, lalo’t higit kung hindi mo maunawaan ang sinasambit na wika.


Sa paglipas ng panahon, palaki nang palaki ang agwat ng karunungan sa pagkatuto sa ating sariling wika at parami nang parami ang mga Pilipinong nagiging mangmang dito. Kaya naman sa paglipas ng panahon ay tila isang palaisipan kung nananatili pa ba ang ating pagtangkilik sa sarili nating wika, ang Filipino.


Balik sa unang katanungan, hindi lamang sa usaping pampulitika magagamit ang paghahambing sa kasaysayan at tsismis, maaari rin itong iugnay sa usaping wika. Ngayong ipinagdiriwang nating muli ang Buwan ng Wika, mayroon ka bang alam na mga tsismis o mga haka-haka na walang patunay tungkol sa ating wika? Ano ang katotohanan sa likod ng mga ito?


Maling akala sa Wikang Filipino


Una, Tagalog daw ang pambansang wika ng mga Pilipino. Gaano kaya ito katotoo?


Ayan kasi, mahilig tayong makinig sa mga sinasabi ng iba at madalas kinaliligtaan ang magsaliksik. Alam niyo ba na ang ating pambansang wika ay Filipino, ngunit Tagalog ang pinagbatayan sa pagtakda nito? Maraming mga naging pagtatalo at pagsusuri ang ginawa bago ideklara na wikang Filipino ang ating wikang pambansa. Pormal na ipinahayag ang implementasyon ng wikang Filipino noong ika-12 ng Oktubre 1986, sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Aquino.


“Sa bansa natin ngayon, madalas nang gamitin ang wikang Ingles kumpara sa Tagalog, ngunit ang madalas kong ginagamit sa pakikipag-halubilo ay wikang Filipino. Gumagamit lang ako ng wikang Ingles kapag ang kausap ko ay nagsasalita ng Ingles. Sa pagsulat naman ay madalas nang nagagamit ang Ingles sapagkat ito ang mga pangangailan sa pag-aaral.” ayon kay John Lloyd Michael Pangan, isang mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa ilalim ng College of Engineering.


Teka, balik tayo sa tsismis na ikinakalat ng mga Marites.


Isa pa na karaniwan nating naririnig ay iisa lang daw ang Tagalog at Filipino, ngunit isa itong pagkakamali na dulot ng kalituhan; kaya hindi dapat na paniwalaan. Kapag kinakausap tayo lalo na ng mga banyaga at tinanong tayo kung ano ang lengguwahe sa Pilipinas, madalas nating sagot ay Tagalog—dala na rin ng kakulangan natin sa kaalaman sa larangan na ito ng ating kultura. Subalit, hindi natin batid na may malaking pagkakaiba ang dalawa. Ang Filipino ay ang ika ngang standardized na bersyon ng Tagalog na wika.


Ayon naman kay Angeline Gascon, isang mag-aaral mula sa University of Northern Philippines, mas ginagamit niya ang Filipino, sapagkat sa panahon ngayon mas marami pa rin ang hindi nakauunawa ng Ingles kumpara sa Filipino, dulot din ng krisis sa edukasyon. Bilang resulta, mas lumalawak umano ang pagkakaintindi ng Filipino sa paggamit nito.


Buwan ng Wika


Tuwing Agosto ating ginugunita ang taon-taong pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Isa sa mga nakagawian ng mga paaralan ang pagsasagawa ng isang programa upang itampok ang kahusayan ng mga mag-aaral sa pagsulat at pagsasalita ng wikang Filipino. Nariyan ang mga patimpalak sa pagsulat ng maikling kwento, tula, kanta, at marami pang iba.


Nariyan din ang pagpapakitang gilas sa pagsusuot ng mga naggagandahang tradisyunal na damit ng mga Pilipino katulad ng baro’t saya, filipiniana, barong at kung ano-ano pang mga palamuti sa kasuotan. Sa panahon ding ito, binubuhay ang mga sayaw at ibang kulturang Pilipino.


Nakalulungkot man isipin, sa paglipas ng panahon at mga nangyaring inobasyon, tila ba tuluyan ng natatabunan hindi lamang ang ating wika, kundi pati na rin ang malaking bahagi ng ating pagka-Pilipino. Sa ilang araw na nalalabi bago matapos ang buwan ng wika, nawa'y ipagpatuloy pa natin sa mahabang panahon ang muling pagbuhay ng wikang Filipino— sama-sama ikaw, ako, tayo.


Graphics: Haui Mizra Sacay


Comments


bottom of page