top of page

LATHALAIN | Dorm Life

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

“Pasukan na!”


Sa loob ng mahigit dalawang taon na ang tahanan ang nagsilbing ikalawang paaralan at ang laptop o cellphone ang nagsilbing silid-aralan, sa wakas ay balik-eskwela na! Dahil sa banta ng COVID-19, pansamantalang ikinahon sa apat na sulok ng screen ang mga estudyanteng pursigidong magpatuloy at makatapos.



Subalit, para sa ilan ay naging malaking hamon ang pananatili sa birtuwal na mundo sa ngalan ng pagkatuto. Kaya naman ang pagbubukas ng pinto ng bawat institusyon ay isang katuparan sa mga daing at panawagan ng bawat estudyanteng matagal nang inaasam ang pagbabalik sa paaralan.


Ngayong ganap nang idineklara ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagkakaroon ng full face-to-face classes o hybrid learning para sa ikalawang semestre ng taong panuruan 2022-2023, panibagong yugto sa buhay-estudyante ang magbubukas at siyempre, kailangang paghandaan. Bago man masabik sa mga tagpo na inaasahang mangyari sa darating na pasukan, halina’t silipin ang mga bagay na marapat nating malaman:


Looking for tenants!

Bedspace for rent.

Good for 4-5 persons.

One month advance, one month deposit.


Tiyak ay pamilyar ang mga terminong ito lalo na kung isa ka rin sa madalas tumambay sa mga dorm hunt group pages sa Facebook. Samot-saring impormasyon at larawan ang makikita na talaga namang agaw-pansin dahil sa mapanghikayat nitong mga alok.


Sino ba naman ang hindi masasabik sa unang araw ng paglipat kung ang sasalubong sa'yo ay mga tauhan at tagpuan ng kwento mo? Ngunit bago tuluyang masabik, kailangan isaalang-alang ang mga pagbabago sa ituturing na bagong tahanan at pamilya.


Likas sa atin ang pagiging masayahin, kung ang bungisngis at halakhak ay musika para sa iyo, maaaring sa roommate mo ito’y isang ingay lamang. Sa usapin naman ng gawaing bahay, kung ang linyahan mo ay “mamaya na,” p'wes, ito ay hindi tatalab kung ang kasamahan mo ay #organized. Bagama’t iisang espasyo lamang ang ginagalawan, mahalaga pa rin isipin ang do’s and don’ts bilang paggalang sa pansariling pangangailangan.


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang pagrenta ng dormitoryo ay isa sa angkop na solusyon upang makatipid sa araw-araw na pamasahe at maka-iwas sa nakapapagod na pagbiyahe. Lalo na para sa mga nanggaling sa malalayong lugar, mahalaga na magkaroon ng lugar na pansamantalang matutuluyan. Mahirap man malayo sa pamilya, subalit upang makaligtas sa paralisadong trapiko at maibsan ang pagod sa pagpasok ay kailangan ng pagtitiis at pagpapaubaya sa ginhawang nakasanayan.


Pagkain mo, diskarte mo!

Masarap kumain lalo na kung nanunuot sa dila ang masarap na luto ni nanay. Kung nakasanayan nang mayroong nakahandaang pagkain sa hapag-kainan, tiyak ay isa sa malaking pagbabago na pagdadaanan ay ang paghahanda at pagluluto ng sariling pagkain sa araw-araw. Mula sa pagbabadyet ng bilihin hanggang sa pagluluto, mahalaga na maging maalam lalo na at kasalukuyang humaharap ang bansa sa krisis pang-ekonomiya.


Bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng inflation rate sa bansa, marami ang apektado sa ginintuang halaga ng mga bilihin. Dahil sa mahal na gulay, isda, karne, at mga sangkap sa merkado, ang presyo ng mga putahe sa karinderya, na karaniwang kainan ng mga estudyante, ay nagsitaasan din.


Kung noon ay may mga pagkaing nagkakahalaga ng ₱50, ngayon ay umaabot na sa ₱70 hanggang sa ₱85 ang isang order ng rice meals. Kung susumahin, maaaring higit pa sa ₱200 ang kailangan ilaan para lamang makakain nang tatlong beses sa isang araw. Sa pagkain pa lamang ay malaking badyet na ang kailangan!


Gaano man kamahal ang pagkain ngayon, huwag natin isaalang-alang ang kalusugan para lamang mapagkasya ang pera sa isang araw. Maaaring nakatitipid sa buwanang badyet ang mga canned foods at mga pagkaing gaya ng hotsilog, tocilog, at siomai with rice sa karinderya, bukod sa linamnam na dala nito ay maaaring maging dagdag-gastos pa dahil sa peligrong hatid ng sobrang pagkonsumo ng processed food.


URGENT: Time is gold!

Palasak man ang kasabihang ito subalit hindi maikakaila na ang bawat oras, minuto, at segundo ay kasing-halaga ng ginto. Ngayon na maraming magsisimulang mamuhay mag-isa, maaaring sumagi sa isip natin na, "Sa wakas! Hawak na natin ang sariling oras at wala dapat ikabahala!"


Ngunit, hindi maiiwasang hindi mamalayan na mas mabilis ang takbo ng oras ngayong nasa kamay natin ang mga desisyon at responsibilidad na dati'y pinagtutulungan ng pamilya. Kaya naman kung nais magamit nang maayos at tama ang oras, kailangan timbangin ang bagay na dapat gawin o isantabi.


Ilan lamang ito sa senaryong tiyak susubok sa iyong abilidad na tumayo sa sariling mga paa. Kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan ang pagpasan sa mga responsibilidad hindi lamang bilang estudyante, bagkus, bilang miyembro ng tahanang binuo kasama ang kapwa-estudyante.


Bagama’t malinaw na ang pagbabalik-eskwela, hindi pa rin mababatid ang mga kaganapan sa hinaharap. Maaaring ang mga inaasahan ay taliwas sa mga mangyayari dahil sa reyalidad o kasalukuyang sitwasyon na mayroon ang bansa.


Sa paglisan man ay masisilayan ang tunay na takbo ng buhay—nakagagalit, nakakaiyak, at nakapapagod man—subalit sa paglubog ng araw, tiyak ay mayroong pahinga sa uuwiang tahanan–sa dormitoryo man o sa sariling tahanan.


“Pasukan na!“


Subalit handa ka na ba sa mga pagbabago na naghihintay sa iyo?


Artikulo: Yzabelle Liwag

Dibuho: Kayceline Alfonso


Comments


bottom of page