top of page
Writer's pictureGerie Consolacion

LATHALAIN | Ang Pasko ay Para sa Akin

“Ang pag-ibig, ‘pag siyang naghari araw-araw ay magiging Pasko lagi!”

Malamig na naman ang simoy ng hangin habang sabay-sabay na umaawit ang mga paslit. Patuloy na sumasabay sa indayog ang mga makukulay na ilaw bilang tanda ng isa sa pinaka hinihintay na selebrasyon tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre. Ngunit para kanino nga ba ang panahong ito?





Sari-saring matitingkad na palamuti ang nakasabit sa mga kabahayan ng bawat pamilyang Pilipino—iba’t-ibang putahe ang nakahain sa hapag at naghihintay na pagsaluhan ng mag-anak. May mga batang napayagang maghintay na sumapit ang alas dose upang punitin ang makukulay na balot ng mga regalo. May mga indibidwal na matagumpay na nabuo ang siyam na gabi ng Misa de Gallo. Higit sa lahat, may mga ngiti na umabot hanggang sa mga tainga ng mga karaniwang mukha ng Paskong Pinoy.


Ang minsang pagkakataon na ito ay itinuturing na mahalaga sa bawat isa kabilang ang mga estudyanteng hindi makauwi sa kanilang pamilya dala ng mabigat na gawain sa unibersidad, mga pamilyang sasalubungin ang Pasko nang walang tahanan, at bangketa ang nagsisilbing pahingahan, mga pamilyang isang beses lamang sa isang taon kung magkita, at maging ang mga alagang aso at pusa ay kasama sa mahalagang selebrasyon na ito.


Ang Pasko ay para sa lahat. Ngunit ano nga ba ang naghihintay paglipas ng nag-iisang araw na ito?


Hindi nasusukat sa dami ng handa o sa kung gaano kalaki ang Christmas Tree ng isang pamilya, at gaano kakinang ang mga parol nito dahil kung ang mga materyal na bagay lamang ang sukatan ng pagdiriwang ng Pasko, marahil karamihan sa pamilyang Pilipino ang walang Pasko.


Ang tunay na diwa ng Pasko ay makikita sa puso at sa kung paano pinipiling bigyan ng tulong, ligaya, at pag-asa ang bawat isa dahil hindi lahat ay may pribilehiyo at kakayahang maghain nang hindi mabilang na putahe, mamili ng mga mamahaling regalo, at magdiwang nang hindi iniisip ang magiging badyet para sa mga susunod na bukas.


Ngunit ang ligaya at tingkad ng kulay ng Pasko ay hindi para sa lahat.


May mga pamilyang madilim na sinalubong ang kapaskuhan dahil nawalan ng mga miyembro dala ng pandemya, aksidente, at ilang mga nasawi sa nagdaang mga sakuna at krisis. May ilan din ang nagdiriwang ng Pasko nang magkakalayo dala ng kinakailangang kumita mula sa ibang bansa upang may maipangtustos sa pamilya, marahil ang iba’y unang beses na magpapasko at ang iba nama’y huling beses na.


Ngunit ang tunay na diwa ng Pasko ay ang mga Pilipino na naghahatid ng saya, liwanag, at pag-asa sa mga indibidwal at pamilyang pinagkaitan ng pagkakataon na magsalong muli sa iisang hapag.


Sa kabila ng hirap, sakit, at pait na kinakaharap, ang mga Pilipino’y pilit na ngingiti upang tingnan ang impit na liwanag na magbabangon sa bawat isa mula sa pagkakasadlak dala ng mga problemang kinaharap mula buwan ng Enero hanggang Disyembre.


Tunay ngang kung maghahari ang pag-ibig sa bawat isa ay araw-araw ang pagdiriwang ng Pasko. Hindi man ika-25 ng Disyembre araw-araw, maaari nating ituring na selebrasyon ng pagbibigayan ang bawat araw na atin ay natatanggap. Hindi ang mga materyal na bagay ang sukatan ng paskong Pilipino, bagkus, ang panahon ng pagbibigayan mula sa mga regalo hanggang sa pagpapabaon ng pag-asa upang ipagpatuloy ang mga susunod pang bukas.


Hindi kailanman madidiktahan ng kahit anong kalendaryo kung kailan natin dapat pipiliing sumaya, magpatawad, at umibig. Ang pasko ay para sa lahat kung kaya’t simulan mo nang banggitin, “Ang Pasko ay para sa akin.” Dahil Totoy at Neneng, kayo ang magniningas ng apoy na magdadala ng liwanag para sa bawat isa.


Artikulo ni: Gerie Marie Consolacion

Grapiks: Aldreich Pascual



Comments


bottom of page