top of page
Writer's pictureKhengie Ibana Hallig

LATHALAIN | Ang Kapalaran ni Juan for Today's Video

“Hey bestie! If you see this on your ‘for you page’, this may be for you. Take what resonates, leave what doesn’t or you may take nothing at all. I did not see this on your ‘for you page’ but you never know, this may be for you.”



Linyang marinig mo pa lamang ay siguradong mapapapikit ka na habang sinasabi sa sarili ang mga katagang “Ito na naman tayo,”


Ito na naman tayo,


Tiklop ang mga palad na nag-aabang ng bagong guhit ng kapalaran. Aasa at magbabaka-sakaling tayo naman ang paboran ng kalawakan. Ang araw-araw na paggising sa umaga ay isang pagkakataong may malaking posibilidad. Malay mo, sa araw na ito, tayo naman ang panigan ng makukulay na mga baraha.


Ito na naman tayo,


Mariing nakikinig kay ‘pink-haired-tarot-bestie’ na hindi mo man sinasadya ngunit sinasadya naman ng kapalaran na mapadaan sa gitna ng nakalilibang na pag-‘scroll’ sa iyong TikTok account. Sino ba naman ang hindi mapapahinto kung ang bawat basa niya sa nakukuhang baraha ay tila ba isang palasong sumasapul at tumatagos sa buo mong pagkatao.


Akma ang lahat ng kanyang mga sinasabi sa kasalukuyan mong sitwasyon kaya naman halos magdugo na ang iyong dila sa kakakagat habang ang mga payo at gabay niya’y inililista mo na at ibinabahagi sa lahat ng parte ng iyong isipan.


Ito na naman tayo,


Minsa’y nagtataka rin ako kung bakit napakahilig nating mga Pinoy na maniwala at patuloy na magtiwala sa walang kasiguraduhan ngunit mahiwagang guhit ng kapalaran na naipakikita ng mga simbolo at mga tanda na tila ba sadyang ihinahayag na sa atin ng buwan at mga tala.


Noon pa lamang ay bakas na sa kultura ni Juan ang maging parte ng buhay ang paniniwala ng mga bagay na konektado sa Astrolohiya, isa na rito ang palasak at alam ng lahat ang Horoscope kung saan naghahayag ito ng mga senyales na may posibilidad na mangyari sa isang tao base sa kanyang kapanganakan na konektado rin sa posisyon ng buwan at mga planeta.


Sa madaling salita, kapalaran, portuna, pagkakataon, at pag-asa.


Sa pag-usbong ng mga plataporma tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, YouTube, at Tiktok na ngayo’y kinaaaliwan ng karamihan, ang dating mga horoscope readings na matatagpuan lamang madalas sa pinakamaliit na bahagi ng mga magasin at diyaryo — ngayo’y napanonood na rin maging ang proseso ng pagbalasa ng mga barahang magdidikta ng kapalaran.


Marahil tulad ko, hindi na rin kumpleto ang araw mo hangga’t hindi naririnig kay ‘pink-haired-tarot-bestie’ kung ano ba ng naghihintay sa iyo sa araw na ito.


Ito na naman tayo,


Likas kay Juan ang paniniwala sa kapalaran, na kung ano ang itinakda para sa atin ay iyon ang mangyayari. Kung ikaw ay nakatakdang maging matagumpay sa buhay, walang sinumang makapipigil sa dikta ng iyong mga palad. Sa kabila nito, mas malaki ang pinanghahawakan ng mga Pilipino pagdating sa pagkakaroon ng pag-asa.

Hangga’t mayroong tanda ang kalawakan upang magpatuloy, ang paghinto at pagsuko ay hindi kailanman magiging sagot upang wakasan ang mga kamalasang nakatanim sa mga pagkakataong ipinagkakaloob sa atin.


Pag-asa ang humihimok kay Juan upang tuluyang maniwala at isabuhay ang mga baka sakaling portuna at pagkakataon na inilalahad ng mga napiling baraha.


Sa lipunang tila nananaig na ang kapanglawan, ang mga munting tandang ipinagkakaloob ng liwanag ng mga bituin ay masarap na panghawakan, nakagagaan ng loob dahil naroon ang pag-asang marahil ang kinabukasan ay magiging maayos para sa lahat, na ang araw ay sisikat pa rin sa kabila ng karimlan.


Pag-asa ang paniniwalang hindi namamatay at kahit kailan ay mananatiling buhay para sa mga taong hindi lamang nangangarap ng mataas ngunit dinidiligan ng pag-asa ang mangarap nang malalim.


Pag-ibig ang palaging nagiging paksa at laman ng mga nakatala sa mga roleta ng kapalaran tulad ng horoscope at tarot readings. Kadalasan ay nagbibigay ito ng gabay, magandang enerhiya, at pahiwatig ng mga bagay na kailangan mong gawin.


Ngunit malawak at malalim ang pag-ibig. Hindi ito nakasentro lamang sa isang tao kung hindi maging sa iyong pamilya, mga kaibigan, at higit sa lahat ay sa iyong sarili, ang pag-ibig na nag-uugat ng pag-asa.


Anumang mukha ng baraha ang lumapat sa iyong kapalaran, ang tunay na kahulugan at interpretasyon nito ay nakasalalay pa rin sa iyong mga palad. “Take what resonates, leave what doesn’t,” ika nga. Ang mga tandang kaloob ng mga bituin ay siya lamang gabay at isang mahiwagang porma ng pag-asa.


Ito na naman tayo, aasa, hangga’t mayroong nakikitang pag-asa!


Naniniwala ka ba?


Kung naniniwala ka sa mga prediksyong ito, mas lalong kaya mo ang maniwala sa sarili mo. Wala sa pagiging Taurus, Virgo, Gemini, Sagittarius, Cancer, Capricorn, Aquarius, Libra, Aries, Scorpio, Pisces, o Leo ang pagiging mapalad. Ikaw pa rin, Juan, ang uukit ng iyong kapalaran na iyong haharapin sa pagsapit ng kinabukasan.


Graphics: Bien Ashley Alba


Comments


bottom of page