top of page

Lifestyle and Culture | Malayang Ugnayan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Likas sa ating mga tao ang kumilala, ito ay isang kinagawian na nakatutulong upang mapalawak ang kaalaman natin sa maraming aspeto ng buhay. Ngunit sa mundong mabilis lumipas ang interes at madaling mapukaw ang atensyon—paano makakahanap ng pag-ibig?

Isa sa mga makabagong inobasyon sa mundo ng teknolohiya ay ang mga pamamaraan na tumutugon sa kagustuhan ng mga tao na kumilala at makipagkapwa—swipe left, swipe right—maaari nang bumuo ng mga koneksyon sa iba’t-ibang konteksto. Ngunit, hindi para sa lahat ang ganitong kalakaran.



Ang pakikipag-ugnay sa ibang tao ay hindi maitatangging isa sa mga tinatangkilik ng karamihan sa ngayon; katulad na lamang ng kagustuhan na kumilala at kumonekta sa mga taong may parehong interes—para bang natural sa atin ang maghanap ng koneksyon na maaaring bubuo sa nararamdaman nating kulang o 'di kaya naman ay pansamantalang kasiyahan na ating sinusulit hanggang nariyan pa.


Hindi nga raw mahirap maghanap ng taong nais nating makasama ngayon. Bukod sa populasyong lumobo na sa walong bilyon, malaki rin ang impluwensya ng midya sa kung paanong paraan na tayo nakakakilala. Midya ang nagdala sa atin ng mga plataporma tulad ng Tinder, Omegle, at Grindr. Pero madali man gamitin ito, ang malaking kuwestiyon ay nasa kung paano ito tutugon sa interes na mayroon tayo.


Madalas ipabatid ng karamihan na ang mukha ng pag-ibig ay nag-iisa—eksklusibo, tahimik, at payapa. Pero maaaring sa pagbabago ng mundo at pagiging mas malaya ng bawat tao sa paraan ng ekspresyon, baka nga oras na upang maunawaan na hindi sa iisang katanggap-tanggap na wangis para sa lipunan ang mukha ng pag-ibig at interes.


Na kung ang pag-ibig sa sarili ay mas nadarama ng isang indibidwal sa mabilis at mababaw na koneksyon; Na kung ang pag-ibig ay nasa depinisyon ng magaan at maligalig para sa iba; Na kung ang katayuan ng ilan sa pag-ibig ay ang panandaliang saya na hindi nila dala kinabukasan. Baka nga ang pag-ibig ay hindi lamang dapat ikinakahon sa koneksyon, baka maaari rin itong maging saya para sa sarili.

Ang makahanap ng tunay na pag-ibig at hindi puro laro lamang, ay bihira na makita pero nasa pansariling desisyon kung sa paanong paraan natin ito gustong maranasan.



Minsan lang mabuhay at kung sa mga gabing malamig ang simoy ng hangin, piliin nating umibig sa paraang alam natin. Hangga't hindi tayo nasa gitna ng relasyon ng iba, hangga't hindi tayo sentro ng sakit na dumudurog sa ibang tao—malaya tayo na ibigin ang buhay sa paraan ng pag-ibig sa kalayaang pansarili.

Kung sa relasyong seryoso ay hindi tayo handa, walang kahit sino pa man ang may karapatan upang pilitin tayong umibig sa "conventional" na suhestiyon ng mundo kung paano.


Kung nahahanap natin ang balidasyon sa pamamagitan ng kaswal na mga ugnayan o kung hindi natin nais pang tumulay sa seryosong dako ng pag-ibig na ipinipilit sa atin—maniwala tayong hindi tayo nag-iisa.

Kung ipaparamdam man ng mundo na kasalanan ang umibig sa pamamaraan ng buhay na para bang humahakbang tayo mula dito hanggang doon, isipin na lamang na baka hindi pa handa ang mundo upang maunawaan ang ibang wangis ng buhay.


Hindi bumababa ang uri natin bilang tao, hindi kabawasan sa pagiging tao ang piliing maging kabahagi ng mga malayang ugnayan sa mundo at sa mga tao.


Sa paglipas ng bawat araw, kapag lowbatt na ang cellphone o nagsara na ang mga dinadayong clubs, nawa'y sa gitna ng pakikipaglaro sa mundo, manatili pa rin ang pag-ibig at respeto sa sarili. Hindi nakahawla sa iisang agos ng buhay ang kahulugan ng pagmamahal at pagpapahalaga.



Hindi biro makipagsabayan at pasukin ang mundo ng pag-ibig; minsa'y walang kasiguraduhan, walang malinaw na ugnayan. May pag-ibig na malaya at nagpapatuloy, sa dahilan at pagnanais ng dalawang taong manatili o sa desisyon ng isang indibidwal na subukin lahat ng anggulo ng buhay.


Swipe left, swipe right—sa kabila ng tanong ng pagiging seryoso at paglalaro—handa ka bang pasukin ang pag-ibig na ganap na malaya?


Article: Zeny Marie P. Cerantes and Sharona Nicole Semilla

Graphics: Yuko Shimomura

Comments


bottom of page