top of page

Kulelat dahil pondo'y salat

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Uugong ang kapangambahan sa kinabukasan ng Pilipinas kung ang kabataan ay patuloy na lulugmok sa mababang kalidad ng edukasyon. Sa nagdaang Programme for International Student Assessment (PISA) 2022 na inilunsad ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) para sa mga 15 taong gulang na mag-aaral, 77th sa 81 na bansa sa buong mundo ang Pilipinas.


Hindi na bago ang paibabang tugatog na ito dahil taong 2018 nang magsimula ang kasaysayan ng bansa bilang isa sa mga may pinakamababang marka sa nasabing pagtataya. Kabilang sa assessment na ito ang matematika, pagbabasa, at siyensiya. Tumaas naman ng ilang puntos kumpara noong 2018 ang bawat asignaturang nabanggit. Gayunpaman, hindi pa rin ito sapat dahil mahigit isang daan ang layo nito sa average score na naitaya sa buong mundo. 


Ang reading comprehension ay nagtala ng 340 na puntos noong 2018 na tumaas naman ng pitong (7) bahagdan sa 2022 assessment. Kahit pa nadagdagan ito, wala pa sa kalingkingan ng global average score na 476. Kahit sa siyensiya na isa sa mga major subject simula elementarya, ang puntos ng bansa ay 356 lang, pangatlo sa pinakamababa at siyang mababa pa rin sa average score na 485. Gayundin sa matematika, isang katakot-takot na asignatura mula sa pagkakakilanlan nito, katakot-takot din ang score na 356, dalawang puntos ang itinaas mula noong 2018.


Nararapat lamang na mabahala ang lahat, lalo na ang gobyerno dahil malaki ang magiging negatibong epekto nito sa bansa. Kung patuloy na mananaig ang kakulangan sa mga mahahalagang pundasyon ng edukasyon, dagdag problema ito sa kinabukasan ng ekonomiya ng bansa.


“The weaknesses in our basic education system will eventually translate into the weakness of our workforce, affecting the productivity and key source of our economic growth,” babala ng Philippine Business for Education sa resulta ng PISA 2022.


Sa pag-ugat ng suliraning ito mula sa mababang antas, ang epekto nito ay patuloy na mamamayagpag sa edukasyong sekondarya at hanggang kolehiyo. Mas mababa rin ang tiyansa o posibilidad na makakuha ng magandang trabaho ang mga may kaunting kaalaman sa “fundamental” subjects dahil ito rin ang sukatan ng employment sa ating bansa. Hindi tumatanggap ang mga kumpanya kung hindi sapat ang kakayahan alinman sa karunungan sa numero, siyensiya, pagbasa at pag-unawa dahil nangangailangan ng sapat na kakayahan at karanasan upang masabing may kredibilidad ang isang empleyado upang matamo ang isang posisyon.


Sa batayang inilabas ng OECD, ang 20 puntos na kakulangan mula sa average score ay katumbas ng isang (1) taong “lag” learning ng isang 15 year old student. Kung susumahin, higit sa 120 puntos ang hindi nakamit ng Pilipinas para maabot ang karaniwang resulta ng pagsusulit. Ito'y kapahayagan na abot sa lima hanggang anim na taon ang bagal ng kaunlaran ng karunungan sa Pilipinas ayon kay Alexander Sucalit, officer-in-charge ng DepEd’s Bureau of Education Assessment-Education Research Division. 


Huwag na sana itong ipagsawalang-bahala pa ng Department of Education (DepEd). Kahit idahilan pa ang kalbaryong idinulot ng pandemya, malinaw pa rin ang kapabayaan sa pagpapatakbo sa ahensya na dapat ay nakasentro sa edukasyong para sa lahat. Bunga ito ng siklo nang mga walang konkretong plano at puro panakip butas na mga resolusyon.


Nitong Setyembre lamang nang ipakilala ang MATATAG Curriculum sa pangunguna ni Bise Presidente at kalihim ng DepEd Sara Duterte, na layong gawing limana lamang ang mga  asignatura upang mas mabigyan ng pokus ang mga mahahalagang aralin. Hindi ito solusyon kung nais talagang puksain ang paghihirap na nararanasan sa pag-aaral at pagtuturo. 


Ang dapat na gawing aksiyon ay isang repormang magaan para sa kalagayan ng mga estudyante at kaguruan. Kaya naman nararapat ikonsulta sa isang stakeholder ng edukasyon ang totoong kalagayan sa kagawarang ito para sa pagpapatupad ng may katuturan at tumutugon na curriculum na siyang suhestiyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).


Dapat din punan ang mga pangangailangan kasama ang sapat at walang bawas na pondo sa bawat paaralan bilang pagsuporta sa mga aktibidad na tutugon sa pokus ng dagdag karunungan. Sa report na inilatag ng DepEd, 2.9 billion pesos lamang ang pondo na mayroon para sa susunod na taon, malayo sa 10 billion pesos na iminungkahi ng kampo ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian na kakailanganin upang matugunan ang mga problema sa sektor ng edukasyon. Aniya, magkakaroon ng pag-unlad kung malalatagan ito ng sapat na pondo, lalo na’t malaking tulong ito para sa Kinder hanggang Grade 10.


Ang resulta sa PISA 2022 ay kapabayaan ng gobyerno sa hindi sapat na pagtugon sa patuloy na lumulugmok na kalidad ng edukasyon. Kung ang paglaan ng pera at oras ay para sa nangangailangan at hindi sa mga walang katuturan na bagay, progresibo nating makakamit ang nais na kaunlaran ng edukasyon sa bansa. Kung inilaan lamang sana ang confidential funds ng DepEd sa mga programang tunay na magpapaunlad sa sektor ng edukasyon, putol na sana ang patuloy na paglagapak ng kabataan sa usaping karunungan.


Nawa'y magising na ang natutulog na konsensya ng pamahalaan. Walang magagawa ang puro pagbabago at eksperimento sa sektor ng edukasyon kung hindi rin naman angkop ang kurikulum para sa lahat. Hindi makakamtan ang tunay na pag-unlad sa sektor ng edukasyon kung hindi angkop ang mga estratehiya at kurikulum para sa lahat. Dapat ang pera ng masa ay itinataya sa kinabukasan ng mga mag-aaral, hindi sa inkompetensiya ng pamahalaan. 


Huwag nang ipagkait ang kaalaman at karunungan sa mga pag-asa ng bayan!


Artikulo: Anne Dela Merced

Dibuho ni: Timothy Andrei Milambiling

Comments


bottom of page