top of page

Kinakalawang na Boto sa Halalan, Repleksyon ng Gipit na Pamantasan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Katatapos lang ng mainit-init na halalan sa Sintang Paaralan, at ganap na ring ipinroklama ang mga bagong lider-estudyante sa pamantasan, subalit paano nga ba natin masasabi na ang mga naihalal ay tunay na kumakatawan sa mga mag-aaral kung ito ay binubuo ng iilan lamang?


(Dibuho ni Jamie Rose Recto/The Communicator)

Agosto pa lamang ay naghahanda na ang mga nagnanais maupo sa sentral at mga lokal na konseho ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) Sta. Mesa para sa taong panuruan 2024-2025. Ngunit kapansin-pansing kung gaano kaingay ang mga naglipanang isyu ukol sa mga kandidato ngayong eleksyon ay siyang katahimikan naman ng Iskolar ng Bayan sa paglahok sa Student Council Elections (SCE) 2024. 


Ayon sa datos na inilabas ng PUP Commision on Elections (COMELEC), 123 lider-estudyante lamang ang nagsumite ng kanilang kandidatura ngayong taon—malayo at malaking pagbaba mula sa mga nakalipas na taon kung saan 200 na estudyante ang nagpakita ng interes tumakbo noong 2021, 129 noong 2022 at 170 para sa taong 2023. 


Ang pagtakbo sa konseho ay isang malaking hakbang na mayroong mabigat na tungkulin, at ang kaunting bilang ng mga kandidato ngayong taon ay sumasalamin sa mas malalim na problema ng mga Iskolar ng Bayan, lalo pa at nananatili sa neoliberal na sistemang pang-edukasyon ang pamantasan. 


Ang neoliberal na sistemang nagtatago sa likod ng mga polisiya tulad ng budget cuts, banta ng komersyalisasyon, at ang laganap na paniningil sa mga pasilidad ng paaralan ay ang patuloy na gumigipit sa bawat mag-aaral na humakbang palabas sa apat na sulok ng silid-aralan. 


Higit pa rito ay lubos na nakababahala ang napakababang bilang ng mga botanteng nakilahok sa SCE 2024. Base sa datos ng PUP COMELEC, mula sa 48,919 rehistradong botante sa loob ng komunidad ng PUP, 12,190 lamang ang mga nakiisa sa halalan. Hindi man lang umabot sa kalahati ng populasyon ng pamantasan. 


Malaking posibilidad na nakaapekto sa pagbaba ng bilang ng botante ang kawalan ng maayos na pagpipilian, sapagkat nag-iisa lamang ang partidong tumakbo sa mga konseho bukod sa iilang indibidwal na lumahok bilang kandidatong independent.  


Ang daan-daang abstain votes din na natanggap ng ilan sa mga kandidato, partikular sa Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) at lokal na konseho ng College of Communication (COC), ay maaaring bunga ng hindi sapat na kaalaman ng mga estudyante sa kahalagahan ng pagboto at kakulangan ng impormasyon ukol sa mga tumatakbo. 


Ang kakulangan sa kandidato ang maaaring nag-udyok sa mga mag-aaral na hindi makilahok sa halalan dahil sa kawalan ng iba pang partisipante na iboboto. Kung tutuusin, ano nga ba ang bigat ng iyong boto kung mananalo rin naman ang kandidatong walang oposisyon?  Higit pa rito ang kakulangan sa mga impormasyon tungkol sa mga tumatakbo na naging malaking balakid upang bumoto lalo pa at hindi naging sapat ang mga araw ng kampanya gayung panay-panay ang suspensyon ng klase at kasalukuyang modalidad ng klase. 


Ang kawalan ng interes ng mga Iskolar ng Bayan sa usaping pampulitika ay maaaring magbunga ng paghalal sa mga lider-estudyante na bagamat kwalipikado, ay hindi pa gaanong handa at kabihasa upang tunay na irepresenta ang kalagayan ng mga mag-aaral. Sa gayon, mahalagang maunawaan ng bawat mag-aaral ang kahalagahan ng paglahok at pagboto sa halalan dahil ito ang magiging susi sa mas maayos na sistema sa loob ng paaralan. 


Bawat kinakalawang na boto sa halalang pampaaralan ay maaaring maging ugat ng isang malaking krisis-panlipunan, sapagkat sinasalamin ng kasalukuyang resulta ng eleksyon ang bansang bumuboto lamang ayon sa pagkakakilanlan at hindi sa karanasan at kahusayan.


Ang naging resulta ng halalan ay repleksyon lamang ng mas malawak na eleksyon para sa susunod na taon. Kung magpapatuloy ang mababang bilang ng partisipasyon sa politikal na usapin, patuloy lang din na maghahalal ang lipunan ng mga trapong opisyal na magsisilbi para lamang sa kanilang pansariling interes at gagamitin ang posisyon sa loob ng pamahalaan upang mas ilugmok sa kahirapan ang taumbayan. 


Bagama’t hindi maipagkakaila ang hindi matatawarang pakikiisa ng mga Iskolar ng Bayan sa mga isyung panlipunan, ang mababang partisipasyon sa halalan ay hamon sa libo-libong mga mag-aaral na makilahok at maging kaisa ng mga kabataang progresibo na magseserbisyo at hindi hahayaang mangalawang ang bawat pangako sa kinang ng pag-asa ng bayan—para sa pamantasan at sa lipunan. 


Artikulo: Roselle Ochobillo 

Dibuho: Jamie Rose Recto

Comments


bottom of page