top of page

Sari-saring mukha ng Sigwang nagluwal sa Kasaray Duma

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 1 hour ago
  • 3 min read

Parating na ang sigwa.


Dikit ang mga palad, tuhod ay nakalubog sa lupa—nananalangin si Pakawakaw—parating na ang sigwa. 


Bagyo. 


Sigalot. 


Paglaban. 


Paano nga ba naging supling ng sigwa ang mga Kasaray Duma?


Sa direksyon nina Paul Jake Paule at Kuina Suruiz, binigyang-buhay ng PUP Sining-Lahi Repertory ang akdang “Kasaray Duma: Mga Supling ng Sigwa,” ni Palanca Award-winning writer Eljay Castro Deldoc sa Tanghalang PUP, nitong Marso 31.

Graphic by Kent Bicol | Photo by Paul Bryan Bio
Graphic by Kent Bicol | Photo by Paul Bryan Bio

Bahagi ito ng kanilang ika-44 na anibersaryo at 43rd Theater Season, Puyra Buyag, na nakatuon sa pagtuldok sa siklo ng pang-aabuso at dibisyong nananalaytay sa lipunan. Kumuha sila ng inspirasyon sa mga danas ng mga Indigenous Groups  na ginigipit hanggang sa kasalukuyang panahon sa bansa: mula sa pangkat ng mga Iraya Mangyan ng Mindoro, mga Lumad ng Mindanao, at maging ang mga Bugsuk ng Palawan. 


Para kay Paule, isang napapanahong interpretasyon ng akda ang kanilang dula.


“Bagaman puno ng pagdanak ng dugo ang kasaysayan sa hangaring makamit ang katarungan, laging may paraan upang ipaglaban ang ating mga karapatan ng hindi kailangan dumanak ang dugo. Ang pagkakaisa, sama-samang pagkilos at lakas ng bayan ang tunay na may kakayahang magdulot ng pangmatagalang pagbabago,” saad niya. 


Nagsimula ang dula sa madilim na entablado, pabugso-bugsong kulog, at panaka-nakang kislap ng liwanag. Dito, makikita ang bidang si Jopet, isang student-researcher, nagbabasa ng mga papeles, habang sa kabilang dako ay mawawaksi si Pakawakaw, ang kinalimutang amurikat (babaylan) na tila may natatanaw mula sa kalangitan…


Dala ng sigwa ang kaligtasan ng mga Kasaray Duma.


Mukha ng Sigalot


Bago pa man dumating ang masalimuot na bagyo, rumaragasa na ang sigwa sa buhay ng mga Kasaray Duma nang dumating ang makapangyarihang si Mayor Dolor upang gawing sanitary landfill ang Sapang Kawayan. 


Ang sigalot ay hindi lamang bumabalot sa pagpapalayas sa mga Kasaray Duma, ngunit sa pagkakawatak-watak ng tribong nahati sa pagitan ng tradisyon at modernisasyon. Kinuha ni Mayor Dolor ang pabor ng tribo, kapalit ng kanilang paglisan sa lupa—na siyang mahigpit na tinututulan ni Pinak, isa sa mga nakatatanda sa lugar. 


Subalit para sa pinuno nilang si Labang Biwas, ang sibilisadong mundo sa labas ng Sapang Kawayan ay mahalaga para sa kanilang tribo, dahilan ng kanilang sigalot. Umabot pa sa puntong pati ang dalagang anak mismo ni Pinak, si Diliwariw, ay nakipagtalo sa kanyang ama dahil sa katigasan nitong manatili sa lupain.


Dumating si Jopet, na kasalukuyang inaaral ang kultura ng mga Kasaray Duma—at inaasam na ipreserba ang lupain mula sa kamay ni Mayor Dolor. 


Mukha ng Bagyo


Tumataas ang tensyon sa pagitan ng tribo at ng grupo ni Mayor Dolor. Samantala, natatanaw na ni Pakawakaw ang nangingitim na langit—senyales ng papalapit na propesiya. Kung tunay nga bang ang unos ang magdadala ng kaligtasan sa mga Kasaray Duma, ang sagot ay nananatiling nakatago sa likod ng mga ulap.


Nang dumating ang sigwa, pinalikas ang tribo ng Kasaray Duma ngunit alam nila ang totoo—maaaring wala na silang balikan pagkaraan ng unos. Pamilyar na ang lahat sa larong ito: ang mga kalamidad ay nagiging dahilan upang paalisin ang mga nakatira at hindi na muling makabalik sa kanilang mga lupain.


Mukha ng Rebolusyon


Sa dinami-rami ng mga mukhang bitbit ng sigwa, pinakamahalagang maintindihan ang hiwaga ng lenggwaheng Filipino sa akdang ito: hindi lamang bagyo, hindi lamang sigalot, kung ‘di ay isang pagtindig. 


Sa harap-harapang pagpapalayas ni Mayor Dolor sa mga Kasaray Duma, ipinakita ng mga supling ng sigwa kung bakit nga ba nananalaytay sa kanilang dugo ang bagyo—at tama si Pakawakaw—tanging ang masalimuot na sigwa lamang ang magdadala ng kaligtasan sa tribo.


Sa dulang haba ng polyrepertory, napatunayan na ang pinakamakapangyarihang porma ng sining ay ang pakikibaka—-sa panahon ng panunupil, ng panggigipit, at pagpapalayas sa mga tribong namumuhay nang tahimik sa kanilang mga lupain. 


Tunay sa kasalukuyang tema ng kanilang teatro na Puyra Buyag, ang akda ay isang paglilinis; pagpapalayas sa masasamang espiritu kung iyong direktang isasalin mula sa Cebuano. Lumang tugtugin na ang mga kwentong panggigipit sa mga  Katutubong Pilipino); ang kuwento ng mga Kasaray Duma ay nangyayari sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. 


Sa paglabas sa kadiliman ng Tanghalang PUP, baon ng mga tagapanood ang sigwa sa mga lansangan at itaas ang karapatan, pag-ingayin ang mga panawagan ng mga tribong patuloy na ginigimbal ng panggigipit ng mga kawangis ni Mayor Dolor sa kasalukuyang panahon.



Artikulo: Marc Nathaniel Servo


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page