top of page

Kasal(i) ba ang mga “Salot sa Lipunan”?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Salot sa lipunan.


Iyan ang karaniwang tingin ng maraming Pilipino sa mga kabilang sa ikatlong kasarian o mas kilala sa katawagang LGBTQIA+, pinaikling lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, at asexual. Ilan sa mga danas ng mga miyembro nito ay ang hindi makataong pangungutya, diskriminasyon, at hindi pagkilala sa kanilang mga karapatang pantao—tulad na lamang ng pagpapakasal.

Noong ika-18 ng Disyembre 2023, nagulantang ang buong mundo sa balita mula sa Vatican City. Ayon sa ulat ng CNN, pormal nang binibigyang permiso ni Pope Francis ang mga pari na magbigay basbas sa mga magkasintahang homosekswal na nais magpakasal.


The new declaration opens the door to non-liturgical blessings for same-sex couples, something that had been previously off limits for all bishops, priests, and deacons,” saad ng Santo Papa. 


Mismong ang namumuno na sa simbahang Katoliko ang nagbigay basbas sa pagpapakasal ng mga magkasintahang pareho ang kasarian. Kaya naman hindi maiiwasang kwestyunin kung bakit hindi pa rin ito legal sa ibang mga bansa kabilang na ang Pilipinas. 


Ayon sa Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, ang kasal ay sakramento na siya namang nararapat upang maipakita ang lubos na pananampalataya sa Diyos. Iba-iba ang kahulugan ng salitang sakramento. Para sa kanila, “ito ay sagisag ng isang gawain o seremonya ng relihiyon, na pinagtitibay ng isang taong may wastong karapatan. Ito ay pangako, o sagradong tipan, isang espirituwal na tanda o bigkis sa pagitan ng dalawang taong ikinasal at sa pagitan nila at ng Diyos.” 


Nag-uugat sa paniniwalang babae at lalaki lamang ang mga kasariang nilikha ng Diyos; ang orihinal na konsepto ng kasal ay sa pagitan lamang ng babae at lalaki. Walang karapatang ikasal ang magkaparehong kasarian o “same-sex marriage” kung tawagin. 


Gayunpaman, ang nakasanayan at paniniwala ay nagbabago. 


Sa paglipas ng panahon, maraming bansa na ang naglegalisa sa same-sex marriage. Sa kasalukuyan, legal na ito sa 35 mga bansa. Kabilang dito ang pinakamatagal na kolonisador ng Pilipinas na siyang nag-iwan ng malaking marka sa kultura, tradisyon, wika, at paniniwala ng mga Pilipino—ang Espanya. 


Nang sakupin nila ang Pilipinas, isa sa mga pangunahing layunin nila ay ang palaganapin ang Kristiyanismo dito, at tagumpay nila itong naisagawa. Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalaking relihiyon sa bansa. Kung kaya’t isang malaking kabalintunaan na ang kolonisador na nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas ay naisalegal na ang same-sex marriage, samantalang ang bansang sinakop ay hindi pa rin kinikilala ang karapatang ito. 


Bukod pa sa usapin ng relihiyon, isa rin ang hindi pagtanggap at pagkilala sa mga kabilang sa ikatlong kasarian sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mailap pa rin ang pagkamit sa nasabing karapatan sa bansa. 


Ayon sa pinakahuling sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong 2018, 61% ng mga Pilipino ay hindi sang-ayon na gawing legal ang same-sex civil unions. Malinaw na ipinakikita nito ang hindi pagtanggap at pagkilala sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community at ang hindi patas na pagtamasa ng karapatang pantao ng ilang Pilipino. 


Sa usapin naman ng politika at ng mga may kapangyarihan, matatandaan na noong Enero 2020, ibinasura ng Korte Suprema ang “motion for reconsideration” sa petisyon na aprubahan ang same-sex marriage sa bansa. Paninindigan ng korte, labag ito sa Konstitusyon sapagkat ayon sa Philippine Family Code, ang kasal ay ang pagbubuklod ng lalaki at babae lamang. 


Noon ding Agosto 2022, inihain ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang Senate Bill No. 449 na nagbibigay pagkilala sa karapatan ng mga same-sex couple upang magkaroon ng same-sex unions. Ngunit hanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa senado ang panukalang ito. 


Tila napakahirap sa mga Pilipino na tanggapin at kilalanin ang mga miyembro ng ikatlong kasarian at ang kanilang mga karapatan. Ang kanilang pagtingin at pag-iisip ang humahadlang sa pagtamasa ng karapatan ng mga itinuturing na “salot sa lipunan.” 


Ang kasarian ng isang tao ay hindi nagdudulot ng salot o delubyo sa kahit na kanino sa lipunan. Ang pagpapakasal ng dalawang lalaki o dalawang babae ay walang negatibong epekto sa buhay ng kung sinuman. Kung kaya’t hindi dapat ito nagiging isyu, sapagkat ito ay karapatan na dapat ay likas na tinatamasa. 


Ang tunay na salot sa lipunan ay ang hindi makataong pagtingin sa kapwa tao. 


Artikulo: Rolan B. Muyot

Grapiks: Rhea Dianne Macasieb

Comments


bottom of page