top of page
Writer's pictureShaeka Madel Pardines

Kampana ng Simbahan ay Nanggigising Na

Ang bawat kalembang ng kampana ay may dalang mensahe at paalala. Ngunit sa pagkakataong ito, ang pagkalembang ay hindi na lamang isang hudyat na magsisimula na ang misa.



“Pasko na naman!” Iyan ang mga salitang maririnig hindi sa mismong ika-25 araw ng huling buwan ng taon, kundi sa unang araw pa lamang ng Setyembre. May iba’t ibang matinding damdamin na nabubuo sa tuwing nababanggit ang mga salitang ito, ngunit ang namumutawi ay ang tatlo—pananabik, pag-asa, at ligaya.


Kasabay ng kaliwa’t kanang pamilyar na mga salita ay ang muling pagiging pamilyar ng kalembang ng kampana mula sa pinakamalapit na simbahan. Kinagisnan nang kilalanin ang bawat tunog nito bilang tanda ng paparating na simbang gabi, paparating na espesyal na pagdiriwang, at ang pagdating ng marahil ay pinakamasayang araw ng taon.


Hindi maitatanggi na isa ang Pasko sa pinakahihintay na araw ng mga Pilipino. Ito ay dahil na rin sa kakaibang paraan ng pagdiriwang nila rito: kaliwa’t kanang selebrasyon, magagarbong mga damit, naglalakihang mga regalo, at nagsasarapang mga pagkain.


Ngunit magiging singsaya pa rin kaya ang Pasko kung pipiliin ng ibang ipagpaliban ang pagdalo sa mga pagtitipon dahil walang maiaambag? Mararanasan pa rin ba ang pagsusuot ng magagarang mga damit kung ang ipambibili rito ay pantawid gutom na lamang? Makakatanggap pa rin ba ng regalo kahit ngiti lamang ang maibibigay na kapalit? At makakatikim pa kaya ng nagsasarapang mga putahe kung mailap na ngang makaharap ang isang simpleng hapunan?


Magiging kasing kulay at kasing liwanag pa rin nga ba ng paligid ang pasko kung hindi lahat ay may kakayahang ipagdiwang ito? 


Kasabay ng pagpasok ng unang Ber na buwan ay naitala rin ang pinakamataas na bilang ng mga Pilipinong lubhang nakakaranas ng kagutuman. Ang Metro Manila, ang itinuturing na sentro ng kabuhayan, ang siyang may pinakanakakaalarmang bilang ng humihilab na sikmura sa bansa. Mula sa 15.7% noong Hunyo, tumaas ito sa 17.3%. Sinundan naman ito ng 10.3% mula sa 11.3% sa Luzon; 6.7% mula sa 9.3% sa Visayas; at 6.7% mula sa 6.3% sa Mindanao. Ano ang espesyal at kakaiba sa araw ng Pasko kung pareho lamang na kumakalam ang sikmura ng mga nagdiriwang nito? 


Kung sa normal na araw ay nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin, paano pa kaya sa pagpatak ng mga buwan kung saan kasing kulay ng bituin sa tuktok ng christmas tree ang mga paninda sa pamilihan dahil sa gintong presyo? Idagdag pa ang pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo ng ekonomiya ng bansa na pumalo sa 6.1%.


Magiging kasing kinang pa kaya ng mga dekorasyon ang Pasko kung butas na ang bulsa, hindi pa man noche buena?


Sa nakakatindig-balahibong pagtaas ng bilihin, ay siya namang nakakakunot-noo na baba ng sahod. Para sa isang Pilipinong minimum lang ang kinikita, isang malaking tanong kung saan aabot ang halagang PHP 610, at tunay na himala ring maituturing kung ito man ay may aabutin. Sa taas ng presyo ng mga bilihin, kailangan magdoble-kayod. Ngunit sa araw ng Pasko, praktikal pa rin ba ang maghanda kung ang walong oras na pagtatrabaho ay hindi pa sapat pambili ng keso de bola at hamon?


Sa ilan, ang Pasko ay purong kaligayahan at isang araw ng magarbong pagdiriwang; pero para sa iba, ito ay katulad lang din ng isang ordinaryong araw ng paghihirap, pangungulila, at pagkagutom. Isang ordinaryong araw kung saan kailangang kumayod nang kumayod para sa kakarampot na kita. 


Tulad ng iba pang mga araw sa kalendaryo, ang Pasko ay isang ordinaryong araw lang ng kapaguran; isang ordinaryong araw na binalutan ng kumukutikutitap na pula, dilaw, at berdeng palamuti.


Sa pagkakataong ito, tumutunog ang kampana upang magbigay hudyat na hindi tanging pananabik, pag-asa, at ligaya ang hatid ng nalalapit na araw ng Pasko. Ito ay tumutunog upang ipahiwatig na para sa karamihan, walang pagdiriwang na aabangan, walang magagarbong damit na maaasam, walang naglalakihang regalong bubuksan, at walang piging na pagsasaluhan.


Ang bawat kalembang ay isang panawagan na gumising at magbigay-pansin sa kabilang bahagi kung saan walang makulay na palamuti at walang pagsasaluhan na noche buena; kung saan ang bawat isa’y may bulsa, ngunit walang tumutunog na barya. Ang kalembang ay nag-iingay upang ipaalala na ang Pasko para sa ilan ay iba sa Paskong nararanasan ng karamihan.


Ang bawat kalembang ng kampana ay may dalang mensahe at paalala. Ngunit sa pagkakataong ito, ang bawat tunog ay hindi na lamang isang hudyat na magsisimula na ang misa.


Sa muling pagkalembang ng kampana, sana ay mulat ka na.



Artikulo: Shaeka Madel A. Pardines

Grapiks: Ramier Vincent Pediangco

Comments


bottom of page