Tuwing ikasiyam ng Abril, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa araw ng pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga Hapones. Sa pagpatak ng ika-82 anibersaryo nito, para kanino na nga ba ang paggunita sa araw na ito?
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, magkasama at magkatuwang na dinepensahan ng hukbo ng mga mandirigmang Pilipino at Amerikano ang Corregidor, Bataan. Layon nitong pigilan ang mga Hapones—na nagnanais sakupin ang Pilipinas—na makapasok sa Kamaynilaan.
Dahil sa kakulangan sa puwersa at bilang ng mga sundalo, marami sa mga nakipaglaban noon ay mga manggagawa, estudyante, at may kani-kanilang mga propesyon. Nagsakripisyo sila upang magkaroon ng sapat na hukbo sa pakikipaglaban sa dayuhang mananakop.
Ngunit pagsapit ng ikasiyam ng Abril 1942, tuluyang bumagsak ang Bataan sa kamay ng Hapon—kasabay ang pagsuko ni Major General Edward King Jr. ng Estados Unidos sa mahigit kumulang 70,000 sundalong Pilipino at Amerikano.
Kabilang ang mga may sakit at mga sundalong sugatan, malupit na pinagmartsa ng mga mananakop ang mga bihag sa initan mula Mariveles, Bataan hanggang San Fernando, Pampanga—mahigit 100 kilometrong layo. Ito ay kinilala sa tawag na “Death March,” ang nagdulot ng pagkasawi ng mahigit kumulang 20,000 katao dahil sa pangmamaltrato ng mga dayuhan.
Ito ang dahilan sa pagtatalaga sa Abril 9 bilang Araw ng Kagitingan.
Ang araw na ito ay hindi para ipagdiwang ang mga nagbuwis ng kanilang mga buhay, kundi upang alalahanin ang masaklap nilang naging kapalaran sa paghahangad na ipagtanggol ang bansa. Ang araw na ito ay ang pagpapahalaga at pagbibigay-pugay sa diwa ng kabayanihan at pagmamalasakit sa bayan.
Bagaman nabigo sa pakikipaglaban, hindi naman matatawaran ang kanilang mga sakripisyo. At sa paggunita sa kanilang mga pinakitang katapangan, kagitingan, at katapatan sa Corregidor, Bataan, binibigyang-pansin ang kanilang malaking kontribusyon at sakripisyo para sa kalayaan ng bansa mula sa malupit at mapagsamantalang mga mananakop.
Dagdag pa, ang paggunita rito ay isang mahalagang bahagi ng pagkilala sa mga aral ng kasaysayan. Bukod sa pagkilala sa mga bayani ng nakaraan, isa rin itong pagtanggap at pagpapahalaga sa kanilang mga iniwan.
Ang mga aral na ito ay maaaring maging susi upang hindi maulit muli ang trahedyang dinanas ng mga nagbuwis ng kanilang buhay. Sa pag-aaral at pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo, nagiging mas matatag at handa tayong harapin ang mga hamon at pagsubok ng kasalukuyan at hinaharap.
Gaya ng mga sundalong lumaban sa kabila ng kakulangan sa kasanayan at bilang, ang mga manggagawang Pilipino ay patuloy pa rin humaharap sa hamon ng buhay bitbit ng inhustisyang akala ng marami ay magwawakas kasabay ng digmaan.
Kung kaya’t sa paglipas ng mahabang panahon, paraan pa rin ng pagpapakita ng kagitingan ang patuloy na pakikibaka para sa kalayaan, hustisya, at pagkakapantay-pantay sa karapatan sa kabila ng kani-kanilang mga propesyon at sariling mga pagsubok na kinakaharap.
Sa paggunita sa Araw ng Kagitingan, hindi na lamang ito pag-alala sa mga sundalong nasawi mula sa pangyayaring naganap 82 taon na ang nakalipas, kundi paggunita na rin sa iba’t ibang klase pa ng kagitingan na ipinapamalas hanggang sa kasalukuyan.
Dahil ang Araw ng Kagitingan ay para sa mga taas-kamaong lumalaban para sa kalayaan mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan.
Artikulo: Laica Macuha
Grapiks: Aldreich Pascual
Comments