top of page

Init ng Tsokolate: Ang tamang paghahalo at tagapaghugas ng tasa

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 minutes ago
  • 3 min read

Ngayong buwan ng kapaskuhan, isa sa mga hinahanap-hanap ng mga labi ay ang lasa ng mainit at matamis na tsokolate sa isang malaking tasa. Sinasangga nito ang malamig na simoy ng hangin at nagsisilbing malaking yakap na tila ba selebrasyon sa pagtatapos muli ng isang buong taon. Bahagi na rin ng tradisyon na ito ang pag-inom ng nasabing inumin tuwing gabi. Marahil ay sa gabi tunay na nararamdaman ang pagpasok ng iba’t ibang agam-agam kasabay pa ng malamig na hangin, kailangan ang mainit na haplos ng tsokolate sa sistema para mahimasmasan.


ree

Kung ibabatay sa metapora, nagsisimula ang pagtitimpla muli ng isang malaking tasa ng mainit na tsokolate sa pagsisimula ng taon. Hatid nito ang mga nagbabagang balita na hanggang Disyembre ay hindi pa rin nalulutas. Binubulag tayo ng usok at pinapaiyak ng singaw—ngunit hindi pa rin ito sapat upang makalimot. Nagtitira ng maliliit na bakas sa tasa ang tsokolate; sa bawat inom ay gumuguhit ang init sa lalamunan, dahilan kung bakit mahirap itong lunukin.


Sa paglipas ng mga buwan, lumalamig ang tsokolate sa tasa at dumarami ang naiiwang tira sa gilid-gilid nito. Katulad ng mga problema sa bansa, isinasantabi na lamang sa pag-aakala na malilimutan ito ng mga Pilipino. Ngunit kabaligtaran nito ang nangyayari, tila mga tsokolate sa isang puting tasa ang mga ito dahil kahit malamig—makikita pa ring hindi ito malinis. Sa bawat hagod ng mainit na tsokolate, hindi maiiwasang mapansin ang mga naiwang bakas nito. Nasa umiinom kung sasairin ba ito, ngunit mas madalas ay ipauubaya na lamang sa tagahugas ang paglilinis sa mga ito.


Paano at sino ba dapat ang maglinis ng tira-tira?


Sila–silang may kasalanan kung bakit ito lumamig at napabayaan. Sila na nagsantabi ng mamahaling tsokolate at hindi naghalo nang mabuti sa mainit na inumin ng masa. Bilang taga-inom ng mainit na tsokolate, ang tanging problema dapat natin ay ang init at sarap ng ating iniinom. Hindi maiiwasang may matira sa tasa ngunit hindi dapat marami. Sa huling paglunok ng mga natitira, guguhit kaya sa lalamunan ang mga mumong natira?


Palaging kulang ang isa kaya matatagpuan natin ang ating sarili na muling dumudungaw sa tasa upang tingnan kung may tira pa. Doon makikita ang mga mumo ng tsokolateng hindi nahalo nang maigi at matigas pa sa ilalim. Tila ba mga naiwan sa laylayan at hindi kasali sa sarap at tamis na nalasahan ng ating mga dila. Mga mumo ang naiwan sa ilalim at hindi na nakasabay sa ikot ng kutsara sa lipunang ating ginagalawan. Hindi nahalo sa iba at marahil ay may tamis, pero kailanman ay hindi matatamasa.


Ang gobyerno na patuloy pa rin sa paghuhugas-kamay ang magsisilbi nating tagahugas ng mga tasa. Sapagkat hawak nila ang kakayahan na tanggapin ang tira-tira sa ilalim at hugasan ito nang maigi para sa susunod na gagamit. Dahil diyan naman magaling ang mga tagapag-hugas, magsawalang bahala ng dumi at umaktong malinis na muli ang hinugasan dahil sa simpleng pagbabanlaw.


Kaabay ng kanilang pagsasabon sa katotohanan ang hiling ng mga Pilipinong maisama na sana ang lahat sa halo ng masarap na tsokolate. Matikman ang tunay na tamis at maramdaman ang yakap ng init sa loob ng isang disenteng matitirhan na tahanan. Nawa ay sa pagbabanlaw ng tasa, matamasa na natin ang hustisya sa lahat ng mga kagahamanan na natamasa ng bayan buong taon. Bilang tagahugas ng mga susunod na gagamitin ng henerasyong Pilipino, nasa kamay ninyo ang kinabukasan na magmumulat sa mga kabataan.


Sa susunod na pagtitimpla, sana ubod na ito ng tamis.


Bilang hiling ngayong pasko, hustisya ang una sa listahan ng mga hiling at susunod ang pagpapanagot sa mga tunay na may sala. Sana ay mawala na ang tira-tira sa ilalim at mahalo na ang lahat nang mabuti. Sana ay makasama na ang lahat sa bawat higop at makaramdam na ng init at yakap mula sa matamis na inumin. Sa susunod na pagtatapos ng taon, sana’y kasama na ang lahat at maramdaman na ang tunay na esensya ng pasko sa bawat tahanang Pilipino



Artikulo: Jolyn Audrey Madrilejos

Grapiks: Ericka Castillo

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page