top of page

IN-DEPTH | Ang patong-patong na kaltas sa edukasyon at iba pang batayang serbisyo sa 2025 national budget

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Bagamat edukasyon ang nangunguna sa mga ahensyang nakatanggap ng malaking alokasyon sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM), taliwas naman ito sa mga kaltas sa pondo ng Commission on Higher Education (CHED), state universities and colleges (SUCs), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at ilang programa ng Department of Education (DepEd) sa 2025 General Appropriations Act of 2025.


Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P6.326 trilyon na 2025 national budget noong Disyembre 30 ng nakaraang taon, sampung araw matapos ipagpaliban ito para sa “mas masusing pagsusuri.” 


Sampung ahensya na may pinakamataas na alokasyon sa 2025 budget ayon sa Department of Budget and Management (DBM) (Larawan mula kay Pia Gutierrez/ABS-CBN News)
Sampung ahensya na may pinakamataas na alokasyon sa 2025 budget ayon sa Department of Budget and Management (DBM) (Larawan mula kay Pia Gutierrez/ABS-CBN News)

Naging kontrobersyal ang GAA 2025 dahil sa malawakang tapyas-budget sa mga ahensiyang tumutugon sa primaryang pangangailangan ng mga mamamayan partikular ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at Department of Agriculture (DA), bukod pa sa edukasyon.




‘Underinvested’ na edukasyon


Naging matunog ang P10 bilyon na kaltas sa DepEd Computerization Program (DCP) na nabawasan pa ng limang bilyong piso sa ilalim ng unprogrammed appropriations dahil sa direct veto ng pangulo. Sumatotal, pagkakasiyahin ng ahensya ang laang P2.4 bilyon sa DCP upang tugunan ang krisis pang-edukasyon at napag-iiwanang teknolohiya sa mga paaralan.


Ayon kay Marvin Dela Cruz, DepEd Technology Infrastructure Division Chief, P3.9 bilyon ang kinakailangan ng ahensya upang pondohan ang mga “software and cloud subscription for all teachers and learners, capacity-building, [and] operation and personal expenses.”


Sa katunayan, P12 bilyong pondo ang ipinirisinta ng DepEd sa House basic education panel upang mabili ang mga sumusunod na kagamitang pangteknolohiya para sa digitization nito:


  • laptops and smart televisions (P7 bilyon)

  • satellite-based internet devices (P1.5 bilyon)

  • software subscriptions (P2.4 bilyon)

  • capacity-building purposes (P1.5 bilyon)


Samantala, nabawasan ng pondo ang CHED, partikular ang Tertiary Education Subsidy ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) sa ilalim nito na may laang P21 bilyon, mas mababa mula sa P23 bilyon nito noong GAA 2024.



Hindi rin ligtas sa kaltas ang TESDA na may P20 bilyong pondo ngayong taon, mababa nang isang bilyong piso kumpara sa pondo nito noong 2024.


Higit na apektado ng P6 bilyong budget cut, P122 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa 112 SUCs sa buong bansa. Dahil dito, nagtamo ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng P8 bilyong kakulangan kung saan pagkakasiyahin nito ang P3 bilyong laang pondo upang tugunan ang pangangailangan ng higit 80,000 Iskolar ng Bayan systemwide ngayong 2025.


Kinakaharap din ng University of the Philippines (UP) System ang pinakamalaking budget cut nito sa loob ng 20 taon na nagkakahalagang P2.08 bilyon matapos bawasan ang pondo para sa mga construction project ng pamantasan. 


“Mahalaga na ma-realize ng Marcos administration na dapat 6% ng GDP (GAA) ang inilalaan para sa budget sa edukasyon. Pero ito pa rin ay naglalaro from 3.5% to 4%, so kapos pa rin ang budget sa edukasyon,” ani ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa isang panayam noong Disyembre 30.


Kaugnay nito ang inilabas na ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) noong Enero 27 kung saan lumalabas na “underinvested” ang edukasyon sa Pilipinas. 


Kapos pa rin ang 3.2% bahagi ng GDP (gross domestic product) na inilalaan ng bansa sa edukasyon, kumpara sa recommended education spending benchmark na 4% hanggang 6% na itinakda ng UNESCO 2030 Incheon Declaration.


Napuna rin ng EDCOM 2 na may tinatayang P27.2 bilyong unobligated funds ang DepEd, o mga pondong hindi nagagamit, kada taon. Matutustusan sana nito ang mga pangangailangang tutugon lalo na sa mga krisis sa edukasyon tulad ng kakulangan ng 165,443 silid-aralan sa bansa, pagkaantala ng mga modules, at iba pang kasangkapan sa paaralan.


Higit 30 taon na ang nakaraan nang unang mapuna ng EDCOM 1 ang underinvestment ng edukasyon, ngunit nananatili pa rin itong krisis ng kasalukuyan.


4Ps ligwak, AKAP pasok


Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga mahihirap sa bansa, patuloy naman ang pagbawas sa badyet ng ahensyang may tungkuling i-angat ang kabuhayan ng bawat mamamayang Pilipino. Mahigit 12 porsyento ang ibinawas sa DSWD na mula sa P247 bilyong pondo noong 2024 ay bumaba sa P217 bilyon para sa taong ito. 


Kung susumahin, lubhang malaki ang kaltas sa badyet ng kagawaran sapagkat dito nanggagaling ang pondong ginagamit sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na makaaapekto sa mahigit 4.4 milyong benepisyaryo.


Ngayong taon, mayroon lamang mahigit P64 bilyong pondo ang 4Ps na mababa kumpara sa P114 bilyong pangangailangan nito upang matugunan ang responsibilidad nito sa mamamayan. Ang kakulangang ito ay nangangahulugang may 40% ng miyembro ng 4Ps ang mawawalan ng tulong mula sa pamahalaan. 


Ipinagpatuloy naman ng administrasyong Marcos Jr. ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), proyekto ni House Speaker Martin Romualdez,  na may laang mahigit P26 bilyon sa 2025 GAA. Layunin nitong mabigyan ng one-time cash aid na nagkakahalagang P5000 ang mga manggagawang kumikita ng mababang sahod at apektado ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.


Ngunit inulan ng batikos ang nasabing programa, alinsunod sa malawakang kaltas sa 4Ps, kung saan inihahalintulad ang AKAP sa pork barrel na nagbigay-daan sa malawakang korapsyon. Sa pamamagitan ng pork barrel, mayroong impluwensiya ang mga pulitiko sa pamimili ng mga benepisyaryo ng isang programa.


Sa isang Senate hearing na pinamunuan ni Sen. Imee Marcos noong Pebrero 3, nadiskubreng walang malinaw na listahan ng mga benepisyaryo ang AKAP, ayon sa ilang opisyales ng DSWD at Department of Labor and Employment (DOLE).


Kalabisan sa kinukulang na sistemang pangkalusugan


Ikalima ang DOH sa may mataas na alokasyon ng budget para sa taong ito na mayroong P267.8 bilyong pondo. Ngunit burado dito ang subsidiya para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). 


Kinaltas ang P74 bilyong pambansang subsidiya ng gobyerno sa PhilHealth dahil, ayon kay Pangulong Marcos Jr., mayroong P600 bilyong reserbang pondo ang ahensya.


“The reason why we do not want to subsidize is because the subsidy, uupo lang sa bank account ng PhilHealth. Hindi magagamit… That’s the simple explanation. They have sufficient funds to carry on,” ani Marcos Jr. 


Pagkatapos ng huling budget hearing ng bicameral conference committee,  idiniin rin ni Senate finance committee chairperson Grace Poe na kinakailangan munang gamitin ng ahensya ang kanilang reserve funds. 


“The transfer of PhilHealth funds revived the issue of Universal Health Care. For years, PhilHealth funds languished in the bank, far from and unused by ordinary Filipinos,” saad ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.


Bagamat walang nakuhang subsidiya mula sa pamahalaan, sinigurado naman ng PhilHealth na itutuloy pa rin nito ang serbisyo gayundin ang planong pagpapalawak ng benepisyo sa taong ito para sa kanilang mga miyembro.


Dagdag ni Herbosa, 63 porsiyento lamang ang utilization rate ng pondo ng PhilHealth noong 2024. Ibig sabihin nito, mayroon itong P150 bilyong sobrang pondo sa nasabing taon, mas malaki kumpara sa P74 bilyong subsidiyang hinihingi ng ahensya.


Simula Enero 1, ginagamit ng PhilHealth ang P284 bilyong Corporate Operating Budget nito. Kasalukuyan ring tinataasan ng ahensya ang case rate para sa mga benefit packages tulad ng pneumonia, hypertension, at iba pa.


Bansang agrikultural, biggest importer ng bigas


Tumaas ng 11.4% ang badyet ng Department of Agriculture (DA) sa taong ito. Mula sa P111.6 bilyong pondo noong 2024, mayroon na itong P124.4 bilyon. Bagamat may bahagyang pagtaas ng pondo, marami pa ring idinadaing ang agrikultural na sektor sa bansa. 


Isang krisis pang-agrikultural ang African Swine Fever (ASF) na nagdulot ng pagbaba ng produksyon at pagtaas ng presyo ng baboy sa merkado. Bilang tugon, inilunsad ng DA ang Loan Program for Hog Raisers affected by the African Swine Fever na popondohan sa ilalim ng Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program sa halagang mahigit P2 bilyon. 


Tumaas rin ang pondo para sa Agriculture and Fisheries Modernization Program na may P126 bilyon mula sa P114 bilyon noong 2024, ngunit may ilang mahahalagang programa pa rin ang natapyasan ng subsidiya tulad ng:


  • National Program of the Department of Agriculture (2024: P114 bilyon; 2025: P36 bilyon)

  • Agricultural Machineries, Equipment and Facilities (2024: P8.6 bilyon ; 2025: P5.8 bilyon)

  • Fuel Assistance to Farmers (2024: P510 milyon; 2025: P75 milyon)


Umiiral pa rin ang Rice Tariffication Law (RTL) sa bansa kung kaya ang Pilipinas ang pinakamalaking rice importer sa buong mundo. Sa ulat ng Foreign Agricultural Service ng US Department of Agriculture, tinatayang aabot sa 4.9 milyong metric tons ang maiaangkat ng bansa sa taong 2025 kung patuloy na iiral ang polisiya, kahit na sagana sa malawak na lupaing taniman ang Pilipinas. 


Inamyendahan ni Marcos Jr. ang RTL noong Disyembre 2024 kung saan mas niluwagan ang mga import restrictions at tinaasan ang alokasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nakatakdang mapaso matapos ang anim na taon.


Mayroong kapangyarihan ang pangulo na payagan ang importasyon sa mababang taripa sa tuwing may shortage ng bigas. Maaari ring suspendihin ang importasyon ng bigas sa sandaling mayroong sobrang suplay ng imported at lokal na bigas na nagdudulot ng labis na pagbaba ng presyo nito.


Sa ilalim ng RTL, naglalaan ang gobyerno ng P10 bilyon para sa RCEF mula sa mga nakolekta nitong taripa sa mga inangkat na bigas para sa modernisasyon ng industriya. Sinusuportahan ng pondong ito ang procurement ng mga makinarya, mga binhi at pataba sa lupa, at mga ayuda sa mga magsasaka.


Matatandaang noong Hulyo 2024, inirekomenda ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang anim na taong extension at karagdagang pondo sa programa. Dahil sa pagamyenda ng RTL, magpapatuloy na ang RCEF hanggang 2031 at itataas sa P30 bilyon ang pondo nito.


Subalit, maraming grupo ang nagpapanawagan sa pagbabasura ng RTL. Sa pagdami ng imported na bigas sa merkado, bumabagsak ang farm gate price ng bigas ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, na ikinalulugi ng mga magsasaka.


Ang farm gate price ay ang halagang natatanggap ng mga magsasaka sa kanilang mga ani. Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa halagang P22.26 kada kilo lamang ipinagbibili mula sa mga magsasaka ang palay noong Disyembre 2024 hanggang sa mga unang buwan ng 2025.


Mariing inalmahan ng mga multisektoral na organisasyon ang 2025 budget dahil sa sandamakmak na kaltas sa mga ahensyang tumutugon sa mga batayang serbisyo ng mamamayan.


“Simple lang po ang sinasabi sa atin, itaas natin ang sahod ng mga manggagawa, bigyan po natin ng lupa ang ating mga magsasaka, bigyan natin ng sapat na suporta para magkaroon po ng industriyalisasyon, repormang agraryo na kailangan na kailangan ng ating mga mamamayan na kayang kaya ipondo ng 2025 National Budget,” diin ni GABRIELA Rep. Arlene Brosas.


“Napakaeskandaloso” kung ilarawan ni Brosas ang naturang badyet dahil malaking bahagi nito ang inilaan sa pagpopondo ng militar at mga imprastruktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 


Tinuturing rin ni Brosas bilang “tokenism” ang pagpapalipat-lipat ng alokasyon sa pondo para sa ganansya ng iilan at kinokondena ang potensyal na pork barrel na maaaring magmula sa komposisyon ng pondong ito.



Artikulo: Mary Rose Maligmat & Tim Lozano

Grapiks: Katherine Cielo

Commentaires


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page