top of page

Ikamamatay ko ba ang magmahal nang buo?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa paggapang papalapit ng unang dalawang araw ng Nobyembre, hindi maiiwasan ang pagbisita ng bigat ng pighati. Habang inaalala hindi lang ang mga taong minsan nating nakatabi, nakasama o nahawakan—pinagluluksaan din natin ang lahat ng bahagi ng ating pagkatao na yumao dulot ng mga pagkatalo.



Sa mundong ito, nabubuhay tayo para magmahal, umibig, o suminta; isinilang tayong handa sa mga karanasan ng pagmamahal. Maraming bagay, konkreto at di-konkreto, ang pinaglalaanan natin ng damdaming ito. Ngunit sa masalimuot na mundong ating nilulugaran, hindi maiiwasan ang mga pagkatalo—kung kaya’t ang pagluluksa ay nagsisilbing pantubos para sa isang dalisay na pagmamahal. Sa ganitong reyalidad, mistulang sumpa ang mabuhay.


Magnanakaw ang pagdadalamhati—sa pagdating nito na hindi inaasahan, palagi tayong binabawasan. Samantala nang minsan tayong magmahal, buo ang ating ibinigay. Marahil, habang nakahiga sa higaan at nakatingala sa blangkong kisame, tayo ay napapatanong: “Bakit nakamamatay ang magmahal nang buo?”


Sa sayaw ng buhay, marami sa atin ang nangangapa pa sa bawat indak na kailangang gawin. Minsan nasa tiyempo, ngunit madalas ay wala. Sa bawat pagpapagal, naiipon ang takot na pumalpak at magkamali. Nakakahingal at nakakapagod, ngunit sa proseso, unti-unti nating nakakabisado ang bawat galaw, at patuloy tayong umiindak para sa mga bagay na ibig nating makamit.


Subalit marami rin sa atin ang biktima ng sirkumstansya, isinakripisyo ang mga minimithi kapalit ng praktikalidad. Tila saksak sa puso ang bumitaw sa mga bagay na nais nating abutin. Bagamat hindi natin ito kasalanan at wala tayong ibang pagpipilian, tinanggap natin na kailanman ay hindi naging patas ang mundong ito. Sa mundong makatarungan, ang bawat tao ay may kayang tuparin ang mga bagay na itinanim sa pinakailalim ng kanilang puso.


Samantala, hindi rin natin namamalayan na gaya ng mga kandilang itinitirik tuwing Todos Los Santos, unti-unting umiiksi ang ating panahon. Habang inuubos ng apoy ng sistema ang ating oras sa pagpapatuloy ng sayaw ng buhay, kasabay ring numinipis ang sariling kumpiyansa sa kapasidad nating hulihin ang mailap na pinapangarap. Anumang isip na kumakalaban sa sarili nitong tagapagtaglay ay walang iba kundi mapaglaro.


Masaklap ang proseso ng pagtanggap sa mga bagay na minamahal, o minsang minahal, na hindi natin nakamit. Gaya ng pagmamahal, ang pagluluksa ay isang damdamin na sumusungaw sa pintuan ng ating puso—bagamat wala tayong karapatang itakwil ang pagdating nito. Sa pagdadalamhati, mahalagang yakapin ito nang buo gaya ng pagmamahal na atin ding ipinamigay nang buong puso.


Higit sa lahat, kung pagdadalamhati ang kabayaran sa pagmamahal, walang hinihinging kapalit ang pagmamalasakit sa sarili. Makagagaan kung iiwasan nating ibuntong ang lahat ng sisi sa ating sarili, sapagkat wala tayong kakayahang galawin ang mga piyesa sa mundong ito. Samakatuwid, ang mga mahal natin na kumalas sa ating gapos nang walang paalam ay wala sa ating kontrol—at hindi rin makatutulong na lumingon pa sa daan ng panghihinayang at manatili sa distrito ng lumbay dahil wala tayong kapangyarihang baguhin ang kurso ng nakaraan.


Isa ring magandang aral ng pagluluksa, gaano man kahapdi, ay magsisilbi itong tatak ng debosyon na umagos mula sa atin patungo sa ibang tao, sa materyal na bagay, o sa ating mga pangarap. Mapait ang pighati ngunit alaala ito ng mga matamis na butil ng ating pagsinta. Masarap ang magmahal—gaano man kabagsik ang mundong ating tinatayuan. Kung kaya’t sa kabilang panig, mistulang biyaya rin ang mabuhay.


Artikulo: Jennel Christopher Mariano

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page