top of page

Iba’t-Ibang Mukha ng Pag-Ibig

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • May 11
  • 8 min read

Ikalawang Linggo ng Mayo. Isang araw para sa mga taong madalas ay nakakalimutang alalahanin, pero kailanma’y hindi nakakalimot magmahal.



Siya ang laging gising kahit pagod. Ang kumakain ng tira, para lang masigurong busog ang mag-anak. Ang babaeng tila palaging galit, pero sa totoo’y takot lang—takot na may mangyaring masama, takot na mawalan, takot na mapagod ka sa mundo. 


Mula pagkabata, kinatatakutan mo siya sa tuwing nagsesermon—mula sa aksidenteng makabasag ng plato, mawala ang paborito niyang tupperware, at maging sa nalimutan mong payong sa sinakyan mong jeep. 


Sa likod nito nakakubli ang emosyong hindi mabigkas ng bibig. 


Nag-aalalang baka mabasag mo ang plato, pero mas basag ang puso niya sa bawat pagsuway ng mga anak.Na baka mawala ang paborito niyang tupperware, pero matagal na siyang nawawala sa sarili sa kaiisip kung sapat ba siyang ina.Na baka malimutan mo ang payong, pero mas takot siyang malimutan mo siya, sa mga panahong hindi mo na siya kailangan.


Maraming katawagan — Nanay, Inay, Mama, Mommy, Inang, Mami, Momshie, Impo, at kahit Mama Globe at Mama Smart pa yan. 


Ngayong Araw ng mga Ina, sana maalala mo na ang pagmamahal ng isang ina ay hindi lang dalisay—ito’y madalas na masakit, tahimik, at hindi napapansin. Pero ito rin ang uri ng pagmamahal na hindi kailanman napuputol, kahit pa sa pagitan ng galit, pagod, at katahimikan.


Sana, huwag lang sa isang araw mo silang maalala.


Ang Supernanay ng Pamilya: Grand na, Great pa!


Simula bata hanggang pagtanda, saksi na si lola kung paano ako nakikipag-away noong bata, nakita niya rin kung paano ako naging kikay sa aking pagdadalaga, kahit na hanggang ngayon na mulat na ako sa reyalidad ng buhay, nandiyan si lola na gumagabay sa akin kapag nag-aaway ang mga magulang, kapag may mga bagay akong gustong sukuan, at kapag nararamdaman kong ang gulo-gulo ng lahat. 


At ang tanging hiling ko lang, sana ay masuklian ko nang higit pa ang mga ginawa sa akin ni lola. Kapag kaya ko na—kapag ako naman ang nasa tugatong ng tagumpay. Sana, sa pagdating ng panahong iyon, may sapat na lakas pa rin si lola na matamasa ang sarap ng buhay na kaya kong ibigay. 


Mula sa kaniyang mga anak, sa kaniyang grandchildren, at hanggang sa kaniyang great grandchildren, para bang hindi tumatanda si lola sa lahat ng lakas na mayroon siya. Mas nahahanap niya ang saya at pahinga sa paraang mapapagod siya—ang pagsilbihan ang mga mahal niya sa buhay. 


Anak kong may Apat na Paa


Sa edad na 22, 23, o 25, nararanasan na ng mga kabataan ngayon maging lola, oo, lola. Hindi ina, lola agad. Nakakagulat ba? Hindi naman.


Para sa mga indibidwal na hindi pa handa mag-alaga at bumuo ng sariling pamilya dala ng kahirapan ng buhay, may iilan na mas pinipiling mag-alaga na lamang ng mga “baby na may apat na paa”, aso man o pusa, mas nabibigyang halaga ng henerasyon ngayon ang ating mga alagang hayop. 


Isa na rito si Kristine Robin, nagsimula siya sa pag-aalaga ng dalawang aso, at sa edad na 22 ay isa na siyang ganap na grandma furmom


“Isa yung babies ko sa mga malalaking rason bakit ako nagpapatuloy. They made me feel better in so so many ways. Words can’t explain kung gaano ako ka-thankful to have them. They saved me more than I saved them, they made me feel loved more than I made them feel loved,” ani ni Robin. 


Totoo nga, wala sa itsura ng iyong inaalagaan ang pagiging ina. Hindi mo kailangang magbuntis para madama ang sakit, pagod, at ang wagas na pagmamahal. Ang mga alaga mong may apat na paa, may matalim na mga mata at malikot na buntot, sila ang gumagabay sa mga gabing malamig at mag-isa. At sa bawat pag-uwi mo sa tahanan, kahit na pagod ka, ang kanilang masayang pagsalubong—ito na marahil ang nagbibigay lakas, ang nagpapawi ng lahat ng hinagpis sa buong araw na pagta-trabaho.


Kahit hindi mo na marinig ang tawag na "Nanay" mula sa mga anak, hindi mo na kailangan ng salita. Sa simpleng galak nila, natutunan mong magbigay at magsakripisyo ng hindi hinihingi ng kapalit. Minsan, sila na ang gumagawa ng mga bagay na akala mo’y wala nang halaga, ngunit sila ang nagiging dahilan para magpatuloy ka, para magpatawad, para magmahal nang buo.


Anak kong kasing-edad ko lang


Sa bawat barkada, hindi pwedeng mawala ang iba't ibang karakter na nagbibigay kulay sa samahan. Laging may “joker of the group”—ang buhay ng inuman, ang dahilan ng hagikgikan, at ang laging nauubusan ng hininga sa katatawa. Hindi rin mawawala ang “broken one”—palaging may dalang kwento ng pag-ibig na hindi natuloy, kasama ang isang bote ng alak at background music na Kitchie Nadal o Up Dharma Down.


Pero higit sa lahat, hindi kailanman mawawala ang “mom of the group.”


Sila ang tiga-paalala, tiga-plano ng reunion, tiga-salo ng drama, at madalas din ang tiga-punas ng luha sa gitna ng inuman. Sila ang nag-aalaga kapag may nalasing, ang nagbibigay ng unsolicited yet spot-on advice sa love life, career, o kahit sa away niyo sa bahay. Tahimik man minsan, pero kapag kailangan sila, alam mong sila ang unang darating—dala ang yakap, pagkain, at kung minsan, sermon.


Para kay Camille Angela Zarate, naranasan niya ring maging ina ng grupo dahil sa mga pagkakataong lumalabas ang likas niyang pagiging tagapag-alaga.


“May pagka-nagger kasi ako sometimes. May times na gusto ko organized lagi and all. In that sense siguro ako somehow ‘mother’ of the group. I just realized na ganon ko pala pahalagahan ang friends. Ganon pala ako magmahal bilang kaibigan. And I hope it stays that way,” pahayag ni Camille.


Sa totoo lang, hindi mo kailangang maging nanay para magpakita ng inaasahang pagmamahal. Minsan, sapat na yung paalala mong “kumain ka na?” o yung bigla mong pag-alala at pag-chat na “okay ka lang ba?” tuwing alas-tres ng madaling araw.


First-time mom


Walang manual ang pagiging nanay. Walang tutorial, walang internship, at kahit gaano karaming libro o teorya—wala ni isa ang sapat para ihanda ka. Ang pagiging ina ay hindi sinasabi ng utak, kung hindi madalas ay idinidikta ng puso. Walang kasiguruhan sa bawat hakbang, pero sa bawat paghinga ng batang isinilang, natututo ka ring huminga muli—bilang bagong ikaw.


Para kay Aubrey Abugon, 23, isang first-time mom, hindi naging madali ang biglaang pagpasok sa mundo ng pagiging magulang. Ngunit kung may gabay man siyang tinitingala, iyon ay ang ina niyang naging unang bayani ng buhay niya.


“Actually, my mom is my inspiration. She was a single mother, a small woman who managed to give me a comfortable life. I don’t want to deprive my child of that either.”


Sa mga mata ni Aubrey, ang pagiging ina ay isang unti-unting pagbabago—isang dahan-dahang paglimot sa dating bersyon ng sarili upang pagbigyang mabuo ang bagong anyo ng saril.


“Motherhood changed me. Every decision I make now isn’t just for myself. There’s something new to learn every day. In the midst of losing myself, I’m also discovering a version of me I never knew existed.”


Ngunit sa pagitan ng pasasalamat at pagmamahal, nariyan pa rin ang katahimikan ng mga tanong—ang mga hindi sinasabi, ang panaka-nakang what ifs at what could have been. 


“Sometimes I feel happy… but there are moments I miss my old self. I wonder what could have been — where I could be in my career if I hadn’t become a mom at 23.”


Sa tuwing bumabalik ang mga “what ifs,” kasunod agad ang guilt. Paano mo pa iisipin ang sarili mo, kung tuwing tinitingnan mo ang iyong anak, alam mong sapat na iyon para manatili?


Pero kahit sa gitna ng pagkalito, pagod, at hindi mapangalanang lungkot, may isang bagay na malinaw para kay Aubrey: hindi siya susuko. 


To the Mom Watching from Heaven


Wala nang mas sasakit pa kaysa sa pagkawala ng mga bisig na yumakap sa atin mula pagkabata. 


Walang hihigit pa sa sakit ng pagkawala ng ina—ang taong unang nag-alaga at nagbigay sa atin ng buhay. Sa kabila ng kanilang paglisan, sa kabila ng pag tahimik ng minsang maingay na tahanan, at sa pagkawala ng ilaw ng ating buhay, ang kanilang presensya ay patuloy na nararamdaman sa bawat sulok. Sa tahanan, sa puso, at sa buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.


Dalisay ang pag-ibig ng ina, at maswerte si Juan Fernandez na kahit sa maikling panahon, naranasan niya ang wagas na kabutihan at pag-ibig ng kanyang ina.


“Bilang bunso, kapag may kailangan ako, hindi siya magdadalawang isip na magbigay sa akin. Doon ko natutunan na kahit sa pinakamaliit na bagay, mahalaga ang magbigay. Kahit na minsan hindi na kaya, hangga’t may pagmamahal, nagiging okay ang lahat. Sa kanya ko natutunan na magbigay na walang hinihinging kapalit. Na kahit siya na lang ang walang makain, handa pa rin niyang ibigay. Hanggang ngayon, patuloy kong isinasabuhay ang mga bagay na nakita ko sa kanya hanggang sa kanyang huling hininga. Kung nabubuhay siya, sigurado akong pareho naming isinasabuhay ang magbigay at magmahal nang wagas.”


Ang pagmamahal ng isang ina ay hindi nasusukat sa oras o distansya. Sa kabila ng kanilang paglisan, ang kanilang pag-ibig ay patuloy na nananahan sa puso ng kanilang mga anak. Milya-milya man ang layo, ang alaala at pagmamahal nila ay umaabot sa bawat tagumpay, sa bawat hakbang sa buhay.


Sa bawat hakbang na ginagawa ni Juan, bawat tagumpay na nararating, ang tanging tanong na umaabot sa langit,“Ma, alam kong proud ka sa akin. Sana nakikita mo ito ngayon.”


Sa mga walang choice kung hindi maging Ina


At para kay Ate na tumayo bilang pangalawang ina, sa kabila ng lahat ng sakripisyo, pinili niyang maging sandalan at magbigay ng pagmamahal na kinakailangan ng mga nakababatang kapatid.


Minsan, nakalimutan natin na sila rin ay may mga pangarap na nais tahakin, ngunit ang buhay ay hindi palaging sumusunod sa plano. Sa kanilang mga mata, ang mga pangarap na iyon ay naging pangalawa lamang sa mga pangangailangan ng pamilya. Mas pinili nilang iwasan ang kanilang mga sarili, at itabi ang kanilang mga sariling pangarap, upang ang mga nakababatang kapatid ay magkaroon ng pagkakataong matutunan at maranasan ang mga bagay na hindi nila naranasan.


Deserve din nilang mabati ngayong araw, hindi lang bilang ate o kuya, kundi bilang mga ina sa anino ng kanilang mga magulang. Lahat ng sakripisyo nila, ang mga impit na paghikbi sa gabi dahil may mga pangarap silang hindi naabot, ay dala nila sa puso. Hindi sila ang unang ina, ngunit sila ang humalili—nagbigay ng gabay at pagmamahal kahit walang nagtuturo.


Hindi lang sila mga kapatid, sila rin ang naging mga tagapagtanggol at tagapangalaga, nagsisilbing sumbungan ng ina, katuwang sa pamumuhay. Madalas silang nag-aalangan, nagtatago ng sariling kalungkutan upang magbigay lakas sa iba. Habang iniisip kung saan kukuha ng pera para sa pagkain bukas, pilit nilang pinipigilan ang mga pangarap na hindi na matutupad, para lang matulungan ang kanilang mga kapatid.


Marahil pinanghawakan na nila ang salitang ito na mababasa sa internet, "Be kind to your mom, it's her first time living too." Ngunit sa kabila ng mga salitang ito, nakakubli ang libo-libong katanungan sa kanilang isipan: “First time ko rin naman ito, diba?”


Saksi ang apat na sulok ng tahanan sa mga gabi ng kanilang impit na hikbi, sa mga mata nilang unti-unting kumukupas, dulot ng mga pangarap na unti-unting nauurong. Pinili nilang maging praktikal, pinili nilang magbigay kahit hindi na nila kayang magbigay pa.


Bigyang halaga rin sila sa araw na ito, dahil hindi rin magaan ang kanilang mga dalahin. Hindi nila hiniling ito, ngunit tinanggap nila nang buo. Hindi lang sila mga ate, kuya, o kapatid—sila rin ang mga ina sa silong ng tahanang hindi laging nakikita, ngunit laging nararamdaman.


At sa lahat ng tumayong ina, mga ina, at gabay para sa susunod na henerasyon, hindi lang ito ang inyong araw. Araw-araw, mahal namin kayo, mula sa pagkaing inihahain ninyo sa mesa hanggang sa paglalaba ng mga damit na ginagamit namin sa trabaho. Hindi ninyo hinihingi ang papuri, ngunit sa bawat sakripisyo at pagod, patuloy kayong nagmamahal nang walang kapalit.


Ang inyong pagmamahal ay hindi nasusukat ng isang araw lamang. Bawat gabi, sa bawat hakbang, may mga pangarap na naaalala, may sakit na hindi nakikita, ngunit patuloy kayong nagsisilbing ilaw at gabay.


Mahal namin kayo, hindi lang ngayon, kundi araw-araw, sa bawat sakripisyo at pag-ibig na walang hanggan dahil tangan ninyo ang iba’t-ibang mukha ng pag-ibig.


Artikulo: Gerie Marie Consolacion & Ma. Deborah Chelsey Bautista

Grapiks: Kent Bicol

Comentários


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page