top of page
Writer's pictureThe Communicator

Hustisyang nakaangkla sa mga naghaharing-uri

Walang sinuman ang nakakaangat sa batas—mayaman, mahirap, may katungkulan sa bayan o maging salat sa buhay—lahat ay pantay-pantay na lilitisin at haharap sa hukuman. Ngunit sa sistema ng hustisya sa Pilipinas, may pangil pa ba ang batas upang patawan ng kaukulang parusa ang mga naghaharing-uri sa lipunan?



Taong 2021 nang sampahan ng Central District of  California ang umano’y “Appointed Son of God” at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) Pastor Apollo Quiboloy ng mga kasong human and sex trafficking, fraud and coercion, bulk cash smuggling, at marami pang iba. Kabilang din sa “most wanted list” ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang pastor dahil sa kanyang pagpapadala ng taong simbahan sa Estados Unidos upang magsagawa ng mga bogus na operasyon upang pondohan ang kanilang simbahan at marangyang pamumuhay ng mga pinuno nito.


Ito’y isang malinaw na pananamantala at pang-aalipin sa ngalan ng relihiyon na lumalaganap sa bansa. Paanong ang ganitong klase ng pagmamanipula sa mga taong simbahan ay hindi napapanagot at nabibigyang parusa ng ating batas?


Hindi pa rin umuusad ang mga kaso na ito dahil sa pagpapaliban ng hukom sa California sa mga papeles na kailangang isumite. Kamakailan nga lang ay muling umugong ang kasong pilit binabaon sa limot ng may sala. Puspusan ang pagpapatawag ng Senado kay Quiboloy sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros  upang harapin ang hukuman at litisin sa hiwalay pang mga kasong isinampa sa kanya ng Senado at Pasig City court. 


Nang maglabas ng warrant of arrest ang Senado ay hindi umano ito matunton ng kapulisan na may sapat naman na badyet upang paglingkuran ang bansa at hanapin ang taong diumano’y “hindi nagtatago” sa batas. Kung ano ang bilis ng pagkalabit sa gatilyo ng kapulisan sa mga walang sala ay siya namang kupad nito sa pagkilos upang mahanap ang huwad na alagad ng simbahan. Pangungutya ang natatanggap ng hukuman ng bansa sa likod ng mga naghaharing-uring pumoprotekta sa kaniya. 


Kaugnay nito ay ang pagtanggi ni dating pangulong Duterte sa mga alegasyon na tinatago niya ang malapit na kaibigan kahit pa mayroon silang komunikasyon nito. Isiniwalat din niya ang lugar na maaaring kinaroroonan ng pastor habang tinatanggi na wala siyang alam kung nasaan ito. 


Isa lang itong indikasyon kung gaano kabilis mapaikot ang ulo ng mga awtoridad at mabaliko ang mismong batas ng bansa. Gamit lang ang mga detalyeng gawa-gawa katulad ng ginawa niya sa kanyang termino, lalong na-uudyok ang mga katulad niya na iputan sa ulo ang taumbayan.


Tulad ni Quiboloy na pinaniniwalaan at sinasamba ng mga tagasunod ng Kingdom of Jesus Christ, ang dating pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay administrator ng KJC ay patuloy rin ang pagtaliwas sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC. Mula sa hindi makatao at madugong pagpapatupad ng kanyang “war on drugs” o “extrajudicial killing” sa kanyang termino na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 20,000 katao mula 2016-2022 base sa tala ng UN Human Rights Council.


Ang hustisya na hanggang sa ngayon ay pinagkakait sa pamilya ng mga biktima ng berdugong Duterte ay malabong masilayan sa bagong administrasyong Marcos Jr. dahil nang magsimula ang imbestigasyon noong 2016 ay agaran itong umalis ng Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC taong 2019. Higit pa rito, ang patuloy na pagmamatigas at pagtanggi ng administrasyong Marcos sa tulong ng ICC at sa kooperasyong hinihingi nito ang mas lalo nagpahirap sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima . 


Samantala, ang biglaang pagtatalaga ni Quiboloy kay Duterte bilang administrator ng KJC ay isang pangunguhulugan ng malalim na ugnayan ng dalawa. Sa kaso na kinahaharap ng simbahan at pagproprotekta ni Vice President Sara Duterte, maging ang ilang senador kay Quiboloy ang patunay na hindi malabong may ugnayan ang nakalipas na administrasyon sa pagpupuslit ng mga taong simbahan sa Estados Unidos. 


Ang kaso ni Quiboloy at dating pangulong Duterte ay walang pinagkaiba. Parehas hindi makatarungan at may kaukulang mabigat na parusa, ngunit dahil sa oligarkiya na umiiral sa pamahalaan ay malabong ito ay maaksyunan. Ang pagtatakip sa mga akusado ay isang malinaw na pagyurak sa karapatan ng mga naaabuso. At ang pagtatago ng impormasyon para sa imbestigasyon ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte ay isang malaking pagtataksil sa taumbayan. 


Kung ang hustisya sa Pilipinas ay walang kinikilingan, hindi mahirap hulihin ang mga high-profile criminals na ito kung hindi lang sila nagtatago sa likod ng mga kaibigan nilang pulitiko. 


Sa estado ng hukuman na mayroon ang bansa, hindi tunay na walang nakakaangat sa batas, kung libo-libong pamilya ang patuloy na umaasa sa hustisya habang ang mga maniniil ay malayang namumuhay sa likod ng mga pamilyang pangalan at kaibigan ang puhunan.



Artikulo: Roselle E. Ochobillo

Dibuho ni: Timothy Andrei Milambiling

Comentarios


bottom of page