Kasabay ng laban para sa pagbabagong hangad ng masa ay ang pagbabago ni Sintang dating makamasa.
Bagama’t malaking kabawasan sa gastusin ang libreng matrikula sa Sintang Paaralan, nananatiling pampabigat ng bulsa ang mga gastusin sa akademikong pangangailangan, transportasyon, renta sa dormitoryo, at pang-araw-araw na baon. Dala ang pangarap na makapagtapos at makapaglingkod sa masa, ang maliit na allowance ng bawat Iskolar ng Bayan ay pilit na pinagkakasya makapasok lamang sa iskwela. Ang mga abot-kayang bilihan ng pagkain at inumin sa loob ng unibersidad na bahagyang pumapawi sa hirap na dinaranas nila ay tila nanganganib at hindi na maaasahan pa.
Nitong mga nakaraang linggo lamang, maingay na pinag–usapan ng sangkaestudyantehan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang pagbubukas ng mga stall ng Chowking at Jollibee Coffee Blends sa lagoon. Ayon sa kani-kanilang mga staff, pansamantala lamang ang pag-okupa nito kasabay ng pagdiriwang ng PUP 120th Founding Anniversary. Ang pagbubukas ng mga ito ay umani ng samu’t saring pagtingin kung saan mas nangingibabaw ang pagkabahala ng lahat.
Noong isang taon lamang nang muling binuhay ang National Polytechnic University (NPU) Bill (Senate Bill 2448) na naglalayong magpapasok ng mga komersyalisadong establisyemento sa PUP. Datapwat patuloy itong niraratsada sa Senado, ang pagbubukas ng Chowking at Jollibee stalls sa lagoon ay nagbabadya ng unti-unting pagpapapasok ng malalaking kainan para makuha ang loob ng mga mag-aaral na umayon sa komersyalisasyon at pagsasapribado ng unibersidad sa ilalim ng NPU Bill.
Ikinuwento ng iilang graduate ng unibersidad ang mga naging presyo noon ng budget meals na makikitang bahagyang nagtaas sa kasalukuyan. Maaaring sabihing dulot ito ng patuloy na implasyon sa mga bilihin, ngunit hindi rin makakaila na may papel din ang pagpapataas ng renta sa mga puwesto ng local vendors na hindi naman kalakihan ang puhunan. Kadalasan, ang mataas na renta ay nagtutulak na rin sa kanilang isuko na ang kanilang puwesto at pilit na humanap na lamang ng ibang lugar na pagbebentahan. Ngunit sa dami ng kompetisyon sa Teresa at Pureza, may lugar pa ba para sa kanila?
Hindi lamang ito ang epektong kanilang matatamasa kung dadami ang mga kilalang food stalls sa lagoon, magkakaroon ng mahigpit na agawan sa mga kustomer kung saan walang dudang talo sila. Aminin man o hindi, may mga pagkakataon talagang nadadaig ng katanyagan ang nakasanayan—konsepto ng pagiging bandwagon ika nga nila.
Sa kabila ng pagiging pansamantala lamang, ang posibilidad na pagdami ng mga kapitalistang hindi makamasa ay daragdag din sa kalbaryong danas ng mga PUPian. Mabigat na nga ang mga gastusin sa transportasyon, renta sa dorm at ang mga proyekto sa iilang asignatura, tuluyan pang mabubutas ang kanilang bulsa sa matataas na presyo ng pagkain at inumin sa bawat pasok. Kung mawawala pa nang tuluyan ang mga local vendor, ano na ang gagawin nila? Magtitiis na lamang ba sila dahil sa presyong nakakawalang-gana?
Bukod pa roon, hindi rin maitatanggi ang tila pagkiling ng mga namamalakad kay Sinta sa mga kapitalista kaysa sa mga student-merchant na naghahanapbuhay para kayanin ang hirap ng buhay. Makikita ito sa pagpapaalis ng iilang miyembro ng Resource Generating Office (RGO) sa mga mag-aaral na naglatag ng kanilang paninda noong pagdiriwang ng PUP Founding Anniversary. Kung may lugar para sa mga malalaking negosyante, bakit hindi mabigyan ng puwang ang mga student-merchant na gumagawa lang ng paraan para sa kanilang pag-aaral at panraos sa araw-araw? Nangangailangan sila ng tulong pero hindi sila dinidinig ng sariling pamantasang dapat makamasa.
Dekalidad at makamasang edukasyon ang sinisigaw ng mga isko at iska, pero bakit komersyalisasyon ang sinasagot sa kanila? Hindi na ito ang Sintang kilala ng lahat, dahil ang masang dapat pinaglilingkuran ay tinatalikuran niya na at hindi pinakikinggan.
Sa halip na hilinging manatili nang mas matagal pa ang mga establisyementong ito, piliing tumindig habang hindi pa huli ang lahat. Huwag magpabulag sa mga nakakaengganyong pagbabago lalo na kung sa likod nito ay mga epektong pagsisisihan naman sa dulo. Ang mga pagbabagong dapat tanggapin ng bawat Iskolar ng Bayan ay ang mga matagal nang hiling ukol sa pagsasaayos ng sistema ng pampublikong edukasyon at pagpupunan ng mga kakulangan.
Nagsisimula pa lang lahat pero kung magpapatuloy ang ganito, maraming maaapektuhan ng malupit na pagbabagong ito. Usisaing maigi kung saan kumakampi dahil maraming nakasalalay sa panig na pipiliin.
At para sa’yo naman, Sinta, mapagtanto mo sanang hindi lamang kabuhayan ng mga local vendor sa Lagoon ang nakasaalang-alang dito. Daragdag ka pa sa danas na hirap na pasan-pasan ng mga iskolar mo.
Nagbabago ka na at unti-unti nang hindi makilala, hindi na ikaw ito. Sinta, para kanino ka nga ba talaga?
Artikulo: Mary Ellen Faith Montemayor
Dibuho ni: Alyzza Marie Sales
Comments