top of page

Walis, Zonrox, at ang hapis na bitbit ng ulirang janitor

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 7 hours ago
  • 4 min read

Sa ilang dekadang pakikibaka ng PUP Samahan ng Janitorial (SJ) para sa makataong kabuhayan, kailanma’y hindi nagbago ang kanilang mga panawagan. Ilang Mayo Uno pa ba ang kailangan nating pandayin bago nila tuluyang makamit ang hinahangad na karapatan? 



(Timothy Milambiling/The Communicator)
(Timothy Milambiling/The Communicator)


Marso 13, magda-dalawang buwan na ngayong Araw ng mga Manggagawa, nang magsama-sama ang mga miyembro ng PUP-SJ sa tarangkahan ng unibersidad upang pukawin ang atensyon ng sangkaestudyantehan sa lumulubog nilang kabuhayan—mula sa kontraktuwalisasyon, nabibinbing sahod, at hindi makatarungang polisiya ng ahensyang Starcom Manpower (StarcomM).


Matagal nang ina-outsource ng PUP ang karamihan sa kanilang non-educational services, tulad ng school canteen at janitorial services. Ang StarcomM ay isa lamang sa nagdaang ahensiyang humawak sa mga janitors ng PUP. 


Mula’t sapul nang punan ng nasabing ahensya ang pag-manage sa paglilinis ng unibersidad noong Pebrero 2020, puro problema na lamang ang dinala nila para sa kanilang mga manggagawa. 


Una, nananatiling hindi regular ang trabaho ng mga janitors sa PUP kung kaya’t parating nanganganib ang kanilang kabuhayan tuwing nagpapalit ng ahensiya ang unibersidad. Ayon sa nakapanayam ng publikasyon sa hanay ng mga manggagawa, ang dating taunang pagpapalit ay naging siyam na buwan—hanggang maging bi-annual. Kalakip nito palagi ang panibagong dayalogo sa ahensya upang sila’y mapanatili sa kanilang trabaho; Ang nararamdamang kaba na sa isang iglap ay maaaring mawala ang trabahong sumusustento sa kanilang mga buhay.


Sa ilang dekada nilang pagta-trabaho, bakit hindi pa rin sila mai-regular? Palagi na lamang ba nilang kailangang magmakaawa sa bagong ahensyang mananalo sa bidding ng unibersidad? 


Ikalawa, laging delayed at inconsistent ang sahod ng mga janitors, ayon sa panawagan ni Tatay Jun, ang pinuno ng PUP-SJ, sa nakaraang press conference ng Budget Alliance. Hindi na nga mai-regular, binabarat pa.


Sa panayam kay Nanay Christy ng samahan, tinatayang P645 lang ang sahod nilang mga manggagawa kada araw, ang minimum wage ng National Capital Region (NCR). Kung susumahin, sa limang working days na ibinibigay sa kanila ng administrasyon, umaabot sa P3,225 dapat ang sahod kada linggo ng mga janitors. 


Subalit bukod sa laging nahuhuli, kulang-kulang rin daw ito: Minsan P2,500, o kaya’y bumababa sa P2,100 lang. Ibig sabihin, mas mababa pa sa minimum ang kinikita nila sa bawat linggo. Mismong ang 13th month pay nila ay dumating lamang nitong Marso, matapos ang isang taong pakikipag-dayalogo. Hindi na nga nakabubuhay ang sahod, kinukurakot pa.


Mas malala pa, dulot ng kanilang iregular na trabaho, nasa ilalim din sila ng no work, no pay na polisiya. Sa unibersidad na madalas ang suspensyon, kita nila ang nanganganib. Hindi rin sila nakakatanggap ng sahod para sa mga holidays, isang malinaw na paglabag sa Article 94 ng Labor Code na minamandato na may karapatan sa labing-tatlong paid regular holidays ang mga manggagawa. Wala rin silang mga paid leaves, bukod sa maternity.


Kung tutuusin, hindi naman ito mga bagay na kailangan ‘pang pag-usapan—karapatan ‘yan ‘e. Hindi ba’t dapat ay patas nila itong natatamasa nang hindi na kinakailangan pang mangalampag?


Ikatlo, wala ring garantiya ang mga janitors ng unibersidad na napupunta sa kanilang SSS at PhilHealth ang mga contributions ‘kuno’ na ikinakaltas sa kanilang sweldo. 


Pangako lang ang hawak nila sa kung tunay bang napupunta sa SSS ang kanilang kontribusyon, habang hindi naman nagre-reflect sa system ng PhilHealth ang pagbabayad ng StarcomM sapagkat ang dating ahensiya pa rin ang nakapangalan dito.


Ang dahilan ng StarcomM? Kasalanan daw ‘yan ng PhilHealth o kaya’y magtiwala na lamang sa kanila. Pero ang tiwala ay binubuo—hindi sapilitang hinihingi sa mga manggagawa.


Nakakapanindig-balahibo ang mga kaganapang ito sapagkat nakakasalamuha natin ang mga masisipag na janitors na ito sa araw-araw nating pag-aaral sa Sintang Paaralan. Sa likod ng marurungis nilang kamay, hapong mukha, at pilit na ngiti—ay ang mapait na katotohanang hindi patas ang mundo para sa lahat.


Ang totoo, napipilitan silang ikompromisa ang kanilang mga karapatan para lamang mapanatili ang trabahong ‘di nakabubuhay. 


Limang araw lamang kada linggo ang trabaho nila sapagkat kulang umano sa badyet ang unibersidad para pasahurin ang 95 na janitors ng kampus. Sa huli, tiniis na lamang ng mga janitors ang limang araw na trabaho kapalit ng pananatiling buo ng kanilang samahan.


Para matanggap ang kanilang 13th month pay na isang taong ipinaglaban, kailangan nilang itigil ang pagpoprotesta kontra StarcomM, na kung tutuusin ay karapatan nila laban sa pang-aabuso sa kanila ng ahensya. 


Napipilitan din silang itikom ang bibig para mapanatili ang posisyon sa kabila ng ‘di umano’y diskriminasyon sa kanilang hanay, kung saan idini-discourage ang pagu-unyon.


Ang tanong ng mga manggagawa, “Hanggang kailan tayo magtitiis?” 


Kakulangan pa rin ba sa badyet ang lagi nating idadahilan sa ating mga manggagawa? Totoo, ang matalim na kaltas sa pondo ng unibersidad ay malala, pero hindi ba’t nagiging convenient reason na lang ito para patuloy na maging manhid sa kanilang danas? Problema ang kakulangan sa pondo, pero ano ba naman ang magsantabi ng nakabubuhay na pondo para sa mga janitor? 


Bakit tila walang bayag ang unibersidad para sawayin ang ahensyang nagbibingi-bingihan sa karapatan ng ating mga manggagawa? Kahit pa nasa ilalim ng ahensya ang ating mga janitorials, mayroon pa ring kapangyarihan ang unibersidad na mangialam—lalo na’t alam naman nilang delayed ang pasahod at puro kaltas pa. 


Sa huli, alam kasi nilang walang makakapitan ang mga manggagawang nakakakahon sa kahirapan. Kahit ano pang pagsasawalang-bahala nila, wala namang ibang trabaho ang mga janitor. Lulunukin na lang nila muli ang namumuong laway sa lalamunan, aasang mabubusog nito ang kanilang mga kalamnan. 


Ito ang katotohanan sa mundo ng mahihirap—kumakapit sa patalim, ngumingiwi lang sa sakit. Kaya bilang estudyante, ang hamon sa ating bilang mga manggagawa ng hinaharap ay, “Kailan tayo lalaban?


Ang laban ng ating mga janitorial ay hindi nalalayo sa laban nating sangkaestudyantehan.


Ang budget cuts, heat index, at represyon ay mga bagay na kinakaharap rin ng ating mga sintang janitors. Ang Araw ng mga Manggagawa ay hindi nagtatapos sa Mayo Uno, hindi ito nagtatapos sa bente-kwatro oras nilang paglilinis sa bawat dingding at silid ng sintang paaralan. Ang bawat araw nila ay laging nasa survival mode, at kailangan nila ang ating boses.


Mabigat na ang zonrox, walis, at karitel na tulak-tulak nila sa kampus. Bakit kailangan pa nilang pasanin ang pagmamalabis ng sistema?

Комментарии


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page