top of page

Hamon ng Umaarangkadang Pasko

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Bumubusi-busina. Umaara-arangkada. Ganyan ang lagay ng mga jeepney sa lansangan. Hindi para pumasada at may ihanda sa noche buena kundi para ipaglaban ang kanilang mga prangkisa—dahil walang Pasko sa libong mga tsuper at operator na mawawalan ng kabuhayan.

Ilang araw na lamang ay Pasko na, litaw na litaw na ang mga ilaw na kumukuti-kutitap sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanang pampaskong tugtugin ang maririnig sa mga kalsada. Sari-saring pailaw at laruan ang mabibili sa bangketa. At iba't ibang mga putahe na naman ang ihahain sa mesa para pagsaluhan ng buong pamilya.


Pansit, biko, manok, baboy, at isda. Mayroon ding salad, prutas at hamon kung nakakaluwag. Hindi rin mawawala sa Paskong Pinoy ang kantahan, sayawan, palaro at bigayan ng mga regalo. Pero, pasok pa ba ang Pasko sa badyet ng pamilya mo?


Sa simoy ng Kapaskuhan, hindi ka lang sa lamig ng hangin kikilabutan, maging sa presyo ng mga bilihin. Php 300 para sa kilo ng baboy, Php 200 at Php 50 naman para sa kilo ng manok. Hindi rin bababa sa Php 100 ang mga gulay at prutas na karaniwang hinahalo. Maging ang paboritong salad ay hindi bababa sa Php 500 ang kukunsumuhin. Sa ganitong lagay, kaya pa ba ng “minimum wage earners” o ng mga may kitang barya-barya ang dating pangmasang handa?


Ngayong taon ay naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 8.7% na inflation rate sa bansa noong Enero—isa sa pinakamataas na porsyento. Naitala rin noong Hulyo ang pagbaba nito at pagkamit sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4%. Ayon pa sa PSA, dahil sa mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng gulay at iba pang pagkain, at ng presyo ng krudo, kapansin-pansin ang pagbaba ng inflation rate sa bansa mula sa 4.9% noong Oktubre na naging 4.1% noong Nobyembre.


Bagamat kapansin-pansin ang pagbaba ng inflation sa bansa at pagtaas sa 5.9% ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas ngayong 2023 sa buong Asya, hindi naman ito maramdaman ng masa. Kabi-kabila pa rin ang pagtaas ng mga bilihin gaano man karaming statistika ang ipakita at ilabas. Mula sa simpleng limampisong itlog na tumaas sa sampu ang bawat piraso, bigas na tumaas nang limampiso ang bawat kilo, at krudo at pamasahe na walang habas ang pagharurot sa dagdag bawat kilometro.


Dagdag pa riyan ang tone-toneladang mga gulay na nasasayang dahil hindi nabibili sa merkado. 10 hanggang 15 porsyento o katumbas ng 3.4 milyong metrikong tonelada na ani ng palay rin ang nasasayang taun-taon ayon sa Department of Agriculture. Kabalikat nito ay ang tinatayang 13.2 milyong pamilya na kinokonsidera ang kanilang kalagayan na kabilang sa laylayan ng lipunan.


Sa kabilang banda, ang solusyon ng gobyerno sa kahirapan ay mga programang mas nagpapahirap sa tao, tulad ng jeepney phaseout na nakabalatkayo bilang PUV Franchise Consolidation. Ang malawakang kalbaryo na ito ay sasagasaan ang kabuhayan ng mahigit 140,000 na tsuper, 60,000 na maliliit na operator at mahigit 28.5 milyong komyuter. Ito ay itinakdang ipatupad sa darating na Disyembre 31 ayon kay Presidente Bongbong Marcos Jr., upang bigyang daan ang Jeepney Modernization Program na naglalayon ng “efficient” at “environmentally friendly” na pampublikong transportasyon.


Paano makakagaan at pakikinabangan ang modernisasyon na ito kung ang bawat isang modernong jeep ay nagkakahalaga ng dalawa hanggang tatlong milyon. Saan kukuha ng ganito kalaking pera ang mga tsuper at operator sa kakarampot nilang kinikita sa araw-araw? Ang pamasahe ay tataas din sa tinatayang Php 40 hanggang Php 50 bilang resulta nito. Mabigat para sa mga komyuter na mababa rin ang sahod sa ekonomiyang mayroon tayo.


Bilang pagtutol sa deadline ng franchise consolidation, pansamantalang nakatigil-pasada ang mga jeep sa pangunguna ng PISTON at MANIBELA mula Disyembre 18 hanggang 29. Ito ay upang puspusang palakasin ang ugong ng mga panawagan ng mga tsuper sa hindi makamasang programa. Hindi na iniisip ang nawawalang kita sa pasada bawat araw, makasama lamang sa welga. Pikit-matang nilulunok ang posibilidad na walang makakain sa mga susunod na araw o maihahanda sa noche buena. Ngunit mas nananaig ang kaisipan na kahit walang makain ngayong araw ay ayos lang, mailaban lang ang kinabukasan ng mga kabuhayan at mga pamilya nila.


Sa araw ng Pasko, habang ang karamihan ay nagsasaya, may libo-libong pamilyang nananalangin ng bagong pag-asa. Sabi ni Manong, kapag may hiling ay kay Santa lumapit at maghintay na ito’y kaniyang tuparin. Dahil ba mahirap kalampagin at gisingin ang gobyerno natin? Mahirap singilin para sa mga pangakong binitiwan noong mga boto natin ang kailangan? Mahirap hagilapin para samahan tayong solusyonan ang mga problemang ating kinakaharap?


Hanggang kailan kaya kayang sikmurain ng mga kinauukulan ang mga panawagang kanilang ipinagsasawalang-bahala. Kailan kakainin ng kanilang konsensiya ang katotohanang maraming magugutom at maghihirap sa mga programang kanilang isinusulong na hindi natutugunan ang tunay na krisis sa lipunan?


Patuloy sa pag-arangkada ang mga sari-saring hamon sa lipunan—pagtaas ng mga bilihin, presyo ng gasolina, at pagdagsa ng mga programang pang-kapitalista. Magkapit-bisig tayo, bitbitin ang mga karatulang sisingil sa bulok na sistema, lipunin at palakasin ang ugong ng kumakalam na sikmura at sama-samang makibaka para sa hangad nating gobyerno na tunay na tutugon sa interes ng masa.


コメント


bottom of page