top of page

Gulong ng Krisis: Pakikibaka ng mga drayber at estudyante para sa HITODA

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 hours ago
  • 5 min read

Ugong ng tren, busina ng mga sasakyan, at tinig ng mga estudyante—ito ang araw-araw na umalingawngaw sa lansangan ng Pureza, lalo na sa mga mag-aaral na tutungo sa PUP, ang sintang paaralan. 


ree

Ngunit, tiyak na tagaktak ang pawis at mahabang lakaran ang gugugulin kung babaybayin ang kahabaan nito hanggang Anonas. 


Kaya’t upang matiwasay at mabilis na makarating sa kampus, maraming estudyante ang pinipili na sumakay sa mga traysikel ng HITODA. 


Ang HITODA o Hipodromo Tricycle Drivers Association ay samahan ng mga tricycle driver na pumapasada mula sa Teresa hanggang Pureza at sa iba pang kalapit na komunidad ng Sta. Mesa, Maynila. Sila ang pangunahing nagseserbisyo sa mga PUPian tuwing papasok sa paaralan o ‘di kaya’y tuwing uuwi pagkatapos ng mahabang araw sa klase. 


Nitong Hunyo, pumutok ang isyu tungkol sa pagkawala ng kanilang terminal sa harap ng pamantasan bilang bahagi ng proyektong North-South Commuter Railway (NSCR) na umokupa sa kanilang dating puwesto. 


Bunsod ng pagpapaalis, walang kasiguraduhan ang mga drayber kung saan nararapat na lumugar dulot sa kawalan ng planong relokasyon o malilipatan. Maging ang pagparada sa pampublikong kalsada ay wala silang ligtas dahil sa posibleng banta ng pagmumulta mula sa kinauukulan. 


Paano na nga ba ang kabuhayan ng mga drayber? Hanggang kailan sila magtitiis sa walang katiyakan at pansamantalang espasyo? 


Pamamasada para sa pamilya


Isa si Mang Jerry, 68 na taong gulang sa namamasada ng traysikel malapit sa unibersidad. Kuwento niya, nasa 20 anyos siya nang magsimulang mamasada ng traysikel, ngunit nasa ikatlong taon pa lamang sa ilalim ng HITODA. 


Dahil sa kanyang edad, ito na lamang ang trabaho na kaniyang pinasok para masuportahan ang kaniyang pamilya. 


“Wala naman ibang may hanapbuhay sa amin kundi ako lang,” ani Mang Jerry. 


Sa pamamasada ni Mang Jerry, minsa’y kumikita siya ng isang libo sa isang araw ngunit dahil inuupahan o nakiki-boundary lamang sa ginagamit na traysikel, nahahati ito at nakakapag-uwi lamang siya ng limang daang piso. Madalas din na matumal lalo na kapag walang pasok ang mga estudyante. 


Aniya pa, pampamilya lamang ang kaniyang kinikita na sumasapat lamang sa pagkain at paunti-unting ipon na nakatutulong lalo na sa pag-aaral ng kaniyang apo. 


Kaya’t sa pagkawala ng kanilang terminal, mahirap para sa kaniya ang pamamasada lalo na sa kanilang pansamantala at kasalukuyang puwesto sa ilalim ng skyway na maputik at malubak. 


“Wala tayong magagawa, gagawin kasi ang kalsada. Ayos na ‘yon pero dapat mayroon kaming linya o mapipilahan,” dagdag pa niya.


Sa pamamasada rin ng traysikel binibuhay ni JR, 39 na taong gulang, ang kaniyang pamilya sa loob ng sampung taon bilang drayber. 


“Malaki ang naitulong nito sa pamilya ko. Kaysa nangangamuhan ka o namamasukan ka, dito wala kang amo, sarili mo hawak mo,” saad niya.


Gaya ni Mang Jerry, nakaayon rin ang kinikita niya depende kung may pasok sa unibersidad. Kapag maganda ang biyahe, nakakapag-uwi siya ng isang libong piso, bawas na ang bahagi para sa boundary o renta ng traysikel. 


Ngunit aniya, madalas na sumasapat lamang ang pera para sa pagkain at may pagkakataon naman na nakakapagtabi pa rin. 


Kaya’t para kay JR, malaking kawalan ang kanilang terminal lalo’t walang kasiguraduhan ang pansamantalang paradahan nila sa ilalim ng skyway. Pangamba pa rin nila ang muling pagpapaalis at gayundin ang panghuhuli sa kalsada.  


“Sa ngayon, hindi pa naman nakakaapekto kasi mayroon pa kami nito [kabuhayan] pero siguro kung nawala ito [kabuhayan], saka namin masasabi na naapektuhan na kami.” ani JR. 


Ang mga tsuper gaya ni Mang Jerry at JR ay ilan lamang sa marami pang drayber ng HITODA na nasa bingit ang kabuhayan dahil sa kawalan ng sariling terminal


Ang pamamasada ay hindi lamang bumubuhay sa kanilang pamilya araw-araw, tumutugon din ito sa pangangailangan ng komunidad lalo ng mga estudyante sa abot-kaya at maaasahang transportasyon. 


Serbisyong HITODA, benepisyo sa mga PUPian


Kabilang rito ang estudyanteng si Kelia Audrey Gamayo, 20 na taong gulang at nasa ikalawang taon ng kolehiyo sa programang Bachelor of Science in Information Technology. Regular na siyang pasahero ng traysikel mula ng mag-aral sa PUP noong Senior High School pa lamang. 


Ayon kay Kelia, malaking bahagi na ng kaniyang biyahe at buhay-estudyante ang HITODA na naging pangunahing tulay upang makarating siya sa paaralan nang mabilis at ligtas lalo na kapag nagmamadali o may kailangan habuling klase.


Bilang isang estudyante, napakahalaga ng pampublikong transportasyon tulad ng traysikel ng HITODA. Ang pampublikong transportasyon ay may malaking papel sa buhay ng mga komyuter. Sa katunayan, higit na mas maraming pasahero ang naihahatid nito sa bawat oras kumpara sa mga pribadong sasakyan,” aniya.


Ganito rin ang naging tugon ng estudyanteng si Janella Castillo, 22 na taong gulang at nasa huling taon ng kolehiyo sa programang Bachelor of Arts in Journalism. Sa loob ng apat na taon ng pagsakay, naging kaginhawaan ito hindi lamang sa kaniyang bulsa dahil sa murang pamasahe kundi maging sa pagod ng araw-araw na pagpasok. 


“Kapag umuulan, sila yung takbuhan namin para hindi mabasa. Kapag may dala kaming mabibigat na gamit o project, traysikel din ang sagot. Hindi lang ako nakikinabang dito kundi halos lahat ng estudyante lalo na yung may klase sa umaga at kailangan ng mabilis na masasakyan papasok at ang mga taga Main Building, malaki talaga ang tulong ng traysikel.” sabi ni Janella. 

 

Patunay lamang sina Kelia at Janella sa libo-libong mag-aaral ng PUP na nakikinabang sa serbisyong hatid ng HITODA. Kaya’t sa hamon na kinakaharap ng mga drayber at operator, nangangamba rin sila na maapektuhan lalo’t kung isang araw, bigla na lamang mawala ang tanging transportasyon na kanilang inaasahan. 


Kolektibong panawagan: ‘Relokasyon’, sigaw ng mga drayber at estudyante


Kung gaano kabilis na naglaho ang terminal ng HITODA, ganoon naman kakupad ang plano sa kanilang alternatibong at panibagong espasyo. Kaya’t sa patuloy na kawalan ng aksyon sa relokasyon, panawagan ng mga traysikel drayber at operator na agarang maibigay ang tamang puwesto para sa kanila. 


Isang permanenteng terminal na makatutulong sa seguridad ng kanilang kabuhayan at hindi na mangangamba pang mapaalis o pagmultahin. 


“Sana ‘pag natapos nila yan [NSCR], mabigyan kami kahit isang linya lang na pilahan namin para maging maayos rin ang sakay ng mga estudyante.” ani JR. 


Nakikiisa rin sa panawagan ang mga estudyante na hangad na mabigyang konsiderasyon at pansin ang mga drayber na apektado ng pambansang proyekto. 


“Tunay namang may mabuting layunin ang NSCR, ngunit marami ring aspeto ang dapat isaalang-alang. Dapat magkaroon ng diskusyon, isa na rito ang espasyo o terminal ng HITODA, na maaari pang pag-isipang bigyan ng makatao at alternatibong lugar para sa mga estudyante at mga drayber.” paliwanag ni Kelia. 


“Para sakin, sana maisama sila [mga drayber] sa plano ng NSCR. Kung hindi man sa eksaktong puwesto, sana mailaan sila ng maayos at permanenteng espasyo na hindi makakaapekto sa kabuhayan nila at sa kaginhawaan ng mga komyuter.” dagdag pa ni Janella. 


Walang masama sa paghahangad ng pagbabago tulad ng pagtataguyod ng NSCR na isa sa mga tugon sa pagpapaunlad ng transportasyon. Sino ba naman ang ayaw na mapabilis at maging magaan ang arawang biyahe? 


Ngunit, aanhin ang kaunlaran kung sa unti-unting pagbubuo ng riles, naiisantabi at napag-iiwanan ang mga drayber na minsang naging sandalan ng komunidad sa oras ng pangangailangan—umulan man o umaraw. Kaya’t sa laban nila, kasama ang mga estudyante na naninindigan sa kanilang karapatan sa hanapbuhay at pangmatagalang puwesto na marapat ipagkaloob ng pamahalaan. 


Sa pag-aasam ng progreso, marapat na umiiral ang pagiging makatao at makatarungan. Lahat tayo ay naghahangad na umunlad ngunit mas mainam ang sama-samang pagsulong—walang naiiwan at walang naapakan.


Artikulo: Brian Rubenecia

Grapiks: Justine Ceniza

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page