FEATURE | Gobyern-who?: Philippine Politics 101
- The Communicator
- 5 days ago
- 4 min read
Halos 22 Milyon—iyan ang kabuuang bilang ng mga Gen Z na boboto sa darating na eleksyon, ayon sa GMA Integrated News Research. Ngunit sa kabila ng papalapit na halalan, may isang nag-viral na pahayag ang umani ng pagkabahala mula sa publiko: “Sorry po, hindi po ako masyadong knowledgeable sa COMELEC.”

Ito ang sagot ng isang 20-anyos na kandidata sa It’s Showtime “Sexy Babe” nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa ahensya. Tugon mismo ng chairperson ng komisyon, “Maaring madami pa na katulad niya na kabataan o mga Filipino.”
Kaya’t naging hot topic sa social media ang kamalayan ng mga pinoy sa gobyerno, kung saan ang sigaw ng mga netizens, “Shoutout sa mga kabataan d’yan!”
B(eyyy)siks ng Pamahalaan
Kagaya ng tatlong “y” sa “eyyy,” na isang pinausong ekspresyon ni BINI Sheena, may tatlo ring sangay ng pamahalaan ang Pilipinas. Una, ang executive branch na nangangasiwa sa pagpapatakbo ng bansa. Pangalawa, ang legislative branch na gumagawa, nagsusuri, at nagbabago ng mga batas. At panghuli, ang judicial branch na naglilitis ng mga kaso, nag-iinterpreta ng mga batas, at nagtitiyak na walang inaabusong kapangyarihan.
Ang sangay ehekutibo ay binubuo ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mga kalihim ng gabinete na nagpapatupad ng mga batas. Ang sangay lehislatibo naman ay binubuo ng Senado, na may 24 na senador, at ng Mababang Kapulungan, na kinakatawan ng mga kongresista mula sa mga distrito at party-list. Samantala, ang sangay hudikatura ay binubuo ng Korte Suprema bilang pinakamataas na hukumang pinamumunuan ng isang Chief Justice, at ng iba pang mababang hukuman.
Bukod sa tatlong sangay ng pamahalaan, nariyan din ang Local Government Units o LGUs. Nakapaloob dito ang mga lalawigan, lungsod, at bayan na pinamumunuan ng gobernador o mayor. Kabilang din dito ang mga barangay bilang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan na pinamumunuan ng barangay captain kasama ang SK o Sangguniang Kabataan upang maging representasyon ng youth. Lahat ng ito ay pumapasailalim sa gabay ng pinakamataas na batas ng bansa—ang 1987 Philippine Constitution.
Okay na ‘to? Hindi pa!
Kung para kay Mommy Grace, natatapos na ang kanyang pagluluto pagkasambit ng sikat na “Okay na ‘to,” sa usaping ito, nagsisimula pa lamang ang lahat. Dahil sa itinakdang Bill of Rights ng konstitusyon, napangangalagaan ang mga pangunahing karapatan ng mamamayan tulad ng pagboto, pagpili ng relihiyon, at pagpapahayag. Sinasaad rin nito ang mga tungkulin nila tulad ng pagsunod sa batas at pagbabayad ng buwis.
Subalit kung may pagmamalabis sa kapangyarihan sa anumang sangay ng pamahalaan, dito pumapasok ang checks and balances na itinatag o ipinagtibay sa ilalim ng Saligang Batas. Nagagampanan ito ng mga ahensyang tulad ng Commission on Human Rights na nagtatanggol ng mga karapatang pantao, Commission on Audit na nag-aaudit ng kaban ng bayan, at ang usap-usapan kamakailan na Commission on Elections o COMELEC.
Laman ng kaliwa’t kanang balita ang institusyon dahil sila ang namamahala sa lahat ng halalan sa bansa—pagdating sa pagpapatupad ng mga regulasyon, at sa pagresolba ng mga alitang kaugnay nito. Sakop nila mula Barangay at SK Elections , hanggang sa panglokal at pambansang eleksyon.
Sa darating na Mayo 12, trabaho nilang masiguro ang matagumpay na pagboto ng taumbayan para sa mga bagong senador, kongresista, gobernador, mayor, konsehal, at iba pang lokal na posisyon, na ginaganap naman kada tatlong taon. Ngunit ano-ano nga ba ang mga proseso upang maging isang botante sa eleksyon?
Step by Step Bago Sumakses
Ika nga ni Niña sa viral niyang pahayag, “...pero step by the step pala bago ka sumakses!”
Gano’n din sa pagpaparehistro, na siyang unang hakbang para maging kabahagi ng elektorado. Pero bago ang lahat, may mga kwalipikasyon para matuloy rito: 18 taong gulang pataas sa araw ng halalan, hindi bababa sa anim na buwang paninirahan sa siyudad o munisipyo kung saan boboto, at higit sa lahat, isang taon nang lehitimong residente ng Pilipinas—dahil sino bang gustong malinlang o ma-Guo-yo, hindi ba?
Kung pasado na sa mga nabanggit, maari nang simulan ang pagproseso. Unang step: Kumuha ng registration form sa Office of the Election Officer (OEO) o sa pinakamalapit na satellite registration site sa lugar kung saan boboto. Maaari rin itong i-download mula sa opisyal na website ng COMELEC. Siguraduhing may dala ring valid ID at mga photocopy nito.
Pangalawang step: Ipasa ang sinagutang form para makuhanan ng biometrics data gaya ng fingerprint, e-signature, at litrato. Bagama’t walang partikular na alituntunin tungkol sa paggamit ng make-up sa mga piktyur, huwag naman iyung sobrao sa wika ni Sesable ay “sobrang latina!” Hindi naman ito panahon para magpaka-Vogue. Ang mahalaga, malinaw ang kuha at disente ang face card.
Panghuling step: Kunin ang ibibigay na acknowledgement receipt bilang patunay ng pagpaparehistro. Ngunit sa ngayon, sarado na ang registration period para sa 2025 NLE dahil inilulunsad ito ng COMELEC sa taon bago ang halalan. Pero sa pamamagitan lamang ng mga step by the step na prosesong ito, pwede nang maging botante—at tuluyang sumakses!
Listen, Look, and Listen and Learn
Noong 2019 nang maging meme ang linyang “...listen, look, listen, and learn,” mula sa isang palabas ni Raffy Tulfo. Pero kung tutuusin, may laman ito ngayong papalapit na eleksyon. Bakit? Dahil may timbang ang bawat boto, at may epekto ang bawat desisyon. Upang makapamili ng mga tapat na lingkod-bayan, kailangan munang magkaroon ng pakialam, ng mata, ng tenga, at ng dunong.
Bukod pa rito, makabuluhan rin ang nilalaman ng Artikulo 2, Seksiyon 1 ng 1987 Philippine Constitution: "Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.”
Ibig sabihin, sa huli, nasa bawat Pilipino—anuman ang henerasyon—ang tunay na kapangyarihan. Kaya sa tuwing may magtatanong ng “Gobyern-who?”, isa lang ang sagot: “Gobyern-you!”
Article: Archirez Dela Cruz & Jan Amarila
Graphics: Emar Lorenz Samar
Comments