top of page

Ex vs. Stepmom: Hanggang sa Huli, Wagi ang Mababang Pagtingin sa Kababaihan   

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 14 hours ago
  • 3 min read

Sa isang lipunang namamayani ang bulok na sistema sa usapin ng kasarian, ang mga kababaihan at sangkabaklaan pa rin ang nananatiling talunan. 


Bagaman marami na ang namumulat at nakikiisa sa laban ng ari, hindi maitatatwa na marami pa rin ang nananatiling bulag sa usaping ito. Gayunpaman, hindi sila marapat sisihin sapagkat biktima lamang din sila ng namumutawing macho-pyudal na sistema.

Isang halimbawa nito ay ang napapanahong usapin na pagkumpara sa ex-girlfriend at “stepmom” o ang kasalukuyang kasintahan, isang tahasang paghamak sa dalawang babae para lamang sa isang lalaki.    


Ang isyu sa unang tingin 


Sa kultura ng entertainment sa Pilipinas, malaking bahagi ang mga tambalan o loveteam gaya ng JaDine (James Reid at Nadine Lustre), KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla), at LizQuen (Liza Soberano at Enrique Gil). Ang paghahatid ng kilig ng mga ito ay talaga namang tinatangkilik ng marami. Maski hanggang sa dumating ang punto ng pagkabuwag ng mga tambalan ay nariyan pa rin ang mga panatiko. 


Sa mga bidyo at komentong kumakalat sa iba’t ibang social media platforms, “stepmom” ang tawag ng mga tao sa bagong nobya ng kanilang idolo. Kalakip nito ay ang matutulis at tagos-sa-butong salita na humahamak sa pagkababae ng mga ito. 


Bagaman may mga isyu na siyang ugat ng mga pangungutya, hindi ito dahilan upang hamakin ang kanilang pagiging babae o ang mismong pagiging tao nila.  


Ang trend na ito ay tila naging daan sa ibang tao—maging sa mga babae—upang ipagkumpara ang dalawang magkaibang babae para lamang sa kanilang papel sa buhay ng isang lalaki. 


Sa usaping ito, lilitaw ang isang katanungan: Bakit kailangang hamakin ang isang babae upang iangat ang isa? 


Babae bilang biktima ng sistema


Ang macho-pyudal ay kombinasyon ng salitang “macho” na tumutukoy sa kaisipang mas mataas ang lalaki kaysa babae, at “pyudal” na tumutukoy sa pagsasamantala, pang-aapi, at pagmamay-ari sa mas mababang uri ng tao, lalo na sa mga kababaihan.


Sa isyu ng mga buwag na loveteam, kung titingnan ang mga komentong ipinupukol sa kababaihan, hindi lamang mga machong lalaki ang nanghahamak sa mga “stepmom” kundi pati na rin ang kapwa nila babae. 


Sa unang tingin ay tiyak na nakagagalit sapagkat babae ang dapat na nangunguna sa pakikipaglaban para sa imahe ng kababaihan sa lipunan. Gayunpaman, kung susuriing mabuti, hindi sila marapat na sisihin sapagkat sila ay biktima lang din ng macho-pyudal na sistemang nananamantala at lumalason sa utak upang tingnang mas mababa ang kababaihan kaysa kalalakihan. 


Bunga ng namamayaning sistema sa lipunan, maging ang ibang mga babae ay nakikitang mas mababa ang kanilang mga sarili kaysa sa lalaki. Dulot ng nakasanayan, nakikita ng marami na ang kababaihan ay nakadepende sa kalalakihan, pambahay lamang, at mahina. 


Samakatuwid, mismong ang mga kababaihan ang may mababang pagtingin sa kanilang sarili kaysa sa lalaki. Hindi ito ang tama, ngunit ito ang naipamulat—ito ang nakasanayan at ito ang normal sa lipunan.   


Midya sa likod ng kahon ng telebisyon 


Mula sa mga loveteam kung saan ipinakikitang hindi kayang mabuhay ng isang babae nang walang lalaki—sa nanlilisik at rumorolyong mga mata, mainit na batuhan ng mga linya, hanggang sa kaliwa’t kanang sampalan ng dalawang babaeng halos magpatayan upang patunayan ang kanilang sarili—iyan ang pormula ng midya upang maging mabenta ang palabas sa mga Pilipino.  


Tila kapeng pampagising ng diwa at siling pampaanghang sa dila na makita ang mga babaeng nakikipaglaban sa kapwa babae. Ito ang malupit na katotohanang nakasanayan at bahagi na ng kulturang Pilipino. 


Bagaman paulit-ulit, ang ganitong tema ay hindi maiwasan, o mas maiging sabihin na hindi iniiwasan ng midya sapagkat ito ang hinahanap sa telebisyon, ito ang papatok, ito ang kikita.  


Ang parihaba o minsa’y kahon na telebisyon na pinagagana ng midya ay marapat na makapagpalaya at makapagpasaya. Ngunit kung susuriin, ito ay isang kahong ginagawang instrumento upang ikulong at hamakin ang imahe ng mga babae; mababa, magulo, pambahay lamang, at hindi kayang mabuhay kung walang lalaki. 


Makiisa sa laban ng ari


Sa tahasang paghahambing ng dalawang babae, mauugat ang makalalaking sistema na nag-aanak ng baluktot na pag-iisip na siyang nananamantala sa marhinalisado, partikular na ang kababaihan.   


Ang bulok na sistemang ito ang lumalason sa utak ng marami, na siyang pinagyayabong pa ng midyang hangad ay kumita. Nagdudulot ito ng diskriminasyon sa usapin ng kasarian sa lipunan. 


Madaling baguhin ang mga komentong ipupukol sa isang babae online. Ang mahirap baguhin ay ang baluktot na pag-iisip na mas mababa ang babae kaysa lalaki. Gayunpaman, hindi ito imposible. 


Upang makamit ang tunay at dalisay na pagkakapantay-pantay ng mga ari, mabuting buksan ang isipan at ang mga mata—huwag tingnan bilang gamit o mga karakter na nakapagbibigay-aliw ang mga kababaihan at huwag silang tingnang mas mababa sa kalalakihan.


Artikulo: Rolan Muyot

Grapiks: Jan Mike Cabangin


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page