Noong pinili ko ang kursong komunikasyon, paulit-ulit ang litanya ng mga magulang ko na wala raw masyadong oportunidad dito. Hindi ko masabi noon kung tama ba sila o hindi, ngunit ilang beses na rin kasing sinabi ng mga propesor namin na walang pera sa peryodismo.
Kakarampot na kitang P26,188 (karaniwang sahod ng mga journalist batay sa PSA) mula sa araw-araw na paglalagi sa kalsada para makakalap ng istorya. Maghapong pakikisalamuha sa mga tao para mabuo ito at mailathala. Dagdag pa rito ang pagsasakripisyo ng ilang mahahalagang okasyon dahil kailangan sa tawag ng tungkulin.
Pero minsan, naiisip ko rin, paano maihahayag ang kwento ng mga inaapi kung walang mamamahayag? Paano magkakaroon ng kaunting aliw kung walang produksyon na nagsasadula? Ibig sabihin, may oportunidad naman sa kursong komunikasyon dahil kailangan ito ng masa. Kaso, kulang sa prayoridad at suporta.
Ilang beses na rin akong naghanap ng scholarship sa internet. Karamihan ay puro kursong Bachelor of Science (BS), gaya ng Computer Science, Medicine, o Accountancy ang hanap. Gaya ng DOST at Gokongwei. Bilang lang sa kamay ko ang para sa komunikasyon, at kadalasan pa, bukas ito sa lahat o kaya naman ay scholarship para maging international student sa isang foreign university.
Tuwing midterms at finals week naman, ramdam ko rin ang kawalan ng suporta sa kurso na ito. Walang pasilidad o kahit man lang kakarampot na pondo para sa mga production work na kailangan. Kaya, walang ibang opsyon kundi magpakalat ng crowdfunding materials sa social media para mabawasan kahit katiting ang gastos. Umaasa sa kaunting donasyon ng mga tao sa internet para maging reyalidad ang magazine, newsletter, maikling pelikula, at iba pang produksyon na hinihingi ng kurso.
Naiintindihan ko naman kung bakit walang pondo o pasilidad para sa amin, kasi patuloy pa rin ang panggigipit ng gobyerno sa state universities sa porma ng budget cut. Pero kung iisipin, mas madaling maka-survive sa kursong ito kung may sapat na pasilidad, kagamitan, at pondo. Siguro kung may kamera lamang sa paaralan na maari kong mahiram upang makapagsanay kumuha ng larawan, baka mas maayos na output ang naipapasa ko. Marahil, pwede ko pa itong maisali sa isang photo essay contest at makakuha ng parangal.
Napagtanto ko na kaya siguro nagkaroon ng konsepto ng praktikalidad at passion sa pagpili ng kurso sa kolehiyo ay dahil may mga kurso na sadyang hindi nabibigyan ng sapat na suporta, lalo na ang mga kursong Bachelor of Arts (BA) gaya ng komunikasyon. Kung saan ang may sapat na pribilehiyo at kakayahang maitawid ang kurso lang ang kumukuha nito.
Maliban sa pagiging underfunded, sa kursong komunikasyon ko rin naranasan ang iba’t ibang banta sa pagiging mamamahayag. Normal na magsulat kami ng mga kritikal na bagay. Nakakatakot sa tuwing tinitingnan ka ng mga pulis sa mga field coverage, lalo na kung lalapitan ka nila mismo. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses akong nasabihan na nag-aaral lang para maging terorista tuwing ikukuwento ko na ito ang kurso ko. Mga paratang na hindi naman totoo dahil ang pagiging kritikal sa lipunan ay hindi kasingkahulugan ng terorismo.
Midya ang pangunahing midyum para makapagpadaloy ng impormasyon. Impormasyon na kailangan ng masa para magkaroon ng malay sa lipunan. Bukod dito, daan din ito para makapagpamulat at magbigay ng saglit na kaligayahan.
Bilang krusyal na parte ng estado, marapat lang na ang komunikasyon ay mabigyan ng sapat na suporta gaya ng ibang kurso. Maglaan ng pasilidad na may kalidad na kagamitan sa mga unibersidad, magbigay ng sapat na scholarships para ma-engganyo ang mga estudyante na tahakin ito, at higit sa lahat, maitaguyod ang karapatan sa malayang pamamahayag.
Sabi nila, madali lang naman mag-aral ng komunikasyon, pero kailan naging madali ang pag-aaral nito kung hikahos ka sa buhay? Kung patuloy kang pinagbabantaan ng estado? At kung ang oportunidad na tinataglay nito ay para lang sa mga may pribilehiyo?
Artikulo: Alexa Franco
Dibuho: Jamie Rose Recto
Commentaires