Balo-balotang Kapalpakan at Ugat ng Bulok na Halalan
- The Communicator
- 2 days ago
- 4 min read
Ngayong Midterm Elections 2025, naging madikit ang laban at kasing init ng panahon ang ulo ng mga botante sa puros problemang kinaharap ng sambayanang Pilipino. Sa resulta ng halalan, paano natin masisigurong tama at kongkreto ang datos na nasa listahan kung balo-balotang kapalpakan ang naranasan ng taumbayan?

Ayon sa Commission on Election (COMELEC) 68.6 Milyon ang populasyon ng mga botante ngayong eleksyon, higit na mas mataas ng tatlong milyon mula sa mga rehistradong botante noong 2022. Ang kalakhan ng mga botante ay binubuo ng mga Millennials at Gen Z, dahilan upang tumaas ang tiyansa sa pangarap na maayos na pamahalaan ng bansa. Ngunit sa nakababahalang resulta ng “Magic 12” sa Senado, ang mga Pilipino pa rin ba ang dapat sisihin o ang sanga-sangang anomalya ng sistema?
Ugat ng Bulok na Halalan
Sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa, walang halalan na hindi nagka aberya ang mga Automated Counting Machine (ACM). Pagbukas pa lamang ng mga polling centers sa palibot ng bansa ay may mga ACM ng nagkaroon ng problema, maski si Pangulong Bongbong Marcos ay napakamot sa ulo nang siya mismo ang nakaranas ng bulok na sistema.
Taong 2024 noong pumirma ang COMELEC at ang South Korean firm na Miru Systems Co. Ltd. (Miru Systems) ng halos P18-bilyong kontrata para sa pag-upa ng mga automated counting machines na ginamit ngayong midterm election. Sa kabila ng mga machine failure na naitala sa iba’t-ibang panig ng bansa, at pagtutol ng mga poll watchdogs at lawmakers na gamitin ito, nag-taingang kawali ang ahensya at pinagpatuloy ang nasimulan kahit pa sa mismong pagsusuri nito noong Pebrero ay pumalpak na ito.
Ayon sa Vote Report PH, hindi bababa sa 50.09% o 798 ang mga kasong natanggap ukol sa mga machines na nagkaroon ng iba’t-ibang problema: mula sa hindi pagkain nito ng mga balota, hindi nababasang boto, mga printer na hindi nakahanay o mga smart card na ginamit upang ma-access ang ACM. Problema din, hindi lang ng mga makinarya, ngunit pati na rin ng mga botante ang mga nagkalat na tinta sa balota, sobrang sensitibong scanner, at mataas na insidente ng overvoting dahil sa paulit-ulit na problema — partikular sa likod ng balota kung saan apektado ang mga partido dahil sa mga bumabakat na tinta.
Dumagdag pa rito ang natuklasan ng iba’t-ibang media, hating-gabi ng bilangan ng boto, na may mga transmisyon mula sa libu-libong presinto sa buong bansa ang nadoble nang ito'y isinama sa central server ng Comelec, dahilan upang bumagsak ng limang milyon ang bawat boto ng mga kandidato. Paanong nakalusot ang ganitong kabigat na klase ng anomalya?
At kung may mas ilalala pa ang kapalpakan ng mga machine, ito ang hindi pagkakatugma ng mga binoto sa balotang ipinasa at ang resulta ng mga resibong inilalabas nito. Makinarya pa rin ba ang may problema o sadyang harap-harapan na tayong niloloko ng sistema?
Kung para sa COMELEC, ang dami ng kaso ng mga aberya ay mababa lamang, at maidaraan sa patuloy na pag-alibi na ‘nakalimutan lamang ng mga botante ang pangalan ng kanilang binoto’, aba’y kahiya-hiya namang mahigit isang taon nilang ginugol ang paghahanda ngayong eleksyon, na mayroong bilyon-bilyong pondo para lamang hainan tayo ng bulok, palpak na makinarya at hindi kapanipaniwalang paliwanag sa mga aberya.
Boto Ko o ng Kandidato Mo?
Kung marami man aberya sa makinarya, hindi pa rin talaga magpapatalo ang mga galamay ng mga kandidatong uhaw sa posisyon at boto ng bayan.
Naglipana sa social media ang mga video at report kung saan may mga poll watcher na sinasagutan ang balota ng ibang kandidato—isang malinaw na paglabag sa Section 11 of Republic Act No. 10366, kung saan ang mga kamag-anak ng botante o Board of Election Inspectors (BEI) lamang ang maaaring gumabay sa taong may kapansanan o senior citizen na hindi marunong bumasa at sumulat o pisikal na hindi kayang maghanda ng balota nang mag-isa.
Kabi-kabila din ang mga ilegal na pangangampanya sa mga presinto, kung saan umabot na sa may 200 insidente ang naireport sa Vote Report PH, tulad ng pamimigay ng mga flyers, sample ballots, at ng mga listahan ng mga kandidatong tumatakbo. May naiulat din na insidente ng vote buying na garapalang isinasagawasa mga voting places. Kung gaano nga naman kabulok ang sistema ay tiyak pinamumunuan ito ng mga trapong hindi lumalaban ng patas.
Pulang Busal sa Demokratikong Karapatan
Pero wala na yatang mas bibigat pa sa mga aligasyong paninirang-puri sa isang tao. Bago pa man ang halalan, kaliwa’t-kanan na ang mga banta ng pulang marka sa mga progresibong grupo na tumatakbo sa kongreso tulad ng Bayan Muna, Kabataan Partylist, Gabriela Women’s Party, at Alliance of Concerned Teachers (ACT). Nariyan ang kabaong na may pangalan ng grupo, at mga lapida sa labas ng piling mga paaralan sa buong bansa. Bagama’t hindi na bago dahil kahit hindi eleksyon ay kating-kati ang mga berdugo at naghaharing-uri manira ng puri ng mga tunay na lingkod-bayan, ay wala pa ring malinaw at matibay na aksyon ang pamahalaan at ang Comelec ukol dito.
Wari’y hinahayaan na lamang maglaro sa apoy ng kapalaran at magtagu-taguan ang mga lumalabag sa batas. Karapatan ng bawat isang Pilipino ang bumoto at kumandidato sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas at nararapat lamang na puksain at tanggalan ng puwang sa lipunan ang mga paninirang-puri sa bawat isang indibidwal.
Dagundong ng Taumbayan
Ngayong mapoproklama na ang mga bagong uupo sa Senado at kongreso, maging ang mga partido at namumuno sa lokal na pamahalaan, tila ay lamang pa rin ang kampon ng kadiliman at kasamaan. Ang resulta ng halalan ngayong taon ay isang manipestasyon ng malinaw na may malaking daluyong na kakaharapin ang sambayanan.
Umuugat man ito sa mga bulok na makinarya sa eleksyon, ang tunay na kalaban ay nasa harapan natin, unti-unting umaakyat sa kapangyarihan. Magpapatuloy ang palpak na sistema hangga’t nasa pwesto ang mga peste sa lipunan.
Ngunit, lagi nating tatandaan na may mga yabag sa kahabaan ng lansangan dahil may bulok na sistemang nagluwal sa mga anak ng bayan na lumalaban, at magpapatuloy ang dagundong ng sambayanan hanggang taumbayan na mismo ang pinaglilingkuran.
Sulat ni Roselle Ochobillo
Dibuho ni Luke Perry Saycon
Comments