Matapos ang lokal na aksyon sa tarangkahan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), nagtipon-tipon ang iba't ibang grupo ng sangkaestudyantehan sa labas ng opisina ng Commission on Higher Education (CHED) upang kalampagin ang ahensiya sa kani-kanilang mga hinaing sa sektor ng edukasyon, kasabay ng pagdiriwang ng ika-22 taong anibersaryo ng Kabataan Partylist at ika-162 taon ng kaarawan ni Gat Jose Rizal nitong Lunes, Hunyo 19.
Bitbit ang mga panawagan sa suot nilang party hats, ipinagdiwang ng komunidad ng PUP ang kaarawan ni Rizal sa isang iglap-protesta sa pangunguna ng Kabataan Partylist PUP (KPL-PUP) upang irehistro ang panawagan para sa dagdag-pondo, 100% full face-to-face classes, dagdag pasahod sa kaguruan, at kalayaang pang-akademiko sa pamantasan, kasabay ng pagtutol sa tuition and other fees increase (TOFI) sa bansa.
“Nananatili pa rin ang pagpapahirap sa mga Iskolar ng Bayan at mga kaguruan ng pamantasan. Kaya bilang kabataan, hamon sa atin ito na makiisa sa laban at makibaka sa ating karapatan bilang estudyante, dahil karapatan natin ang makapag-aral nang walang iniintinding kahit anong pagpapahirap,” pahayag ng KPL-PUP.
Sa bisa ng Proclamation no. 75, series of 1948 ni dating pangulong Elpidio Quirino, idineklara ang Hunyo 19 bilang pambansang Araw ng Kabataang Pilipino, inspirasyon sa kaarawan ni Rizal, na siyang naging araw rin ng protesta para sa ilang mga progresibong grupo at kabataang organisasyon sa mga unibersidad ng Maynila, kasama ang ilang pambansang unyon ng mga kabataan sa Pilipinas.
Bilang itinuturing na “totoo" at “natatanging” boses ng sektor sa kongreso, pinangunahan ng Kabataan Party-list ang kilos-protestang “Eduk-Aksyon!,” kasama ang mga delegasyon mula sa iba't ibang grupo ng mag-aaral, upang ipaglaban ang “siyentipiko, makabayan, at makamasang” edukasyon sa ilalim ng kinakaharap na krisis ng bawat pribado at pampublikong pamantasan sa bansa kabilang ang University of Santo Tomas (UST), University of the East (UE), at University of the Philippines (UP) System.
Tinawag na “kapitalistang edukador” ni John Ross Cruz ng Kabataan Partylist Far Eastern University (FEU) ang pamilya Montinola sa “pagkamkam” umano nito ng yaman sa FEU lulan ang nagbabadyang 3% TOFI sa pamantasan, kasabay ng “bulok” na Wellness and Recreation Program (WRP) at programang Mentoring and Educational Enrichment Training (MEET) na dumaragdag umano sa libo-libong matrikula ng mga Tamaraw.
“Hindi dapat gawing negosyo at pampataba ng pitaka ang mga paaralan. Ang krisis ng edukasyon ay nagmula sa bulok at komersyalisadong sistema na hindi nais paunlarin ang kaalaman ng mga kabataan, pero sa interes lamang na gawin silang mga lakas-paggawa para sa mga korporasyon at dayuhan,” ani Cruz.
Pinuna rin ni Josh Baylon mula sa Diwa ng Kabataang Lasalyano - Vito Cruz ang K-12 program na mas nagpopokus raw umano sa “employability” ng mga mag-aaral kaysa gawing abot-kaya at de-kalidad ang sistema ng edukasyon sa bansa, maging ang nagbabadyang mga polisiya sa sektor tulad ng mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC) at TOFI na nagsisilbi umanong “roadblock” upang makapagtapos ang mga estudyante sa De La Salle University (DLSU).
Sa pangunguna sa hanay ng state colleges and universities (SUCs) sa protesta, iginiit ni UP Diliman University Student Council (USC) councilor Ron Medina na hindi nananatiling “libre” ang edukasyon sa unibersidad dahil sa kakulangan ng badyet, dormitory slots, academic units, at tulong-pinansyal sa mga tinaguriang “iskolar ng bayan,” kasabay ang militarisasyon at “pamamasista” sa pampublikong mga pamantasan na kumikitil umano sa akademikong kalayaan ng mga mag-aaral.
Sa pagtatapos ng limang taong moratorium para sa taas-matrikula, hindi pinalampas ni PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Secretary-General Miss Kim Modelo ang pangongondena sa P10.7 billion budget cut sa SUCs at ang nagbabadyang pagbawi ng free tuition law, kasabay ng pagraratsada ng mandatory ROTC sa kongreso.
“Ito [budget cuts] ay banta sa ating kalayaan sa pagkamit ng libre, aksisible, at de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino. Sagka ito sa pag-abot natin ng isang nasyonalistiko, siyentipiko, at demokratikong edukasyon para sa lahat […] Tayo ang kabataan; tayo ang pag-asa ng bayan. Tayo ang magdidikta ng tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino,” sigaw ni Modelo.
Sa kabila ng milyon-milyong pisong pagkakaltas ng pang-akademikong badyet sa ilalim ng kanyang administrasyon, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kabataang Pilipino na “pag-ibayuhin ang kanilang pag-aaral” at “magsilbi sa kanilang komunidad” sa paniniwalang nasa kasalukuyang henerasyon ng kabataan ang mga susunod na lider na magtatanggol sa kapakanan ng bansa.
Artikulo ni: Chris Burnet Ramos
Grapiks: Cathlyn De Raya
コメント